- Mga Liham ng Pagpapatibay sa Pagbubukod (Na-update noong Ika-25 ng Hunyo, 2010)
- Isang Liham ng Salamuha at Babala mula sa mga Kamanggagawa mula sa Hilagang Pilipinas noong Ika-26 ng Mayo, 2010 (Basahin ang Buong Sulat)
- Liham ng Pagbubukod Mula sa Mga Matanda ng Ekklesia ng Malabon para kay Sister Charing Garcia Noong Ika-25 ng Mayo, 2010 (Basahin ang Buong Sulat)
- Isang Liham ng Babala sa Lahat ng Ekklesia at Mga Banal sa Pagbabawi ng Panginoon Mula sa Ekklesia sa Malabon noong Ika-18 ng Mayo, 2010 (Basahin ang Buong Sulat)
- Liham ng Mga Matanda sa Ekklesia sa Malabon kay Sister Charing Garcia noong Ika-2 ng Mayo, 2010 (Basahin ang Buong Sulat)
PAMBUNGAD
Ang pagkilos ng Panginoon sa mundong ito ay sa pamamagitan ng Kanyang namumukod-tanging ministeryo, at tayong lahat ay nakikilahok sa namumukod-tanging ministeryong ito. Sa Bagong Tipan ay mayroon lamang iisang ministeryo at iisang pamumuno lamang sa ministeryo. Ito ay hindi ang pamumuno ng isang namamahalang tao o isang organisasyon; sa halip, ito ay nasa pamumuno ng isang namamahalang pahayag sa iisang ministeryo sa pamamagitan ng mga yaong nagdadala ng pahayag ng ministeryo. Ang ministeryong ito na sinimulan ng Panginoon at ipinagpatuloy ng mga apostol, ay nasa loob ng kinasasaklawan ng pagtuturo ng mga apostol na namamahala at naglilimita sa atin sa Bagong Tipan. Ito ang batayan para sa lahat ng ating pagtuturo at paglilingkod. Sinasabi sa atin nang malinaw ng Gawa 2:42 na bilang napatnubayan ng mga apostol, ang Bagong Tipang ekklesia ay nagsipanatiling matibay sa pagtuturo at pagsasalamuha ng mga apostol, kung saan si Kapatid Lee ay may ganitong talababa:
"Bukod sa pagtuturo at pagsasalamuha ng mga apostol, ang mga mananampalataya sa loob ni Kristo ay nararapat na walang anumang ibang pagtuturo at pagsasalamuha. Sa Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos ay may isa lamang kategoriya ng pagtuturo na inihayag at kinilala ng Diyos—ang pagtuturo ng mga apostol—at isa lamang kategoriya ng pagsasalamuha na mula sa Diyos at katanggap-tanggap sa Kanya—ang pagsasalamuha ng mga apostol, na sa Ama at sa Anak na si Hesu-Kristo (1 Juan 1:3 at tala 3), at siyang namumukod-tanging pagsasalamuha ng namumukod-tanging ekklesia, ang Katawan ni Kristo." (Witness Lee, The New Testament Recovery Version, Acts 2:42 fn1. LSM)
Dapat tayo maging lubhang maingat sa ating pagtuturo, lalung-lalo na pagdating sa mga lathalaing nagbibigay ng pagtuturo. Sinumang naglilingkod sa Panginoon ay maaaring magabayang maghain ng Kristo sa iba, maging ang magsulat ng isang bagay ukol sa kung ano ang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Ang iba ay maaaring may kabigatan pang mamahagi ng naisulat na sa mga lathalain o sa pamamagitan ng internet. Gayunpaman, dapat nating tandaan na hindi lahat ng naisulat o nailathala ay nagsasanhi sa kaisahan ng Katawan at sa pagtatayo ng Katawan. Sa katunayan, maraming bagay na naisulat ng maraming tagapaghain at manggagawa ay nagresulta sa pagwasak sa halip na pagtatayo ng Katawan at mapagbaha-bahagi sa halip na nagsasanhi ng at nagiging bahagi ng namumukod-tanging kaisahan ng Katawan ni Kristo ayon sa pagtuturo ng mga apostol sa Bagong Tipang ministeryo. Sa pamamagitan ng pananaw na ito tayo ay nagsasanay na mahanggahan at malimitahan ng prinsipyo at pagsasagawa ng iisang gawain ng lathalain sa pagbabawi ng Panginoon gaya ng paggabay nina Kapatid Nee at Lee, sapagka’t pangunahing ipinapaloob ng gawain ng lathalain ang pagtuturo at pagtutrumpeta sa ministeryo ng Panginoon. Hindi ito nangangahulugan na ang mga indibiduwal ay walang karapatang magsulat o maglathala, kundi yaong sa mas malawak na ibig ipakahulugan at pananaw ng kaisahan at iisang puso’t kaisipan ng Katawan ni Kristo at ng pagtatayo nito bilang ang nangingibabaw na prinsipyo sa Bagong Tipang ministeryo, nanaisin nating makatiyak na walang pabagu-bagong tunog sa pagtutrumpeta sa ministeryo na makasisira sa halip na makapagtayo, na makapaghahasik ng pagkalito sa halip na magbigay ng malinaw na paggabay.
Pinaalalahanan tayo mismo ni Kapatid Lee:
"Ang itinuturo o ipinahahayag ng mga manggagawa, gayunpaman, ay dapat na malimitahan. Ang pamumuno ay kailangang-kailangan sa bagay na ito. Sa pagbabawi ng ministeryo ng Diyos ay walang kalayaang magpahayag ng anumang ninanais nating ipahayag o ang magturo ng anumang ninanais nating ituro. Ang ating pagpapahayag at ang ating pagtuturo ay kailangang malimitahan sa ilalim ng pamumuno ng pahayag ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. Kung ang isang tao sa pagbabawi ng Panginoon ay nagsimulang magturo, magbigay-diin, o magpasulong ng isang bagay na salungat o naiiba sa Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos, magkakaroon ng pangangailangan para sa ilang pamumuno upang pigilan ito. Sa ganoon ay walang magiging pagkalito. Hindi kailanman magkakaroon ng kaguluhan sa pagbabawi ng Panginoon kung ang lahat sa atin ay may isang malinaw na pahayag ng ministeryo sa Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos." (Witness Lee, Leadership in the New Testament, Chapter 2, Section 2, LSM)
Ang prinsipyong ito ay magagamit kapwa sa mga manunulat o mga tagapaglathala at sa mga mambabasa rin. Ang kanyang mga salita ay nagsisilbing isang malinaw na babala at paalaala para sa atin na hindi basta-basta pumasok sa anumang lathalain na dumarating, kundi sa halip ay ang sumisid tungo sa Salita gaya nang inihayag ng ministeryo upang masangkapan at mabakunahan laban sa mga maling pagtuturo at di-malulusog na mga salita na nananagana sa karamihan sa mga sulatin at mga website na ito na wala sa prinsipyo ng iisang gawain ng lathalain sa pagbabawi ng Panginoon.
Sa 1 Timoteo 1:3-4 inatasan ni Pablo si Timoteo na manatili sa Efeso na may isang tiyak na layunin, nang sa gayon ay maatasan niya ang mga yaong tumututol na huwag magturo ng mga bagay na naiiba sa ekonomiya ng Diyos sa pananampalataya. Kinailangan niyang atasan ang mga ito na huwag magturo ng mga bagay na naiiba sa pagtuturo ng mga apostol. Sinumang tagapaghain na nagpapahayag o nagtuturo ay dapat isagawa ang kanyang paglilingkod bilang bahagi ng ating namumukod-tanging patotoo at gawain. Kung hindi, ang mangangaral na ito o ang tagapaghaing ito ay dapat na mahanggahan, at ang mga banal sa kalakhan ay dapat na mabigyang-babala laban sa ibang mga pagtuturo na iminumungkahi. Bawa’t isa ay dapat na mahanggahan o malimitahan sa loob ng pagtuturo ng mga apostol, na nagsisilbing pamumuno ng ibinigay-ng-Diyos na pahayag na naglilimita sa atin, namamahala (direct, control) sa atin nang sa gayon ay maiwasan ang kaguluhan at pagkakabaha-bahagi.
Para sa layuning ito, inihahandog natin ang malusog na pagtuturo sa website na ito sa mga banal at sa mga ekklesia upang ipaliwanag nang matuwid ang salita ng katotohanan. Ang mga nilalaman ng website na ito ay mga lathalang nagpapatibay at nagtatanggol sa pagtuturo ng mga apostol na nasa ilalim ng panunuligsa, at mga pagwawasto sa mga maling pagtuturo, maling layunin, mga pag-iba (deformations) sa Salita, at mga maling pagsipi mula sa ministeryo nina Kapatid Watchman Nee at Witness Lee, sa pamamagitan ng website na "seekers of God's desire", na pinangangasiwaan ng isang kapatid na babaeng manggagawa na hindi pinanatili ang kaayusan sa dibinong administrasyon sa pamamagitan ng pagtuturo na may awtoridad (1 Tim. 2:11-12) at sa pagbibigay kahulugan muli sa ilang mga tiyak na katotohanan at mga pagsasagawa, paglalathala nang may kalayaan sa isang di-nalilimitahang paraan sa loob ng nagdaang taon, paninira sa awtoridad ng Diyos sa gawa at sa mga ekklesia sa pamamagitan ng publiko at pribadong paninirang-puri sa mga kamanggagawa at mga matanda, paghahasik ng mga binhi ng paghihinala at hidwaan sa pamamagitan ng mga tahasang panunuligsa at pagpaparinig sa kanyang mga sulatin, at pagsasagawa ng isang pribadong gawain na hindi akma sa Katawan ni hindi kinukuha ang Katawan bilang ang namamahalang prinsipyo nito.
Ating pag-asa at katiyakan na ang katotohanang inilahad ay magliliwanag ng landas upang linawin ang kaguluhang nilikha ng mga iba’t ibang pagtuturo at taliwas na mga pagsasagawa na ibinibigay ng website ng mapagtutol na kapatid na babae, nang sa gayon ang mga banal ay tumangan sa tapat na salita, na naaayon sa pagtuturo ng mga apostol, upang tayo ay makapanghikayat sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo at upang mapaamin sa kasalanan ang mga nagsisisalansang (Tito 1:9). Sa pamamagitan ng pananatiling matibay sa pagtuturo at pagsasalamuha ng mga apostol sa ilalim ng namumukod-tanging ministeryo ng Bagong Tipan, mapanatili nawa nating lahat ang mahalagang kaisahan at iisang puso’t kaisipan sa pamamagitan ng pagtanggap ng iisang pahayag at pagkuha ng iisang daan upang maabot ang iisang gol.