Ipinaliliwanag nang Matuwid ang Salita ng Katotohanan hinggil sa
“Pagpapabilis sa Pagbabalik ng Panginoon”
Ang Bahay-bahay na Pagpupulong ng
Hapag ng Panginoon ba ang Pinakamainam na Paraan
sa Pagpapabilis ng Pagbabalik ng Panginoon?
Sa isang kamakailang pagpupulong ng mga kamanggagawa at mga matanda kasama si Kapatid Liu Chi Cheng, isang kamanggagawa ang pinaalalahanan sa pagsasabi na ang “paraan” na kanyang itinataguyod ay ang pinakamahusay, sapagka’t nagbigay-babala at malinaw na nagturo si Kapatid Lee laban sa pagtataguyod ng paraan o pagsasagawa ng sinuman bilang ang pinakamahusay:
“Huwag mong sabihing ang iyong paraan o ang iyong ginagawa ay mas mahusay, kahit na ang iyong paraan ang pinakamahusay. Hindi ko ibig sabihin na hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na mas mahusay….Hindi ito nangangahulugan na hindi ka dapat magsagawa ng isang bagay na mas mahusay. Subukan mong gumawa ng isang bagay na mas mahusay hangga’t ang iyong paggawa ay hindi nakasisira sa patotoo ng Katawan. Ang iyong paraan ay maaaring pinabuti, pinaunlad, at mas mahusay kaysa sa lahat ng iba pang paraan, gayunpaman hindi mo kailangang tawagin itong mas mahusay, at hindi mo kailangang magpatangkilik, magtaguyod, o magsalita tungkol dito. Ito ang laging nagsasanhi ng kaguluhan. Huwag mong sabihing ang iyong paraan ay pinabuti at pinaunlad. Huwag sabihing ang iba ay lumihis sa isang tiyak na bagay at ngayon ay mayroon kang pinabuting paraan. Ang ganitong uri ng bagay ang pumupukaw sa mga nakagugulong pagtatanong.” (W. Lee, Elders’ Training, Book 4: Other Crucial Matters Concerning the Practice of the Lord’s Recovery, Chapter 5, p. 62, LSM)
Bagama’t mariing itinanggi ng manggagawa na ginawa niya ang gayong salaysay, hindi maitatanggi ang katotohanan sapagka’t ang gayong pahayag (assertion) ay makikita mula sa pamagat pa lamang ng kanyang lathalain na “An Exhortation and Entreaty for the Experience and Enjoyment of the Optimum Means of Hastening the Lord’s Return” na hayagang inilathala sa Tomo 23, Isyu Blg. 5 ng Bagong Tao, ang lathalain ng gawa na di-wasto niyang ginamit upang ipaalam ang kanyang mga personal at pansariling pananaw, at itaguyod ang kanyang sariling estilo ng bahay-bahay na pagpipira-piraso ng tinapay.
Ang pagsasabing ang isang bagay ay ang “pinakamainam” ay katumbas ng pagsasabing ito ang “pinakamahusay”. Ayon sa kanyang lathalain, ang “pinakamainam na paraan” sa pagpapabilis sa pagbabalik ng Panginoon ay “ang pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon”. Maging ang pagpapalagay na ang kanyang “paraan” ay ang pinakamainam o pinakamahusay, ang mismong paggawa ng pagtataguyod dito ay sumasalungat sa panghihikayat ni Kapatid Lee. Dahil hindi nakinig ang kamanggagawa sa mga salita ni Kapatid Lee, maraming hidwaan ang naisanhi.
Hinggil sa pagsasagawa mismo, ang “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon” ba talaga “ang pinakamainam na paraan” upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon ayon sa mga Kasulatan? Itinuro ba nina Kapatid Nee o Kapatid Lee sa anumang paraan na ang pagsasagawang kanyang itinataguyod ay ang pinakamahusay? Tinukoy ba nila sa anumang paraan na ang “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon” ang paraan upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon?
Mula sa mga Kasulatan, hindi ang Panginoon Mismo ni ang sinuman sa mga apostol ang kailanmang nagturo na ang pagsasagawa ng “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon” ang pinakamahusay na paraan upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon. Maraming talata hinggil sa pagbabalik ng Panginoon sa Biblia, subali’t wala ni isa man ang nag-uugnay sa pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay.
Marami ang isinalita nina Kapatid Nee at Lee hinggil sa pagbabalik ng Panginoon. Nagsalita rin sila hinggil sa pagpupulong sa bahay-bahay. Subali’t wala ni sinuman sa dalawang kapatid na lalake, habang kinikilala ang kahalagahan ng mga pagpupulong sa bahay-bahay na kasing-halaga ng mas malaking pagpupulong ng mga banal, ang ginawa itong bagay na sentro ng kanilang balanseng ministeryo. Ang kaugnayan sa pagitan ng pagbabalik ng Panginoon at pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay ay hindi kailanman isang aytem sa ministeryo.
Sa pagsunod sa ministeryo, mahalaga para sa ating magsaliksik tungo sa mga sulatin nina Kapatid Nee at Lee nang sa gayon ay makatanggap tayo ng malulusog na salita. Ang kanilang mga pagtuturo hinggil sa pagbabalik ng Panginoon ay kapwa nagbibigay-kaliwanagan at nagpapakain, at nagbibigay-pakinabang sa atin na balikang muli ang mga puntong itinuro nila na sa pamamagitan ng mga yaon ay makapaghanda tayo upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon. Tingnan natin ang mga ito sa pagbubuod:
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa paghahanap sa kaharian sa pamamagitan ng ating paglago sa buhay. Ang bilis ng Kanyang pagdating ay nakadepende sa bilis ng ating paglago.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng paglago ni Kristo sa loob natin. Ang paglago ni Kristo sa loob natin ay ang pagdating ng Kanyang kaharian.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pagpapahayag ng ebanghelyo at ating paglago sa buhay. Lalo tayong sumusulong, lalong papalapit ang pagdating ni Kristo.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng paggulang sa buhay. Ang Panginoon ay naghihintay nang may pagpapahinuhod upang gumulang tayo sa buhay. Tanging ang paggulang natin ang makapagpapabilis sa pagdating ng Panginoon.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapahinog sa ani. Tulad ng isang magsasaka, ang Panginoon ay naghihintay sa pananim na lumalago sa bukirin na mahinog. Kapag hinog na ang ani sa bukirin, Siya ay babalik.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng ating lubos na pakikipagtulungan para sa panloob na pagkilos ng Kanyang proseso ng paglago sa loob natin.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging makadiyos at pagkakaroon ng realidad ng pagkamakadiyos. Mas maraming pagkamakadiyos ang inihahayag natin, mas mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay sa ilalim ng pamumuno at pagsasanay ng realidad ng kaharian. Ang ating pamumuhay ang magpapabilis sa pagdating ng pagpapakita ng kaharian ng mga kalangitan.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging masigasig sa paghahanda ng ating mga sarili sa pagharap sa Panginoon. Dapat din nating ihain ang buhay sa iba nang sa gayon ay maaari silang lumago at maging handa.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagkatok sa pintuan. Kapag handang-handa na ang kapaligiran saka lamang Siya babalik.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa paglago sa pamamagitan ng karanasan kay Kristo. Nasaan man tayo ay makapagpapangsyon tayo nang wasto, at ang Katawan ay lalago. Pabibilisin nito ang pagbabalik ng Panginoong Hesus.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging mga mandaraig sa hukbo ng Panginoon. Mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon at ang pagtatapos ng kapanahunang ito sa pamamagitan ng pagiging gayong mga mandaraig.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging isang tapat at may kakayahang tagapagturo. Yaong mga nakatanggap ng mga kayamanan ng pagbabawi ng Panginoon ay dapat ipagkatiwala ang mga bagay na ito sa iba. Ito ang magpapabilis sa panahon ng Kanyang maluwalhating pagpapakita.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtayong matibay para sa ganap na pagkaalam sa katotohanan. Kailangan nating patunugin ang trumpeta upang yaong mga naghahanap sa Panginoong Hesus ay maaaring magtipun-tipon bilang isang buháy na Katawan ni Kristo upang isakatuparan ang layunin ng Diyos at upang pabilisin ang pagdating ng Panginoon.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging nailapat at nailakip nang sama-sama. Ginagayakan natin ang Kasintahang-babae upang pabilisin at salubungin ang pagdating ng Panginoon sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo sa pamamagitan ng paglago sa buhay ng mga sangkap.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay sa ilalim ng makalangit na pamumuno ng Diyos, pag-ibig sa pagpapakita ng Panginoon, at pagpapahayag ng ebanghelyo ng kaharian upang makilahok sa pagpapakita ng kaharian. Kapag namumuhay tayo sa realidad ng kaharian na hinahayaan si Kristo bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay na mamuno sa loob natin, mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon sa pagpapakita ng kaharian.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging napanauli tuwing umaga. Ang ganitong uri ng pag-eensayo ang maghahanda sa atin para sa kaharian at gayundin ang magpapabilis sa pagdating ng kaharian.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagtuturo ng katotohanan. Kung tayong lahat ay maging mabubuting tagapangaral at tagapagturo, magkakaroon ang Panginoon ng daan upang mapabilis ang Kanyang pagbabalik.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay ng isang malusog na buhay. Nais nating mamuhay nang malusog nang sa gayon ang katotohanan ng Panginoon ay maipadadala sa pamamagitan natin sa bawa’t bahagi ng mundo at nananaig sa bawa’t lugar.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging lubos na nababaran at lubos na natamo sa pamamagitan ng dibinong pamamahagi ng Tres-unong Diyos.
- Pinabibilis natin ang pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin na mangyari ang kalooban ng Panginoon, kung paanong sa langit, gayundin sa lupa. Nananalangin tayo upang mapabilis ang pagpapakita ng Kanyang kalooban.
- Pinabibilis natin at naghahanda tayo para sa pagbabalik ni Kristo sa pamamagitan ng pagiging naitayo sa kapanahunang ito.
- Naghahanda tayo ng isang ekselenteng daan para sa pagbabalik ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng ekklesia.
- Pinababalik natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagiging natransporma at naitayo nang sama-sama bilang Kanyang Kasintahang-babae.
Mula sa buod ng mga halaw na binanggit sa itaas, makikita natin ang malinaw na mga panghihikayat nina Kapatid Nee at Lee hinggil sa iba’t ibang pamamaraan na sa pamamagitan nito ay maaari at dapat nating pabilisin ang pagbabalik ng Panginoon. Ang lahat ng ito ay tumutukoy sa ating pamumuhay, ating paglilingkod, at ating pagkakabuo; wala sa mga ito ang tumutukoy sa anumang pagsasagawa ng pagpupulong, sapagka’t hindi ang pagpupulong kundi ang pagiging handa ng ating katauhan at ang naitayong Katawan ang makapagpapabilis sa pagbabalik ng Panginoon. Kaya nga, ang sabihin ng isa na ang isang tiyak na paraan ng pagpupulong ay ang pamamaraan, maging ang pinakamainam na paraan, upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon ay ang pagpapalawak sa Salita nang malayung-malayo sa ibig sabihin ng nilalaman nito at tiyak na hindi naaayon sa paggabay ng ministeryo. Samantalang ang layunin ng isang gayong manggagawa ay maaaring ang manghikayat, makiusap, magmungkahi o makapukaw na may isang pananaw na makapagtamo ng pagdami para sa Katawan, ang katotohanan ay hindi dapat maisakripisyo, at anumang gawain o pagsasagawa ng sinumang kamanggagawa ay dapat managot sa Katawan at kunin ang Katawan bilang ang namamahalang prinsipyo nito.
Samantalang walang alinlangan, ang pagsasagawa ng “bahay-bahay na pagpipira-piraso ng tinapay” ay nasa Salita, ang Kasulatan ay walang sinasabi kaugnay sa mga detalye nito. Hindi ang Panginoon, o ang mga apostol, o sina Kapatid Nee at Lee ang nagturo kailanman na ito ay ang “pinakamainam na paraan ng pagpapabilis sa pagbabalik ng Panginoon”. Higit pa rito, ang gayong pagsasagawa ay hindi kailanman tiningnan mula sa legal na pananaw. Ang kunin ang isang inoobserbahang pagsasagawa sa Biblia at gawin itong isang pagtuturo ay malinaw na mali. Ang ipagpilitan ang isang pahayag na ang gayong pagsasagawa ay ang pinakamahusay na paraan upang pabilisin ang pagdating ng Panginoon nang walang batayan sa Salita ay ang baluktutin o ang baguhin ang Banal na mga Kasulatan. Higit pa rito, ang ipagpilitan bilang isang pamatok sa mga ekklesia ang isang bagay na wala sa sentrong linya ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos gaya nang inihayag sa atin ng ministeryo ay lumilikha ng mga suliranin at nagreresulta sa pagkakabaha-bahagi. May pangangailangan sa ating lumayo sa anumang bagay na may anyo ng gayong pagiging kakatwa. Dapat nating laging isipin na ang iba’t ibang mga pagtuturo ay nagdadala ng iba’t ibang mga pagsasagawa na nagreresulta sa pagkakabaha-bahagi.
Binalaan tayo nang malinaw ni Kapatid Lee:
“Huwag subukang kumbinsihin ang iba na ang iyong paraan ay ang pinakamahusay. Ito ay pareho sa aytem bilang lima na nagsasabing huwag sabihin na ang iyong paraan ay ang wastong paraan. Minsan ang ilan ay hindi lamang nagsabi na ang kanilang paraan ay ang wasto o ang pinakamahusay na paraan, bagkus sinubukang kumbinsihin ang iba tungkol dito. Ito ay kusang-kusa at kaagad na nagsanhi ng isang kaguluhan. Ang kaguluhang ito ay sumira sa kanila, sumira sa iba, at kalaunan ay sumira sa pagbabawi ng Panginoon. Naniniwala ako na iniibig nating lahat ang Panginoon, at yaong iniibig nating lahat ang pagbabawi ng Panginoon….Ito ang konklusyon ng aking pagsasalamuha sa mga prinsipyong ito. Huwag gumawa ng anumang bagay o magsabi ng anumang bagay na makasisira sa pagbabawi ng Panginoon.” (W. Lee, Elders’ Training, Book 4: Other Crucial Matters Concerning the Practice of the Lord’s Recovery, Chapter 5, p. 69, LSM)
Nawa ang nagbibigay-kaliwanagan na mga salita ng ating mga kapatid ay makapukaw sa atin upang ibigin ang Panginoon nang higit at upang ibigin ang Kanyang pagpapakita (2 Tim. 4:8), sabik na hinihintay ang Kanyang pagbabalik (Fil. 3:20; 1 Tes. 1:10). Sa ilalim ng pagsilay ng Kanyang liwanag, patnubayan nawa tayo ng Panginoon na mamuhay, lumakad, at maglingkod sa isang paraan na sa pamamagitan nito ay mapabibilis natin ang Kanyang pagbabalik. Habang namumuhay sa isang banal at makadiyos na paraan, ating inaasam, hinihintay, at pinabibilis ang pagdating ng mismong araw na iyon (2 Ped. 3:12 talababa 1).
Sa ilalim ng gayunding liwanag, na may isang mapagpakumbabang espiritu ay mapaalalahanan at mabigyang-babala nawa tayo laban sa pagtataguyod ng ating sariling paraan, tinatawag itong pinakamahusay, at sinisikap kumbinsihin ang iba upang isagawa ang parehong bagay, sapagka’t ang gawin ito ay nagbubunga ng mga suliranin at nagreresulta sa kaguluhan na sumisira sa kaisahan at isang puso’t kaisipan sa kalagitnaan ng mga ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon. Ang ating gawain at pagpapagal ay ang itayo ang Katawan ni Kristo, hindi ang manira. Kahabagan nawa tayo ng Panginoon na anumang ating ginagawa o sinasabi ay maging para sa pagpapasakdal ng mga banal tungo sa gawain ng namumukod-tanging ministeryo, sa ikatatayo ng Katawan ni Kristo (Efe. 4:12). “Amen. Pumarito Ka, Panginoong Hesus!” (Apoc. 22:20)
Mga Halaw mula sa Ministeryo
Pagpapabilis sa Pagbabalik ng Panginoon
Sa Paghahanap sa Kaharian sa pamamagitan ng Ating Paglago sa Buhay
“Ngayon basahin natin ang 2 Pedro 3:11-12: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, anong uri ng mga tao kayo nararapat maging sa banal na paraan ng pamumuhay at pagkamakadiyos, na ating hinihintay at pinabibilis ang pagdating ng kaarawan ng Diyos, na dahil dito ang sangkalangitan, na pinaningas, ay mapupugnaw, at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init?” Lalo nating hinahanap ang kaharian sa pamamagitan ng paglago sa buhay, lalo nating pinabibilis ang pagdating ng araw ng Panginoon. Tiyak na ang bilis ng Kanyang pagdating ay nakadepende sa bilis ng ating paglago; nakadepende ito sa ating paghahanap. Kung hindi tayo naghahanap, at hindi tayo lumalago, ang Kanyang pagdating ay maaantala. Maaari tayong manalangin na pumaritong madali ang Panginoon, subali’t maaaring sabihin Niya sa atin, “Lumago ka nang madali.” Walang suliranin mula sa Kanyang panig; ang suliranin ay nasa ating panig. Tiyak na ang Panginoong Hesus ay magiging masaya kung tayo ay lalago nang madali.” (W. Lee, The Kingdom, Chapter 50, Section 3, LSM)
Sa Pamamagitan ng Paglago ni Kristo sa Loob Natin
“Upang mataglay ang pagdating ng kaharian, si Kristo ay dapat na lumalago sa loob natin sa lahat ng panahon. Ang paglago ni Kristo sa loob natin ay ang pagdating ng kaharian. Mabuting manalangin ng, “Dumating nawa ang Iyong kaharian,” subali’t mas praktikal na manalangin ng, “Panginoon, lumago Ka sa loob ko.” Ang “dumating nawa ang Iyong kaharian” ay maaaring hindi hihigit sa isang panrelihiyong kinaugaliang pamamaraan. Bagama’t ang ganitong panalangin ay naulit-ulit na ng milyun-milyong Kristiyano sa loob ng mahigit pa sa 1900 taon, ang kaharian ay hindi pa rin dumarating. Hindi mahirap para sa Panginoon na sagutin ang gayong panalangin, subali’t mahirap para sa ating hayaan Siyang lumago sa loob natin. Ang pagdating ng kaharian ay ang paglago ni Kristo sa loob natin. Sa pamamagitan ng pagiging dukha sa ating espiritu at dalisay sa ating puso, mabibigyan natin ang Panginoon ng puwang na lumago sa loob natin, at ang paglagong ito ay magiging ang tunay na pagdating ng kaharian. Mas madali natin Siyang hinahayaang lumago sa loob natin, mas napabibilis natin ang pagdating ng kaharian.” (W. Lee, The Kingdom, Chapter 6, Section 2, LSM)
Sa Pamamagitan ng Ating Pagpapahayag ng Ebanghelyo at Ating Paglago sa Buhay
“Ngayon nararanasan natin ang buhay-ekklesia, na siyang ang proseso ng pagdating ni Kristo. Sa tuwing ang isang makasalanan ay nababautismuhan, yaon ay isang higit na hakbang ng pagdating ni Kristo. Gayundin, ang ating paglago sa buhay ay ang pagsulong (advancement, furthering) ng Kanyang pagdating. Lalo tayong sumusulong, lalong papalapit ang pagdating ni Kristo. Kung nais nating mapabilis ang pagdating ni Kristo, kailangan nating sumulong nang mas madali.” (W. Lee, The Satanic Chaos in the Old Creation and the Divine Economy for the New Creation, Chapter 2, Section 14, LSM)
Sa Pamamagitan ng Paggulang sa Buhay
Sa 5:7 ginagamit ni Santiago ang paglalarawan ng isang magsasaka na naghihintay nang may pagpapahinuhod sa mahalagang bunga ng lupa. Nakita na natin na ang Panginoong Hesus sa katunayan ay ang tunay na Magsasaka, ang namumukod-tanging Magsasaka. Habang hinihintay natin ang Kanyang pagdating, Siya, bilang ang tunay na Magsasaka, ay naghihintay sa ating paggulang. Maaari tayong manalangin, “Panginoon, pumarito Ka nang madali.” Gayunpaman, maaari Niyang sabihin, “Mga anak Ko, gumulang kayo nang madali. Habang hinihintay ninyo ang Aking pagbabalik, naghihintay Ako sa inyong paggulang. Nalalaman ba ninyo kung bakit halos dalawang libong taon na at hindi pa Ako bumabalik? Ang dahilan ay yaong ang Aking bayan ay hindi pa gumugulang. Tanging ang inyong paggulang lamang ang makapagpapabilis sa Aking pagbabalik. Ineensayo ninyo ang inyong pagpapahinuhod, at ineensayo Ko ang Aking pagpapahinuhod.” (W. Lee, Life-Study of James, Chapter 11, Section 2, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagpapahinog sa Ani
“Ang larawan ng magsasaka sa 5:7 ay nagpapahiwatig na ang magsasaka ay naghihintay para sa pananim na lumalago sa bukirin upang mahinog. Ayon sa Apocalipsis 14, ang Panginoon ay naghihintay rin para sa ani na mahinog. Kapag ang ani sa bukirin ay hinog na, Siya ay babalik. Ang aning ito ang magiging resulta, ang kinalabasan, ng paghahasik ng Panginoon ng Kanyang Sarili bilang isang binhi. Ito ay naisakatuparan noong unang pagdating ng Panginoon, at ito ay inilarawan sa Mateo 13. Kailangan nating matanto na ang pagpapahinog sa ani ang makapagpapabilis sa pagbabalik ng Panginoon.” (W. Lee, Life-Study of James, Chapter 11, Section 2, LSM)
Sa Pamamagitan ng Ating Buong Pakikipagtulungan para sa Panloob na Paggawa ng Proseso ng Kanyang Paglago sa Loob Natin
“Dapat nating bigyan ang Panginoon ng ating buong pakikipagtulungan para sa panloob na paggawa ng proseso ng Kanyang paglago sa loob natin nang sa gayon ay mapabilis natin ang Kanyang pagdating—Gal. 1:15-16a; 2:20; 4:19; Apoc. 19:7; 2 Ped. 3:11-12; cf. Luc. 12:32”. (W. Lee, Crystallization-study of the Gospel of Mark, Outline 6, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Makadiyos at Pagkakaroon ng Realidad ng Pagkamakadiyos
“Maging mapagbiyaya nawa ang Panginoon upang bigyan tayo ng paglago sa buhay para sa Kanyang pagbabalik. Ang ating paglago sa buhay ang makapagpapabilis sa Kanyang pagbabalik. Kung gaano Siyang pumaritong madali ay nakadepende sa ating paglago. Papaano natin mapabibilis ang Kanyang pagdating? Sa pamamagitan ng pagiging makadiyos at pagkakaroon ng realidad ng pagkamakadiyos. Ang wastong pagkamakadiyos ay ang magdulot lamang ng paglago ng panloob na buhay. Lalo nating pinagyayaman ang isang bagay sa ating panloob na buhay, lalo tayong makadiyos. Mas maraming pagkamakadiyos ang maihahayag natin, mas mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon.” (W. Lee, The Kingdom, Chapter 10, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pamumuhay sa Ilalim ng Pamumuno at Pagsasanay ng Realidad ng Kaharian
“Kapag tayo bilang mga Kristiyano ay tunay na nasa ilalim ng pamumuno, ng pagsasanay, ng realidad ng kaharian, tayo ay magiging isang grupo ng mga tao na magpapabilis sa pagdating ng Panginoon (2 Ped. 3:12). Nangangahulugan ito na ang ating pamumuhay ang makapagpapabilis sa pagdating ng pagpapakita ng kaharian ng mga kalangitan. Tinuruan ng Panginoon ang mga disipulo na manalangin para sa pagdating ng kaharian (Mat. 6:10). Dapat tayong manalangin na dumating ang kaharian at dapat tayong mamuhay sa realidad ng kaharian hanggang ang lupa ay lubusang mabawi para sa kalooban ng Diyos sa darating na kapanahunan ng kaharian.” (W. Lee, A Brief Definition of the Kingdom of the Heavens, Chapter 5, Section 3, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Masigasig sa Paghahanda ng Ating mga Sarili sa Pagharap sa Panginoon
“Ang aking punto rito ay yaong hindi tayo dapat mabahala o magulat sa anumang pag-aantala hinggil sa pagdating ng Panginoon. Huwag mong sisihin ang Panginoon at sabihing, “Panginoon, sinabi Mo sa Apocalipsis 22 na Ikaw ay madaling paparito. Bakit, kung gayon, napakatagal na?” Sa halip na sisihin ang Panginoon sa pagkaantala ng Kanyang pagdating, dapat tayong maging masigasig sa paghahanda ng ating mga sarili sa pagharap sa Kanya. Dapat din nating ihain ang buhay sa iba nang sa gayon ay lumago sila at maging handa. Ito ang tanging paraan upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon.” (W. Lee, Life-study of 2 Peter, Chapter 11, Section 3, LSM)
Sa Pagpapahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng Pagkatok-sa-Pintuan
“Ang maipahayag ang ebanghelyo sa buong lupa ay tunay na nakapagpapasigla sa atin, subali’t nangangahulugan din ito na dapat tayong makaranas ng higit na paghihirap at pagdurusa, gaya ng pagiging hindi makakain at makatulog nang maayos. Gayunpaman, magkakaroon ng katamisan sa kapaitan, at kapaitan sa katamisan, at sa katapusan ng kapaitan, ang pinakamatamis na bahagi ay darating—ang pagdating ng ating Panginoon. Ang pagdating ng Panginoon ay humihiling ng ating pagpapabilis. Kung hindi natin pabibilisin ang Kanyang pagdating, hindi Siya darating. Upang mapabilis ang Kanyang pagdating, kailangan nating ihanda ang kapaligiran sa lupa. Kapag lubusang handa na ang kapaligiran saka Siya babalik.…Samakatuwid, huwag kang mag-alala. Magpakatapang ka lamang hanggang isang araw ang lahat ng pintuan sa lupa ay madadalaw sa pamamagitan ng pagkatok.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Chapter 18, LSM)
Sa Paglago at Pagpapangsyon sa pamamagitan ng Karanasan kay Kristo
“Pinupuri natin ang Panginoon sa pagbubukas ng Kanyang Salita sa atin. Pinasasalamatan natin Siya sa pagpapakita sa atin na ang pangunahing pangangailangan ay ang maisagawa si Kristo tungo sa ating katauhan. Lalo tayong nabababaran ni Kristo, lalo tayong nagiging mga bahagi ng Katawan sa realidad na may isang partikular na sukat ng pangsyon. Pagkatapos saanman tayo maparoon ay makapagpapangsyon tayo nang wasto, at ang Katawan ay lalago. Ito ang magsasanhi kay Satanas, ang kaaway ng Diyos, na manginig. Mapabibilis din nito ang pagbabalik ng Panginoong Hesus.” (W. Lee, Life-study of Ephesians, Chapter 93, Section 1, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging mga Mandaraig sa Hukbo ng Kordero
“Sila rin ay magiging ang hukbo ng Kordero (Apoc. 17:14; 19:14). Ayon sa Joel 3:11, sila ay darating bilang ang mga makapangyarihan kasama ni Kristo upang talunin ang Antikristo at ang kanyang mga hukbo (Apoc. 19:19-21) upang tapusin ang matinding kapighatian at ang kasalukuyang kapanahunan. Hindi tayo dapat maging yaong mga umiibig sa kapanahunang ito, sapagka’t kailangan nating maging yaong mga magtatapos nito. Ang mga mandaraig ay darating kasama ni Kristo upang tapusin ang kasalukuyang masamang pangit na kapanahunang ito. Mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon at ang pagtatapos ng kapanahunang ito sa pamamagitan ng pagiging mga mandaraig na tatayo laban sa agos at kalakaran ng buong situwasyon at kapaligiran sa lupang ito.” (W. Lee, The Overcomers, Chapter 6, Section 7, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Isang Tapat at May-kakayahang Tagapagturo
“Natanto ni Pablo na si Timoteo ay nakatanggap ng isang mabuting deposito, na naituro at naipakain sa kanya nang may mga kayamanan ng biyaya. Samakatuwid, inatasan niya si Timoteo na ipagkatiwala ang mga bagay na ito sa iba na maaaring maging tapat at may-kakayahang isagawa ang parehong ministeryo. Ipinakikita nito na higit pa sa isang tao ang kinakailangan upang dalhin ang mga kayamanan ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. Ang aking pag-asa ay yaong sa pamamagitan nitong lahat ng Pag-aaral pambuhay na mga Mensahe ay libu-libong banal sa pagbabawi ng Panginoon ang makatatanggap ng isang mabuting deposito ng mga kayamanan ng biyaya hinggil sa Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. Pagkatapos yaong mga nakatanggap ng mga kayamanang ito ay magkakaroon ng kakayahang ipagkatiwala ang mga bagay na ito sa iba. Ipagpalagay kung ano ang magiging situwasyon kung ang Panginoon ay may sampung libong banal na napunuan ng Kanyang mabuting deposito, na ipinalalaganap ang mga kayamanan ng Kanyang ekonomiya sa buong lupa. Walang alinlangan, mapabibilis nito ang panahon ng Kanyang maluwalhating pagpapakita.” (W. Lee, Life-study of 1 & 2 Timothy, Titus and Philemon, Chapter 15, Section 1, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagtayong Matibay para sa Ganap na Pagkaalam ng Katotohanan
“Ang ating kabigatan ay hindi lamang ang salungatin ang kababawan, pagkukunwari, at pamahiin. Ito ay ang ihain si Kristo at ang ekklesia para sa pagsasakatuparan ng ekonomiya ng Diyos. Ang Diyos na ating Ama ay tiyak na may isang walang hanggang layunin na dapat isakatuparan. Subali’t si Satanas ay pumasok na may maraming panggugulo at kasinungalingan. Ang ating kabigatan ay dapat na ang ihain ang nagpapaloob-ng-lahat na Kristo at ang ekklesia bilang ang Katawan ni Kristo sa mga yaong umiibig sa Diyos at naghahanap kay Kristo. Kailangan nating tulungan ang lahat ng yaong naghahabol sa Panginoon na makarating sa ganap na pagkaalam ng katotohanan. Kailangan nating patunugin ang trumpeta na yaong mga naghahanap sa Panginoong Hesus ay maaaring magtipun-tipon bilang isang buháy na Katawan ni Kristo upang isakatuparan ang layunin ng Diyos at upang mapabilis ang pagdating ng Panginoon. Hinggil dito, kailangan nating lahat na maging desperado at ibigay ang ating mga sarili sa panalangin. Sa isang panig, nais nating panatilihin ang isang mapayapang situwasyon sa iba. Sa kabilang panig, alang-alang sa layunin ng Diyos, kailangan nating tumayong matibay para sa ganap na pagkaalam ng katotohanan ng Diyos at makipaglaban ng mabuting pakikibaka laban sa masasamang kapangyarihan ng kadiliman.” (W. Lee, Life-study of 1 & 2 Timothy, Titus and Philemon, Chapter 22, Section 3, LSM)
Sa Pagiging Nailapat at Nailakip nang Sama-sama, Ginagayakan ang Kasintahang-babae upang Pabilisin at Salubungin ang Pagdating ng Panginoon sa Pagtatayo ng Katawan ni Kristo sa Pamamagitan ng Paglago sa Buhay ng mga Sangkap
Kapag ikaw ay napasakdal, kailangan mong lumibot upang pasakdalin ang ibang mga kapatid sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagsasalita sa kanila nang isa-isa. Kung ang bawa’t isa sa ating mga kamanggagawa at mga matanda ay tapat na isinasakatuparan ang kanilang gawain sa ganitong paraan, matutulungan ng bawa’t isa ang di-kukulangin sa lima o anim na iba pa. Habang ginagabayan mo ang mga ito buwan-buwan at taun-taon, isang atmospero ang mabubuo sa kalagitnaan natin kung saan ang bawa’t kapatid ay mapasasakdal at kasunod nito ay magpapasakdal sa iba. Sa ganitong paraan, ang Katawan ni Kristo ay maitatayo sa pamamagitan ng paglago sa buhay ng mga sangkap, at ang Efeso kapitulo apat at 1 Corinto kapitulo labing-apat ay matatanto sa kalagitnaan natin. Tanging sa ganitong paraan lamang na ang kasintahang-babae ay magagayakan at maihahanda upang pabilisin at salubungin ang pagdating ng Panginoon. Ito ang walang hanggang layunin ng Panginoon. Tiyak na isasakatuparan Niya ito. Tanggapin nawa ng bawa’t isa sa atin ang seryosong pag-aatas na ito mula sa Panginoon upang magpagal nang masigasig at upang magpunyagi sa kaisahan nang ang kalooban ng Panginoon ay maisakatuparan.” (W. Lee, A Timely Trumpeting and the Present Need, Chapter 3, Section 7, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pamumuhay sa ilalim ng Makalangit na Pamumuno ng Diyos, Pag-ibig sa Pagpapakita ng Panginoon, at Pagpapahayag ng Ebanghelyo ng Kaharian upang Makilahok sa Pagpapakita ng Kaharian
“Kapag namumuhay tayo sa realidad ng kaharian na hinahayaan si Kristo bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay na mamuno sa loob natin, mapabibilis natin ang pagdating ng Panginoon sa pagpapakita ng kaharian—Mat. 6:10; 2 Ped. 3:12.” (W. Lee, Crystallization-Study Outlines—Gospel of Matthew (2), Chapter 1, Section 12, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Napanauli Tuwing Umaga
“Dapat tayong magsanay na mapasa realidad ng kaharian araw-araw sa buong araw nang sa gayon tayo ay magiging yaong mga magpapasok ng pagpapakita ng kaharian. Ang simpleng paraan upang isakatuparan ito ay ang mapanauli tuwing umaga sa pamamagitan ng pagtawag sa Kanyang pangalan at pakikipag-ugnay sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabasa-dalangin ng dalawa o tatlong bersikulo. Makapananaig tayo sa pamamagitan ng pagbabasa-dalangin sa buong araw. Ang ganitong uri ng pagsasanay ang maghahanda sa atin para sa kaharian gayundin ang magpapabilis sa pagdating ng kaharian.” (W. Lee, Lesson Book, Level 6:The Bible—The Word of God, Chapter 9, Section 4, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagpapahayag at Pagtuturo ng Katotohanan
“Kung tayong lahat ay magiging mabubuting tagapangaral at tagapagturo, magkakaroon ang Panginoon ng daan upang mapabilis ang Kanyang pagbabalik. Hindi hinahayaan ng situwasyon ngayon na bumalik ang Panginoon, sapagka’t walang handa para sa Kanyang pagdating. Samakatuwid, kailangan nating maging tapat sa pagsunod sa mga hakbang ng Panginoon sa mga bagay ng pagpapahayag ng ebanghelyo at pagtuturo ng katotohanan. Siya ay isang mabuting mangangaral at isang mabuting tagapagturo, at dapat tayong matuto mula sa Kanya upang maging mabubuting tagapangaral at tagapagturo rin. Hinggil sa bagay na ito, lubos akong umaasa na ang mga kabataan ay magiging tapat sa Panginoon sa Kanyang pagbabawi. Mga kabataan, mahaba pa ang daang tatahakin ninyo. Hinihikayat ko kayong maging tapat sa pagbabawi ng Panginoon na magpahayag ng ebanghelyo at magturo ng katotohanan.” (W. Lee, Life-study of Mark, Chapter 5, Section 3, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pamumuhay ng isang Malusog na Buhay
“Wala tayong suliranin sa salapi sa ating pangkasalukuyang situwasyon, lalung-lalo na sa Taiwan. Gayunpaman, hindi tayo dapat kumain, uminom, at magtamasa ng anumang bagay na gustuhin natin dahil lamang sa tayo ay mayaman. Ito ay unti-unting pagpapakamatay. Umaasa ako na makapamumuhay tayo hanggang walumpu o siyamnapu, maging lampas pa ng sandaan, nang sa gayon ay makita natin ang pagsasakatuparan ng lahat ng napagsalamuhaan natin sa araw na ito. Ninanais kong mamuhay sa mundong ito at saksihan ng sarili kong mga mata ang katotohanan ng Panginoon na hindi lamang nakalimbag sa mga aklat sa pamamagitan ng ating mga kamay, bagkus ay ang madala rin sa pamamagitan natin tungo sa bawa’t bahagi ng mundo at nananaig sa bawa’t lugar. Lubos akong naniniwala na ito ang magpapabilis sa pagbabalik ng Panginoon sapagka’t sa pamamagitan nito ihahanda ng Panginoon ang Kanyang kasintahang-babae. Umaasa ako na makikita nating lahat ang kahayagan ng isang gayong situwasyon.” (W. Lee, The Economy of God and the Mystery of the Transmission of the Divine Trinity, Chapter 12, Section 4, LSM)
Sa Pagiging Lubusang Nababaran at Lubusang Natamo sa pamamagitan ng Dibinong Pamamahagi
“Panginoon, hinihiling naming tingnan Mo ang situwasyon sa lupang ito! Wasakin Mo ang kapangyarihan ng kadiliman nang sa gayon ay maisagawa Mo ang dibinong pamamahagi ng Dibinong Trinidad sa lahat ng lugar. Lahat nawa ng yaong tumatawag sa Iyong pangalan ay hindi lamang maligtas bagkus lubusan ding mababaran at lubusang matamo sa pamamagitan ng dibinong pamamahagi ng Tres-unong Diyos, at mapabilis nawa nito ang Iyong pagbabalik. Panginoon, sinasamba Ka namin at ibinibigay ang lahat ng kaluwalhatian at karangalan sa Iyo. Kinikilala Ka namin bilang ang Ulo, kapwa ng ekklesia at ng lahat ng bagay. Tinatawag namin ang kalangitan at lupa upang magpatotoo sa katunayan na taglay Mo ang pagbabawi sa lupang ito at yaong may ilang naglagay ng kanilang mga sarili sa dambana upang masiyahan ang Iyong puso. Panginoon, kumilos Ka nang malaya nang walang anumang hadlang. Amen!” (W. Lee, Crucial Words of Leading in the Lord’s Recovery, Book 1: The Vision and Definite Steps for the Practice of the New Way, Chapter 17, Section 1, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pananalangin para ang Kalooban ng Panginoon ay Mangyari sa Lupa
“Ang kalooban ng Diyos ay hindi kailanman nahadlangan sa kalangitan. Ang Kanyang kalooban ay napipigilang maipatupad sa lupa sapagka’t ang lupa ay nasira na ni Satanas. Nakamkam na ito ng kaaway ng Diyos. Gayunpaman, kapag dumating ang kaharian, ang lupa ay ganap na mababawi, at ang kalooban at naisin ng Diyos ay maipatutupad sa lupa gaya ng sa langit. Si Satanas ay maibubulid sa kaila-ilaliman (Apoc. 20:3; cf. Luc. 8:31; Dan. 10:13) at hindi na kailanman pa mahahadlangan ang kalooban ng Diyos. Ngayon ninanais ng Panginoon ang mga tao na manalangin para rito at pabilisin ang pagpapakita ng Kanyang kalooban.” (W. Lee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 2) Vol. 44: Conferences, Messages, and Fellowship (4), Chapter 3, Section 3, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Naitayo sa Kapanahunang Ito para sa Pagbabalik ng Panginoon
“Ayon sa mga bersikulo 1 hanggang 16 [ng Efeso 4], ang pagtatayo ay isang bagay na isinasakatuparan ngayon sa lupang ito. Maliban na ang layuning ito ay matanto sa lupa, ang Panginoong Hesus ay hindi makababalik. Mayroong tunay na pangangailangan para sa pagtatayo. Maghintay at tingnan—kung hindi man ang buong Katawan, sa pinakakaunti ay maliit na bilang, isang labi, isang bahagi ng Katawan, ang mababawi para sa pagtatayo. Ang pagbabawing ito ay magiging isang paghahanda para sa pagbabalik ni Kristo.” (W. Lee, The Vision, Practice, and Building Up of the Church as the Body of Christ, Chapter 6, Section 5, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagtatayo ng Ekklesia Upang Ihanda ang Ekselenteng Daan para sa Pagbabalik ng Panginoon
“Ang Panginoon ng ani ay hindi makababalik kung walang aanihin. Ang bagay na ito ay kinapapalooban ng raptyur ng mga mananampalataya at ng paggulang sa buhay. Kung masigasig na ipinagpapatuloy ng ekklesia ang pagtatayo, ang mga mananampalataya ay madaling gugulang, at ang Panginoon ng ani ay makababalik upang anihin ang ani.… Ngayon ang panahon na kailangang-kailangan natin ang pagtatayo. Yamang naglilingkod tayo sa gawain ng Panginoon, sa lahat ng bagay na ginagawa natin, sa administrasyon man ng ekklesia, sa ministeryo ng salita, o sa pagbisita sa mga banal, dapat nating panghawakan ang prinsipyo na ang ating gawain ay dapat na magresulta sa pagtatayo ng mga mananampalataya. Maitatayo dapat natin ang mga mananampalataya nang isa-isa tungo sa Katawan ni Kristo, tungo sa isang sama-samang sisidlan ng Diyos sa lupa…. Naitatayo tayo sa ating koordinasyon sa iba, at natututuhan natin kung paanong mamahala at tumulong sa iba. Matututuhan nating punan ang pagkukulang sa ilan at alisin ang labis mula sa iba, o magdagdag sa yaong may maliit na gawain at tulungan ang mga yaong gumagawa na upang sumulong sa kanilang gawain nang higit pa. Matututuhan din nating tulungan ang iba na makipagkoordina nang sa gayon ay walang magiging espirituwal na mga indibiduwal na nagpapakita ng kanilang gawain nang nagsasarili. Sa halip, ang lahat ng mananampalataya ay dapat na maiugpong nang sama-sama upang ihayag ang kanilang paggawa sa koordinasyon. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nito, maghahanda tayo ng isang ekselenteng daan upang bumalik ang Panginoon.” (W. Lee, The Administration of the Church and the Ministry of the Word, Chapter 12, Section 5, LSM)
Sa Pamamagitan ng Pagiging Natransporma at Naitayong Sama-sama bilang Kanyang Kasintahang-babae
“Ang Lucas 21:24 ay ganap nang naisakatuparan ngayon. Subali’t papaano makababalik ang Panginoon? Kung babasahin natin ang buong Bagong Tipan, matatanto natin na mayroon dapat isang grupo ng mga tao sa lupang ito na naisilang na muli, natransporma, naitayong sama-sama, at naihanda bilang Kanyang Kasintahang-babae upang bumalik Siya bilang ang Kasintahang-lalake. Ang Panginoon ay babalik upang hatulan ang lupa, subali’t hindi ito ang Kanyang mithiin. Ang pangunahing layunin ng pagbabalik ng Panginoon ay para sa Kanyang Kasintahang-babae (Apoc. 19:7-9). Ang hatulan ang lupa ay sa negatibong panig, subali’t ang dumating para sa Kanyang Kasintahang-babae ay positibo.… Naniniwala ako na magmula ngayon ang Panginoon ay magsasagawa ng isang mabilis na gawain upang ihanda ang isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatransporma sa kanila at pagtatayo sa kanila nang sama-sama upang maihanda bilang Kanyang Kasintahang-babae…. Ang Panginoon ay magbabangon ng maliit na bilang upang kunin ang katayuan ng mga mandaraig na umayon sa Kanya. Ang mga ito ang magiging mga kinatawan ng Kanyang Katawan, at ang kanilang katayuan ay magiging sapat upang pabalikin ang Panginoon.” (W. Lee, Practical Expression of the Church, Chapter 22, LSM)
(Disyembre 10, 2009)