"Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa pagtuturo, upang mahikayat niya sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo, at mapaamin sa sariling kasalanan ang mga nagsisisalansang." - Tito 1:9

Ipinaliliwanag nang Matuwid ang Katotohanan ukol sa Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay

(Unang Bahagi)

Ano ba ang Ayon sa Kasulatan na Kahulugan at Pagsasagawa ng Pagpupulong ng Hapag ng Panginoon?

Ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ang pinakamahalagang pagpupulong ng ekklesia. Ito ay isang pinakasukdulang seryosong bagay sapagka’t kinapapalooban ito ng isang namumukod-tanging Katawan ni Kristo. Ito ang praktikal na sagisag ng ating kaisahan at, bilang gayon, ay nararapat para sa ating pinakamatinding pag-iingat at pag-aaral.

Ang sagisag ng kaisahan na ating natatamasa ay nakikita sa tinapay na nasa hapag ng Panginoon, na hindi lamang sumasagisag sa pisikal na katawan ng Panginoong Hesus na ibinigay sa Kanyang kamatayan para sa ating katubusan, bagkus maging sa mistikong Katawan ni Kristo na naibunga sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli para sa Kanyang namumukod-tanging kahayagan. Kapag bumabahagi tayo sa tinapay na nasa hapag ng Panginoon, ipinakikilalang kaisa natin ang ipinako sa krus at nabuhay na muling Panginoon at ang Kanyang pansansinukob na Katawan, at ipinapahayag natin sa buong sansinukob na tayo ay tumatayong iisa, na hiwalay mula sa lahat ng pagkakabaha-bahagi. Ang bumahagi sa tinapay ay ang hipuin ang puso ng Panginoon, sapagka’t ang tinapay at ang ating magkakasamang pakikibahagi dito ay humihipo sa Katawan ng Panginoon, na para rito ay ibinigay Niya ang Kanyang buhay.

Nakalulungkot na sa kalilipas pa lamang na mga taon, ang ilan sa pag-itan natin ay nagtatag ng mga hapag sa padalus-dalos na pagwawalang-bahala sa damdamin ng Katawan at salungat sa pagsasalamuha ng mga matanda ng ekklesia. Sa pamamagitan ng maling pagsipi sa Biblia at di-wastong pagkatawan sa ministeryo, ang ilan sa mga banal ay nailigaw upang isipin na ang gayong pagsasagawa ay kapwa naaayon sa kasulatan at batay sa ministeryo, gaya nang paulit-ulit na itinutrumpeta ng mga tagataguyod nito. Maraming ekklesia at mga banal ang nagpahayag ng alalahanin ukol dito at naghanap upang makakita ng malinaw na pagsasalamuha ukol sa mga bagay na ito, partikular sa pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Sa lathalaing ito na may dalawang bahagi, ilalahad natin mula sa Salita at mula sa ministeryo kung ano talaga ang wastong pagpipira-piraso ng tinapay at ang pagpupulong upang magpira-piraso ng tinapay.

Ang Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay na Itinatag ng Panginoon

Sa kinagabihan nang ipinagkanulo ang Panginoong Hesus, Siya ay naghapunang kasama ang mga disipulo. Habang sila ay kumakain, kinuha ng Panginoon ang tinapay at pinagpala ito. Pagkatapos makapagpasalamat, pinira-piraso Niya ito at ibinigay sa mga disipulo, na nagsasabing, “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang Aking katawan na ibinigay sa inyo; gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.” Gayundin, pagkatapos nilang kumain, kinuha Niya ang saro at nagpasalamat. Pagkatapos ibinigay Niya ito sa kanila at sinabi, “Uminom kayong lahat nito. Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa Aking dugo, na ibinuhos para sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Gawin ninyo ito sa tuwing kayo ay magsisiinom, sa pag-aalaala sa Akin” (Cf. Mat. 26:26-28; Luc. 22:19-20; 1 Cor. 11:23-25).

Itinatag ng Panginoong Hesus ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay pagkatapos Niya at ng Kanyang mga disipulo na kainin ang Paskua (Mat. 26:20-25; Luc. 22:14-18). Ginawa Niya iyon upang palitan ang Kapistahan ng Paskua sapagka’t Kanyang isasakatuparan ang sagisag at maging ang tunay na Paskua sa atin (1 Cor. 5:7). Ngayon, sa ating pagdalo sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, isinasakatuparan natin ang tunay na Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura (Mat. 26:17; 1 Cor. 5:8), na isang pitong-araw na kapistahan (Lev. 23:6) na kilala rin bilang Paskua (Luc. 22:1; Marc. 14:1). Ang Kapistahan ng Paskua ay ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura (Exo. 12:15-20; 13:6-7). Kaya, dapat tayong magtipon nang sama-sama sa araw ng Panginoon, ang unang araw ng sanlinggo, sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, sapagka’t ito ay isang panghalili at pagpapatuloy ng Lumang Tipang Kapistahan ng Paskua. Ang Bagong Tipang piging ng hapag ng Panginoon ay mahahalinhan at maipagpapatuloy lamang ng piging sa darating na kaharian ng Diyos kapag ang Tagapagligtas ay makikipagpiging kasama ng mga mandaraig na banal sa Kanyang pagbabalik (Luc. 22:30; 13:28-29).

Sa ganitong pananaw, inatasan ng Panginoon ang mga disipulo na “gawin ninyo ito” upang alalahanin Siya, inilalalin sa kanila ang kahalagahang Kanyang ibinigay sa kanilang pagtitipon nang sama-sama upang kainin ang tinapay at inumin ang saro upang alalahanin Siya hanggang sa Kanyang pagbabalik (1 Cor. 11:26). Ang pangingilin ng Israel sa Paskua upang alalahanin ang kanilang kaligtasan mula sa pagkaalipin sa Ehipto upang magkaroon ng bagong panimula ay sumasagisag sa pagsasagawa ng mga mananampalataya ng hapag ng Panginoon upang alalahanin ang pagtutubos at pagliligtas ng Panginoon (Mat. 26:26-28) habang hinihintay ang ating ganap na katubusan sa Kanyang pagbabalik. Higit pa rito, habang ang Kapistahan ng mga Tabernakulo ay isang pag-aalaala ng mga Israelita sa kung paanong nagbigay ang Diyos sa kanilang mga magulang ng mga tolda upang mapanirahan sa panahon ng mga taon ng paggala sa ilang (Lev. 23:39-43) habang umaasam na makapasok tungo sa kapahingahan ng ipinangakong mabuting lupain, ang hapag ng Panginoon ay atin ding pag-aalaala sa mga panlaan at pangunguna ng Panginoon sa panahon ng ating paglalakbay sa pansamantalang pinanahanang dako sa lupang ito upang pumasok sa Bagong Herusalem sa bagong langit at bagong lupa na siyang ating walang hanggang tirahan (Apoc. 21:3).

Ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay kinapapalooban ng pag-aalaala sa Panginoon sa unang bahagi at ng pagsamba sa Ama sa ikalawang bahagi. Ayon sa hakbangin ng pagliligtas ng Diyos, una nating tinatanggap ang Panginoon at pagkatapos ay lumalapit sa Ama. Matapos tayong bumahagi sa tinapay at saro, tayo na maraming anak ng Diyos ay dapat mapangunahan ng Panginoon na siyang itinalagang Panganay na Anak ng Diyos upang sambahin ang Ama nang sama-sama sa loob ng ating espiritu.

Kinakain ang Hapunan ng Panginoon upang Pangunahing Alalahanin ang Panginoon

Ang unang aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ang pagkain sa hapunan ng Panginoon. Ito ay tumutukoy sa ugnayan sa pagitan natin at ng Panginoon at matatawag na patayong aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Ang binibigyang-din sa pagkain sa hapunan ng Panginoon ay ang pag-alaala sa Panginoon (1 Cor. 11:20, 23-25). Sa pamamagitan ng pagkain sa tinapay ng Panginoon at sa pag-inom sa saro ng Panginoon, kinakain natin ang hapunan ng Panginoon sa pag-alaala sa Panginoon.

Sa aspekto ng hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay sumasagisag sa indibiduwal na pisikal na katawan ng Panginoon na ibinigay Niya para sa atin ( 1 Cor. 11:23). Ang tinapay ay tumutukoy rin sa buhay — ang walang hanggang buhay ng Diyos (Juan 6:33-35, 48). Kaya, ang tinapay ay isang simbolo na sumasagisag sa katawan ng Panginoon, na binasag sa krus upang palayain ang Kanyang buhay upang tayo ay makabahagi dito. Kapag nakikita natin o tinatanggap ang tinapay, ginugunita natin kung paanong ang Kanyang katawan ay ibinigay para sa atin (1 Cor. 11:24) nang sa gayon ay mataglay natin ang Kanyang walang hanggang buhay, at kung paanong ang Kanyang katawan ay nabasag para sa atin upang maipamahagi Siya bilang tinapay sa atin.

Ang saro ay sumasagisag sa bagong tipan na itinatag ng Panginoon para sa atin sa pamamagitan ng pagbububo ng Kanyang dugo ( 1 Cor. 11:25). Sa tuwing nakikita at tinatanggap natin ang sarong ito, dapat nating isaalang-alang kung paanong bumahagi ang Panginoon ng laman at dugo para sa atin (Heb. 2:14), kung paano Niyang ibinigay ang Kanyang katawan para sa atin upang mataglay natin ang Kanyang buhay, at kung paano Niyang ibinubo ang Kanyang dugo para sa atin upang tayo ay matubos mula sa ating natisod na kalagayan pabalik sa Diyos at sa lubos na pagpapala ng Diyos. Sa pamamagitan ng simbolong ito, dapat nating isaalang-alang kung paanong dinala ng Panginoon ang ating mga kasalanan, ginawang kasalanan para sa atin, at hinatulan at isinumpa para sa atin, na ibinububo ang Kanyang dugo, na bumubuo sa ating saro ng pagpapala, ang ating walang hanggang pinagpalang bahagi. Dapat din nating isaalang-alang kung paano tayong tinubos, pinatawad, pinabanal, inaring-matuwid, ipinagkasundo, at tinanggap ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ng Panginoon, kung paano tayo nitong nililinis mula sa ating mga kasalanan at hinuhugasan ang ating budhi nang sa gayon ay makalapit tayo sa Diyos nang may kalakasang-loob, kung paano itong nagsasalita ng maiinam na bagay sa harapan ng Diyos, at kung paano nitong nilalabanan ang mga pagsalakay ng masasamang espiritu para sa atin upang madaig natin ang diyablong nag-aakusa sa atin.

Habang ang tinapay sa hapag ay kinikilala bilang tinapay, ang dugo sa hapag ay hindi kinikilala bilang dugo, kundi bilang saro. Kung ang saro ay tinukoy bilang dugo, magsasaad lamang ito ng katubusan. Gayunpaman, ang kahulugan ng saro ay sumasaklaw nang higit kaysa sa katubusan lamang. Sa Biblia ang saro ay sumasagisag sa bahagi, isang pagpapala (1 Cor. 10:16), na siyang ang Diyos Mismo bilang bahagi ng mga mananampalataya (Awit 16:5) na ating natamo mula sa Diyos. Noon sa loob ni Adam tayo ay makasalanan at masama, at ang bahaging nararapat para sa atin mula sa Diyos ay ang saro ng kapootan ng Diyos (Apoc. 14:10; 21:8). Gayunpaman, ininom ng Panginoon ang sarong ito para sa atin sa krus (Juan 18:11). Ibinubo Niya ang Kanyang dugo upang lubusan tayong tubusin mula sa ating mga kasalanan. Kaya, ang Kanyang pagliligtas ay naging ating bahagi (Panag. 3:24; Col. 1:12), na siyang ang saro ng kaligtasan (Awit 116:13), at ang ating saro ng pagpapala na umaapaw (Awit 23:5). Ang nilalaman nito ay ang Diyos Mismo bilang ating nagpapaloob-ng-lahat na pagpapala. Kaya, sa pamamagitan ng pag-inom ng saro, inaalaala natin kung paanong ibinubo ng Panginoon ang Kanyang dugo upang tubusin tayo nang sa gayon ang ating mga kasalanan ay mapatawad (Mat. 26:28) at nang sa gayon ay maranasan natin ang Diyos Mismo at lahat ng kung ano ang taglay Niya bilang ating walang hanggang pinagpalang bahagi.

Nalalaman ng Panginoon kung gaano natin kadaling makalimutan Siya. Bagama’t ang biyayang ating natanggap ay napakadakila at ang katubusang ating natamo ay lubhang kahanga-hanga, madalas pa rin natin Siyang nakakalimutan. Sa kadahilanang ito inatasan Niya tayong alalahanin Siya. Sa pamamagitan ng pagkain sa tinapay at pag-inom sa saro, kinukuha natin ang nagtutubos na Panginoon bilang ating bahagi at bilang ating buhay at pagpapala. Ito ang alalahanin ang Panginoon sa isang tunay na paraan.

Kinakain ang Hapunan ng Panginoon upang Itanghal Din ang Kanyang Kamatayan

Sa tuwing kinakain natin ang tinapay ng Panginoon at iniinom ang Kanyang saro, sabay nating inaalaala ang Panginoon at itinatanghal ang Kanyang kamatayan (1 Cor. 11:26). Sa una, ang dugo ay nasa laman. Kapag ang dugo ay inihiwalay mula sa laman, nangangahulugan itong naganap ang kamatayan. Ang tinapay ay tumutukoy sa katawan ng Panginoon, at ang saro, sa Kanyang dugo. Ang tinapay at saro, na itinanghal nang magkahiwalay sa hapag, ay sumasagisag sa kamatayan. Yamang ang paghihiwalay ng katawan at ng dugo ay sumasagisag sa kamatayan, ang kamatayan magkagayon ay naitatanghal. Habang ating inaalaala ang Panginoon, itinatanghal natin ang kamatayan ng Panginoon para sa ating mga sarili at para sa iba na makita, kabilang na ang mga anghel.

Sa pagtatanghal sa kamatayan ni Kristo, itinatanghal at ipinapahayag natin ang nagpapaloob-ng-lahat na pagtatapos ni Kristo sa labindalawang aytem sa krus: ang makaanghel na buhay (Col. 1:20), ang natisod na pantaong buhay (Gal. 2:20), si Satanas (Heb. 2:14; Juan 12:31), ang kaharian ni Satanas (Col. 2:15; Juan 12:31), ang kasalanan (2 Cor. 5:21; Roma 8:3), ang mga kasalanan (1 Ped. 2:24; Isa. 53:6), ang sanlibutan (Gal. 6:14; Juan 12:31), ang kamatayan (Heb. 2:14), ang laman (Gal. 5:24), ang lumang tao (Roma 6:6), ang sarili (Gal. 2:20), at ang lahat ng bagay o nilikha (Col. 1:20). Sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoon, ang lahat ng negatibong bagay ay tinapos, at ang kanilang katapusan ay hayagang itinanghal.

Dapat nating kainin ang hapunan ng Panginoon tungo sa pag-aalaala sa Kanya sa pamamagitan ng patuloy na pagpapahayag sa Kanyang nagtutubos na kamatayan hanggang sa Siya ay bumalik upang itatag ang kaharian ng Diyos (Mat. 26:29). Sa Kanyang unang pagdating, isinakatuparan ng Panginoon ang Kanyang kamatayan upang isagawa ang isang nagpapaloob-ng-lahat na katubusan para sa pagbubunga ng ekklesia. Matapos ang Kanyang kamatayan, Siya ay umalis upang tanggapin ang kaharian, at darating muli kasama ang kaharian (Dan. 7:13-14; Luc. 19:12). Ang panahon sa pagitan ng Kanyang unang pagdating at ikalawang pagdating ay ang kapanahunan ng ekklesia. Ang ekklesia, kung gayon, ay nag-uugnay sa pagitan ng dalawang pagdating ng Panginoon at idinurugtong ang Kanyang kamatayan sa nakalipas sa kaharian ng Diyos sa hinaharap. Kaya, ang ideklara ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa Kanyang pagdating ay nagpapahiwatig ng pagdedeklara ng pag-iral ng ekklesia upang ipasok ang kaharian.

Kapag kinakain natin ang hapunan ng Panginoon na may pananaw ng patuloy na pag-aalaala sa Kanya sa Kanyang una at ikalawang pagdating, at sa loob ng isang espiritu at atmospero ng pag-asa at paghihintay sa Kanyang pagbabalik, ang gayong hapunan ay nagiging isang tunay na kasiyahan sa Kanya na may kinalalaman sa kaharian, sa administrasyon ng Diyos.

Dumadalo sa Hapag ng Panginoon upang Makipagsalamuha sa mga Banal

Ang ikalawang aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ang pagdalo sa hapag ng Panginoon. Inihahatid nito ang ugnayan sa pagitan natin at ng mga banal at maaaring tawaging pahalang na aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Habang ang ating pagkain sa hapunan ng Panginoon ay upang alalahanin natin ang Panginoon, ang pagdalo naman sa hapag ng Panginoon ay para sa lahat ng sangkap ng Katawan ni Kristo na magsalamuha sa loob ng Panginoon (1 Cor. 10:16-17) sa Kanyang mga naisakatuparan para sa atin, ang diin dito ay yaong sa pagsasalamuha sa gitna ng mga banal.

Ang binibigyang-diin nito ay hindi lamang ang pang-indibiduwal na pag-inom sa dugo ni Kristo bagkus ang isang magkasamang pakikibahagi sa Kanyang dugo. Ang magkasamang pakikibahaging ito ay ang pagsasalamuha.

Ang ating pagkain at pagbahagi sa isang tinapay at pag-inom at pakikibahagi sa isang saro ay nagpapahiwatig ng pagsasalamuha sa isa’t isa. Ang gayong pagsasalamuha ay nagiging ang pagsasalamuha ng dugo ni Kristo at ang pagsasalamuha ng Katawan ni Kristo. Kapag kumain at uminom tayo nang sama-sama, nakikibahagi sa tinapay ng Panginoon at saro ng Panginoon, tayo ay “nakikisalo sa hapag ng Panginoon” (1 Cor. 10:21). Yaon ang dahilan kung bakit dapat tayong bumahagi sa hapag ng Panginoon nang sama-sama kasama ng ibang banal; kung hindi, magkakaroon lamang tayo ng patayong aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay.

Sa hapag na ito, nakikibahagi tayo sa katawan ng Panginoon at sa dugo ng Panginoon kasama ng lahat ng mga banal at mayroong pakikipagsalamuha sa isa’t isa. Ang pagsasalamuha ay tumutukoy sa pakikibahagi ng mga mananampalataya sa magkasamang pakikilahok sa dugo at katawan ni Kristo. Ginagawa tayo ng pagsasalamuhang ito, na mga nakikibahagi sa dugo at katawan ng Panginoon, na kaisa ng Panginoon at kaisa ng isa’t isa. Tayo, ang mga nakikibahagi, ay ginagawa ang ating mga sariling napagkikilalang kaisa ng Panginoon gayundin ng mga banal sa pagsasalamuha sa Kanyang dugo at katawan.

Ang tinapay at ang saro ay ang bumubuo sa hapunan ng Panginoon, na siyang isang hapag, isang piging, na itinatag Niya nang sa gayon ang Kanyang mga mananampalataya ay maalaala Siya sa pamamagitan ng pagtatamasa sa Kanya sa gayong piging. Kaya, ang alalahanin ang Panginoon ay hindi ang ikulong ang sarili ng isang tao nang nag-iisa sa loob ng isang silid at isipin Siya, kundi ito ay ang dumalo sa hapag ng Panginoon at magpiging sa Panginoon kasama ng mga banal.

Sa aspekto ng pagkain sa hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay tumutukoy sa pisikal, indibiduwal na katawan ng Panginoon, na Kanyang ibinigay para sa atin sa krus, samantalang sa aspekto naman ng pagdalo sa hapag ng Panginoon, ang tinapay ay tumutukoy sa sama-samang Katawan ng Panginoon — ang ekklesia, na binubuo ng lahat ng naisilang na muling mananampalataya na naibunga sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay. Tayo ang tinapay, at ang tinapay na ito ay ang ekklesia. Ang una ay pisikal at inilagay sa kamatayan at ibinigay para sa atin; ang huli ay mistiko at binubuo ng lahat ng banal sa loob ng pagkabuhay na muli ng Panginoon. Kaya, sa tuwing tayo ay nagpipira-piraso ng tinapay, sa isang panig, inaalaala natin ang Panginoon at tinatamasa Siya sa pamamagitan ng pagtanggap sa katawan na ibinigay Niya sa atin sa krus; sa kabilang panig, tinatamasa natin ang mistikong Katawan na Kanyang naibunga sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay, nakikipagsalamuha sa lahat ng banal sa mistikong Katawang ito at nagpapatotoo sa kaisahan ng mistikong Katawang ito. Hindi lamang mayroong ugnayan sa pagitan natin at ng Panginoon, bagkus isang ugnayan sa pagitan natin at ng lahat ng banal.

Ang tinapay, na ating ibinabahagi at kinakain nang sama-sama at na sumasagisag sa indibiduwal na katawan ni Kristo, ay pumapasok sa atin upang gawin tayong lahat na isang Katawan, sumasagisag sa isang sama-sama, mistikong Katawan ni Kristo (1 Cor. 10:17). Ang tinapay ay sumasagisag sa isang Katawan ni Kristo. Bagama’t tayo ay marami, nguni’t tayo ay iisang Katawan sapagka’t tayong lahat ay bumabahagi sa isang tinapay. Ang ating magkasamang pakikibahagi sa iisang tinapay ay ginagawa tayong lahat na isa. Ito ay nagsasaad na ang ating pakikibahagi nang sama-sama kay Kristo ay ginagawa tayong lahat na Kanyang iisang Katawan. Ang mismong Kristo na ating binabahaging lahat ang bumubuo sa atin na Kanyang iisang Katawan. Kaya, sa tuwing tayo ay dumadalo sa hapag ng Panginoon upang magpira-piraso ng tinapay, ipinatototoo natin ang kaisahan ng mistikong Katawang ito, yaon ay, ang pansansinukob na ekklesia. Ang ating pakikibahagi sa hapag ng Panginoon sa panahon ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay isang patotoo ng namumukod-tanging pagsasalamuhang ito ng Kanyang namumukod-tanging Katawan, na walang anumang pagkakabaha-bahagi sa pagsasagawa man o sa espiritu.

Ang Pagtatatag ng Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay

Nagsipanatiling matibay ang mga sinaunang banal sa pagpipira-piraso ng tinapay na kanilang ginawa nang araw-araw (Gawa 2:46). Nang panahong iyon, dahil sila ay maalab tungo sa Panginoon at taos-pusong umibig sa Kanya, kusang-kusa silang nagpira-piraso ng tinapay araw-araw. Kalaunan, unti-unti nilang nakuha ang gawi ng pagsasagawa nito nang isang beses sa isang linggo sa unang araw (Gawa 20:7; 1 Cor. 16:2). Ang unang araw ng sanlinggo, na siyang Araw ng Panginoon, ay ang araw ng pagkabuhay na muli ng Panginoon at ang pasimula ng isang bagong sanlinggo, na sumasagisag na ang mga lumang bagay ay lumipas na at isang bagong buhay ang nasimulan. Higit pa rito, bagama’t itinatanghal natin ang kamatayan ng Panginoon kapag nagpipira-piraso tayo ng tinapay, sa katunayan ay inaalaala natin Siya sa Kanyang pagkabuhay na muli. Samakatuwid, pinakaakmang magpira-piraso ng tinapay upang alalahanin ang Panginoon sa araw na ito. Ito ay pinagtitibay ng pagsasalita ng ministeryo:

“Ang sinaunang ekklesia ay nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay araw-araw. Marahil ay ginunita nila ang Panginoon bago sumapit ang bawa’t oras ng pagkain (meal). Sa panahong iyon ang mga banal ay napakaalab para sa Panginoon. Ang ating pagsasagawa ng pagkakaroon ng mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa Araw ng Panginoon ay naaayon din sa Biblia. Bagama’t nagsasalita ang Gawa 2:46 ukol sa pagpipira-piraso ng tinapay ng mga banal araw-araw sa kanilang mga tahanan, ipinakikita ng 20:7 na ang mga banal ay nagsama-sama upang magpira-piraso ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo. Ito sa kalaunan ay naging isang tularan sa sinaunang buhay-ekklesia na isagawa ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, pp. 48-49, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ipinakikita sa atin ng Bagong Tipan na ang mga sinaunang Kristiyano ay nagpulong nang Araw ng Panginoon. Sa Gawa 20 dumating si Pablo sa Troas at nanatili roon sa loob ng pitong araw. Nang Araw ng Panginoon, nagtipon nang sama-sama ang mga banal upang magpira-piraso ng tinapay sa pag-aalaala sa Panginoon (b. 7). Ipinahihiwatig ito na sa panahong iyon ang mga Kristiyano ay natipun-tipon nang Araw ng Panginoon.” (W. Lee, The Present Advance of the Lord’s Recovery, Chapter 3, Section 4, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Kung mayroong sampu o dalawampung banal sa isang pantahanang pagpupulong, maaari natin silang dalhin minsan upang dumalo ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa bahay-pulungan sa umaga ng Araw ng Panginoon. Naniniwala akong ito ay magiging isang malaking panghihikayat sa kanila….Hangga’t ang mga banal sa isang distrito ay nagsasalamuha at nananalangin ayon sa tunay na kalagayan at pangangailangan, ang tatlumpu hanggang animnapung katao ay maaaring magtipon nang sama-sama. Pagkatapos ng tatlo hanggang apat na linggo maaari nating dalhin ang mga kapatid na ito sa bahay-pulungan upang dumalo ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Araw ng Panginoon.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol. 1, Chapter 13, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Hinggil sa lugar ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, ang mga sinaunang mananampalataya sa Herusalem ay nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay (Gawa 2:46):

“Noong Pentecostes tatlong libong tao ang naligtas. Araw-araw, nagsisipanatili silang matibay na may isang puso’t kaisipan sa templo at nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay (Gawa 2:46). Dahil sa malaking bilang nila, nagpulong nang regular ang mga mananampalataya sa bahay-bahay. Nagtipon sila sa templo kung kinakailangan lamang nilang lahat na magtipon nang sama-sama. Maliban pa sa mga panahong ito, ang mga kapatid ay nagtitipun-tipon sa iba’t ibang bahay.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang mga sinaunang mananampalataya ay nagtipun-tipon din sa isang lugar para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay (Gawa 20:7; 1 Cor. 11:20):

“Nagkaroon din ng mga pagpupulong ang mga disipulo sa mga bahay ng mga taong nanampalataya sa Panginoon; sila ay nagkaroon ng mga pantahanang pagpupulong. Naniniwala tayo na kalaunan ang ilang sambahayan ay nagsama-sama upang magkaroon ng maliit na panggrupong pagpupulong at na ang mga panggrupong pagpupulong na yaon ay nagsama-sama upang bumuo ng isang pandistritong pagpupulong. Ang bawa’t lunsod ay may mga pantahanang pagpupulong, maliliit na panggrupong pagpupulong at mga pandistritong pagpupulong. Inibig ng mga taong naligtas ang Panginoon, at ibinigay nila ang lahat para sa Kanya. Sila ang patotoo ng Panginoon. Higit pa rito, ipinakikita sa atin ng Gawa ang isa pang pagpupulong. Sa Gawa 20:7 ang buong ekklesia ay nagtipon upang magpira-piraso ng tinapay at upang makinig ng isang salita mula kay apostol Pablo. Sa halip na magtungo sa bahay-bahay upang magsalita ng salita ng liwanag, pahayag at pangitain, nagsalita ang apostol sa pagtitipong ito. Ang pagpupulong na ito ay tinatawag nating malakihang pagpupulong.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, p. 152, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ayon sa salitang ito, ang mga sinaunang mananampalataya ay nagtipon din sa isang lugar upang kainin ang hapunan ng Panginoon. Ito ay maaaring naganap sa mas malaking lugar. May isang matamis at matalik na lasa ang isang maliit na pagpupulong kapag tayo ay nagtipon upang magpira-piraso ng tinapay sa mga tahanan. Mayroon ding mayaman at napataas na atmospero sa isang malaking pagpupulong kapag tayo ay nagtipon nang sama-sama sa isang malaking lugar. Ang mga mananampalataya ay maaaring magpira-piraso ng tinapay sa hiwa-hiwalay na mga tahanan o sa isang lugar, at ito ay dapat na pagpasyahan ng ekklesia ayon sa pangangailangan at sitwasyon.” (W. Lee, Life Lessons, Vol. 2, Chapter 17, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ayon sa ating pangkasalukuyang sitwasyon, hindi natin maisasagawa ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa bawa’t tahanan bagama’t ang mga banal sa panimula ng buhay-ekklesia ay nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay (Gawa 2:46).…Bagama’t ang Gawa 2:46 ay nagsasalita ukol sa pagpipira-piraso ng tinapay ng mga banal araw-araw sa kanilang mga tahanan, ipinakikita ng 20:7 na ang mga banal ay nagtipon nang sama-sama upang magpira-piraso ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, pp. 48-49, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Gayunpaman, sa kabila ng malinaw na tala ng mga Kasulatan at ng mga malagong pangunguna ni Kapatid Lee hinggil sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ayon sa Salita at ating pangkasalukuyang situwasyon gaya nang binanggit sa itaas, iminungkahi ng isang kapatid na babae na ang inoobserbahang pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na nakita sa Gawa 2:46 ay ang pinakamainam na paraan upang mapabilis ang pagbabalik ng Panginoon at iginigiit na itaguyod at isagawa ito ng mga ekklesia, kung hindi ay bibigyang-sisi. Upang makatiyak, ang pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa ay mayroong mga pakinabang. Gayunpaman, gaya nang makikita natin, ito ay hindi isang katotohanan ni isang idinidiktang pagsasagawa na dapat ipilit sa mga banal at sa mga ekklesia. Ang pamimilit ng kapatid na babae ay batay sa kanyang pahayag na ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon ay isinagawa at itinuro ng Panginoong Hesus, ng mga sinaunang mananampalataya, nina Kapatid Nee at Kapatid Lee. Tunghayan natin ang Salita at ang makasaysayang katunayan upang suriin nang isa-isa ang pagiging tapat at pagiging totoo ng kanyang mga sinasabi.

Ang Halimbawa ng Panginoong Hesus Hinggil sa Pagpipira-piraso ng Tinapay

Una, ipinahayag ng kapatid na babae na isinagawa ng Panginoon ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon nang may dalawa o tatlong mananampalataya sa pamamagitan ng Kanyang “pagpipira-piraso ng tinapay” kasama ng dalawang disipulo sa daan patungong Emaus sa Lucas 24:13-35. Nguni’t, gaya nang inilalarawan ng ating lathalain na “Ang Pagpira-piraso ni Hesus ng Tinapay kasama ng Dalawang Disipulong Patungong Emaus ay isa bang Pagpupulong ng Hapag ng Panginoon?”, sinipi nina kapatid Nee at Lee ang pagpipira-piraso ng Panginoon ng tinapay kasama ng dalawang disipulo sa maraming pagkakataon at ginamit ang mga ito sa maraming espirituwal na aralin nguni’t hindi sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Gayundin, hindi rin ipinaliwanag ng mga kilalang iskolar ng Biblia ang pagpipira-piraso ng Panginoon ng tinapay kasama ng dalawang disipulong patungong Emaus bilang isang pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Sa halip, kinikilala nila iyon bilang isang pagkain lamang. Gaya nang natukoy sa ating lathalain na “Ano ba ang mga Pagsasagawa ng Sinaunang Buhay-Ekklesia sa Gawa 2?”, ang Griyegong salita para sa “pagpipira-piraso ng tinapay” sa Lucas 24:30 at 35, gaya ng sa Gawa 2:46; 20:11, at 27:35, ay klontes arton na pangkalahatang tumutukoy sa mga pangkaraniwang pagkain na kinain ng mga mananampalataya sa kanilang tahanan, at hindi ang pagpipira-piraso ng tinapay sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Kaya, walang anumang alinlangan na ang kapatid na babae ay hindi wasto o lubusang mali sa pagtutukoy sa Panginoong Hesus bilang ang unang halimbawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na binubuo ng maliit na bilang ng mga mananampalataya.

Ikalawa, sa pagtatatag ng unang pagpupulong ng hapag ng Panginoon at sa pagpapakita sa mga disipulo kung ano ang paraan upang isagawa ito, hindi isinagawa ng Panginoong Hesus ang “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon”; hindi Siya nagtungo sa mga disipulo nang hiwa-hiwalay sa mga bahay-bahay upang magpira-piraso ng tinapay kasama nila. Sa halip, sila ay Kanyang tinawag lahat sa isang lugar nang sama-sama upang itanghal ang kaisahan na isinagisag ng tinapay at ang pagsasalamuha na naisagawa sa pamamagitan ng pagpipira-piraso at pagkain sa tinapay ng mga sangkap ng isang Katawan.

Ikatlo, kung pinili ng Panginoong gamitin ang bahay ng mga disipulo, naisagawa Niya sana ito nang madali sa pamamagitan ng paghiling sa kaninumang disipulo na maginhawang “buksan” ang kanyang bahay para lamang sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Sa halip, sinabihan Niya sina Pedro at Juan na “manghiram” ng isang naihandang silid sa itaas sa bahay ng isang tao (Mat. 26:18-19; Luc. 22:8-13) para rito. Ang ganitong pagsasaayos ng Panginoon ay kahalintulad ng pandistritong pagpupulong ng hapag ng Panginoon na sa ganito ay pinangunahan nina kapatid Nee at Lee ang mga ekklesia na isagawa sa halip na bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na itinataguyod ngayon ng kapatid na babae.

Sa paggamit ng prinsipyo ng unang pagkabanggit sa Biblia, ang unang pagpupulong ng hapag ng Panginoon na itinatag ng Panginoon ay (1) hindi isinagawa nang may kakaunting bilang ng dalawa o tatlong disipulo lamang, (2) hindi nagtungo sa bahay-bahay kundi isang pagtitipon ng katamtamang dami ng mga banal nang sama-sama, at (3) hindi isang pangmaginhawang pagpupulong ng hapag ng Panginoon para sa mga miyembro ng sambahayan lamang at ilang naglilingkod. Kapansin-pansin, ang lahat ng pamamarisang itinatag ng Panginoon Mismo ay nagpapamalas ng tahasang pagsalungat sa uri ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na itinataguyod ng kapatid na babae ngayon. Ang pag-aatas sa Kanyang mga disipulo ay yaong ang gawin ito para sa pag-aalaala sa Kanya na walang anumang pansin o diin sa lugar nito.

Ang Halimbawa ng mga Sinaunang Mananampalataya ukol sa Pagpipira-piraso ng Tinapay

Ipinaglalaban ng kapatid na babae na ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon ay dapat na maisagawa sa buhay-ekklesia ngayon dahil lamang sa ito ay isang halimbawang ipinakita sa atin sa Gawa 2:46. Subali’t gaya nang inilarawan natin sa ating lathalain na “Ano ba ang mga Pagsasagawa ng Sinaunang Buhay-Ekklesia sa Gawa 2?”, ang pagsasagawa ng araw-araw na bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na ating nakuha sa pinagmulang buhay-ekklesia sa Gawa ay hindi nilayon upang sundin natin nang legal nang walang pagsasaalang-alang, dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

Una, ang araw-araw na bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na makikita natin sa Gawa 2:46 ay naglalarawan ng kalagayan ng ekklesia sa Herusalem sa panahon ng pinakaunang buhay-ekklesia pagkatapos na pagkatapos ng pagbubuhos ng Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes na nagresulta sa pagbubunga ng ekklesia, nguni’t ito ay hindi naging kopya (blueprint) para sundan ng mga ekklesia sa mga sumunod na panahon. Sa katunayan, hiwalay sa Gawa 2:46, wala na tayong makikitang ibang tala sa Biblia na ang ibang ekklesia ay nagsagawa ng gayong pagsasagawa. Sa kabaligtaran, sa halip ng pagbahagi sa hapag ng Panginoon araw-araw gaya nang sa pinakaunang buhay-ekklesia na tinukoy sa Gawa 2:46, hindi nagtagal matapos iyon ang mga mananampalataya sa panahon ni Pablo ay bumahagi rito nang isang beses sa isang linggo — sa Araw ng Panginoon, ang unang araw ng sanlinggo na siyang araw ng pagkabuhay na muli (1 Cor. 11:20). Gayundin, pagkatapos ng kapitulo 2, ang bahay-bahay na pagpipira-piraso ng tinapay ay hindi na binanggit muli sa Gawa o sa anumang Sulat. Sa halip, makikita natin na ang mga sinaunang mananampalataya ay nagtipon nang sama-sama sa isang lugar para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay (Gawa 20:7; 1 Cor. 11:20). Ngayon, dapat ba nating igiit ang ukol sa pagsasagawa ng mga aytem na binago maging ng mga ekklesia sa bandang huling bahagi ng Gawa at mga Sulat, at nagpatuloy mula rito?

Ikalawa, noong sinaunang panahon, ang ekklesia sa Herusalem ay mayroong mahigit sa sampu o dalawampung libong miyembro sa loob ng maikling panahon (Gawa 21:20 talababa 1). Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pangunguna ng Espiritu, ang mga mananampalataya ay nagtipon halos sa bahay-bahay o, payak lamang, sa bahay. Maliban sa pagpapahayag at pagtuturo na ginawa sa templo (Gawa 2:42, 46; 5:42), ang lahat ng iba pang gawain ng ekklesia ay isinagawa sa mga tahanan ng mga mananampalataya. Binuksan nila ang kanilang mga tahanan upang anyayahan ang kanilang mga kapitbahay, mga kaibigan, at mga kamag-anak upang ipahayag ang ebanghelyo sa kanila; binuksan nila ang kanilang mga tahanan para sa mga pantahanang pagpupulong upang kandiliin at pakainin ang mga bagong mananampalataya; binuksan nila ang kanilang mga tahanan para sa “pag-aaral ng Biblia” at upang ipropesiya ang pagtuturo at pagsasalamuhang kanilang narinig mula sa mga apostol; binuksan nila ang kanilang mga tahanan para sa panalangin. Sa gayunding paraan, binuksan nila ang kanilang mga tahanan para sa pagpipira-piraso ng tinapay. Kaya, ang pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay ay lubhang lohikal para sa kanila na isagawa. Saan pa kaya magpipira-piraso ng tinapay ang mga mananampalataya na kung ang bahay naman ng mga mananampalataya ang madalas na lugar na pinagpupulungan?

Ikatlo, sa natatanging makakasulatang tala ng pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa 2, tatlong bagay ang nakapaloob: araw-araw (panahon), bahay-bahay (lugar), at ang pagpipira-piraso ng tinapay (pagkain). Ayon sa Gawa 2:46, ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon ay ginanap araw-araw, sa bahay-bahay, at sinundan ang pagkain. Ang tatlong aytem na ito ang naglalarawan sa bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa 2:46. Ang gayahin lamang ang “bahay-bahay” na aspekto ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa 2:46, gaya nang ginawa ng kapatid na babae, at pabayaan ang iba pang kaalinsabay na aspekto ng pagsasagawa nito araw-araw at ang pagbahagi sa pagkain na sinusundan nito ay ginagawa itong may kinikilingan, mapili, at subhektibo. Ano ang maaaring maging posibleng batayan ng pagsunod sa isang aspekto ng pagsasagawa samantalang inaalis naman ang dalawa pa?

Ikaapat, ang sabihing dapat nating kopyahin ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa 2:46 dahil lamang sa ito ay isang kapaki-pakinabang na mahalagang salik sa pagpapanauli at namamayaning kalagayan sa pasimula ng buhay-ekklesia sa Herusalem ay hindi sapat. Gaya nang inilarawan sa ating lathalaing “Ano ba ang mga Pagsasagawa ng Sinaunang Buhay-Ekklesia sa Gawa 2?”, mayroong labinlimang pagsasagawa na matibay at tapat na isinagawa ng mga mananampalataya nang mga unang araw ng kasaysayan ng ekklesia na tinalakay sa Gawa 2:42-47. Inilalarawan ng mga ito ang kalagayan ng kamangha-manghang panimula at nananaig na buhay-ekklesia sa Herusalem. Ang bawa’t isa sa mga ito ay nagdadala ng mga espirituwal na prinsipyo at mga aralin sa likod ng gayong nananaig na buhay-ekklesia, na puspos ng pagpapanauli at mga pagpapala. Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay ay isa lamang sa mga ito. Para sa kapatid na babae na igiit na ulitin ang mga pagsasagawa ng mga sinaunang mananampalataya sa pasimula ng buhay-ekklesia gaya nang ipinakita sa atin sa Gawa 2:42-47 batay sa kung ano ang nakasulat, hindi rin ba niya dapat isagawa ang iba pang aytem gaya ng mga kababalaghan at mga tanda, pagpupulong araw-araw, ang lahat ng bagay na kanilang pag-aari ay para sa lahat, at ipinagbibili ang kanilang pag-aari at mga ari-arian para ipamahagi sa kanilang lahat upang maging tapat sa halimbawa ng mga sinaunang mananampalataya?

Ang Halimbawa at Pagtuturo ni Kapatid Watchman Nee Hinggil sa Pagpipira-piraso ng Tinapay

Binanggit ng kapatid na babae si Kapatid Watchman Nee bilang isang kilalang taong nagtaguyod ng pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na mayroong kakaunting bilang ng mga banal, na pangunahing batay sa kanyang karanasan sa pagpipira-piraso ng tinapay kasama si Leland Wang at kanyang asawa sa bahay ng nabanggit na kapatid noong 1922. Ang hindi sinabi sa atin ng kapatid na babae ay yaong silang tatlo pa lamang ang nasa pagbabawi ng Panginoon nang panahong iyon! Hindi nakapagtatakang tatlong banal lamang ang nasa pagpupulong na iyon. [Para sa mga detalye ng patotoo ni Kapatid Nee, pakiusap na sumangguni sa aklat ni Kapatid Lee na Watchman Nee: A Seer of the Divine Revelation in the Present Age (pp. 37-40)].

Sa kabila ng sariling patotoo ni Kapatid Nee dito bilang isang karanasan na kanyang aalalahanin habang siya ay nabubuhay at maging sa kawalang-hanggan, hinding-hindi itong binanggit muli ng buong mga tomo ng The Collected Works of Watchman Nee, huwag nang banggitin pa na hindi rin itinuro ni Kapatid Nee ang hinggil sa gayong pagsasagawa na dapat sundin ng mga ekklesia sa loob ng pagbabawi ng Panginoon. Sa kabaligtaran, hinggil sa lugar ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, walang pagbabago niyang itinuro na dapat itong gawin sa mga distrito, hindi sa bahay-bahay:

Sa prinsipyo, ang pinakamainam na paraan na magpulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay sa mga distrito. Sa pinakamarami ang mga distrito ay dapat magtipon nang sama-sama ng isang beses sa isang buwan….Upang makapagpulong sa pamamagitan ng mga distrito, dapat tayong humanap ng akmang lugar. Kapag nakahanap na tayo ng akmang lugar, maaari natin itong upahan. Maaaring upahan ng ekklesia ang sala para sa pagpupulong, samantalang maaaring upahan ng mga kapatid ang mga silid upang matirhan. Maaari tayong makapagpulong ng panalangin, magpulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, mga pagpupulong ng pagpapatibay sa mga kabataan, at mga pang-ebanghelyong pagpupulong.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 61: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (1), Chapter 4, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay dapat na isagawa sa mga distrito. Lalo tayong naghahati-hati, mas madali itong lalago, at magkakaroon ng mas maraming pagkakataon para makapaglingkod ang iba. Kung hindi natin hahati-hatiin ang ating pagpupulong tungo sa mga distrito, malilimitahan ang pagkasaserdote sa ilang tao lamang.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 61: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (1), Chapter 4, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang pagpupulong ng pagpapahayag ng ebanghelyo gayundin ang pagpupulong ng panalangin at ang pagpupulong para sa mga bagong mananampalataya ay maaaring maisagawa sa iba’t ibang distrito. Kung nais pa nating gawin, maging ang pagpupulong para sa pagpapatibay ay maaaring isagawa sa hiwa-hiwalay na mga distrito. Kung nais nating pagsamahin ang ilang pagpupulong, sa palagay ko ang pagpupulong para sa pagpapatibay ay mainam na pagsamahin at marahil gayundin ang pagpupulong ng pagpapahayag ng ebanghelyo. Kung mayroong mga kapatid na lalakeng manggagawa sa rehiyong ito at kung nais nilang magkaroon ng ilang pangmensaheng pagpupulong para sa mga kapatid, malinaw naman na ang pagsama-samahin ang mga ito ay mas kumbinyente. Ang iba pang mga pagpupulong ay maaaring gawin nang hiwa-hiwalay — ang pagpupulong ng panalangin, ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, at ang pagpupulong para sa mga bagong mananampalataya. Ang lahat ng ito ay maaaring isagawa sa mga distrito.” (W. Nee, Church Affairs, Chapter 7, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Magkakaroon ng tatlong pandistritong pagpupulong kada linggo: ang pagpupulong ng hapag sa gabi ng Araw ng Panginoon, ang pagpupulong ng panalangin sa gabi ng Martes, at ang pagpupulong ng Biyernes ng gabi para sa mga bagong mananampalataya. Ang mga ito ay gaganapin sa labinlimang iba’t ibang distrito.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 55: The Ministries & The Open Doors, Chapter 2, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang mga responsableng kapatid na lalake ay dapat gumawa ng mga wastong pagsasaayos sa mga distrito para tutukan ang lahat ng tinanggap sa ating pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Hindi ninyo dapat hayaang makaligtaan ni isang pangalan. Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay naitalaga sa inyong distrito, dapat ninyong ensayuhin ang pangangalaga sa kanya sa isang wastong paraan.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 4, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Hinikayat din ni Kapatid Nee ang mga mananampalataya na manatili pagkatapos ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay at huwag agad magsiuwi sa kani-kanilang tahanan, nagpapahiwatig na ang mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay hindi ginanap sa kani-kanilang indibiduwal na bahay kundi sa mga pandistritong pagpupulong sa isang tiyak na bahay ng isang kapatid:

“Ang mga banal ay hindi dapat magsiuwi agad pagkatapos ng mga pagpupulong. Dapat silang magpaiwan at makipagsalamuha sa iba pang kapatid, o gumugol ng dalawampu hanggang tatlumpung minuto upang dalawin ang iba pang banal. Ang oras ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay hindi dapat sobrang haba; sa pinakamahaba ito ay dapat na isang oras lamang. Kapag nadala na natin ang espiritu ng mga banal sa mataas na rurok, dapat agad tayong sumulong sa pagsamba sa Ama. Pagkatapos ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, maaari tayong maglaan ng kalahating oras para sa pagsasalamuha.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang mga pandistritong pagpupulong sa panahon ni Kapatid Nee ay ginanap sa mga tahanan ng mga mananampalataya:

Ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay gaganapin sa limang distrito: sila ay magpupulong sa limang bahay. Ang bawa’t distrito ay pangangasiwaan ng ilang responsableng kapatid na lalake.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 61: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (1), Chapter 21, Section 4, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang mga responsableng kapatid na lalake sa isang distrito ay dapat lamang magdala ng responsabilidad sa espirituwal na bagay….Sa mga pagpupulong ang mga kapatid na babae ay hindi maaaring magturo, nguni’t maaari silang magtawag ng mga himno at magpatotoo. Sa mga pagpupulong ng panalangin at mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, ang mga kapatid na babae ay dapat na manalangin sa kalagitnaan ng pagpupulong. Hindi sila dapat manguna o magtapos ng mga pagpupulong sa kanilang mga panalangin. Dapat din nilang iwasan ang pagtawag ng mga himno hangga’t maaari, maliban na lamang kung sila ay malinaw na taglay nila ang panghihikayat ng Espiritu….Ang lahat ng responsableng kapatid sa lahat ng ‘tahanan’ (yaon ay, mga distrito) ay dapat na magpulong isang beses sa isang linggo….Ang ikaanim na ‘tahanan’ ay mayroong napakakaunting banal dahil ang mga kapatid doon ay tila ba hiwalay mula sa ekklesia sa nakalipas. Sa hinaharap kailangan natin ng maraming pang-ebanghelyong pagpupulong sa distritong ito. Dapat ding magdala ang mga kapatid ng mga baguhan sa mga pagpupulong….Ang mga distrito sa sambahayan ng mga Chan at ng mga Shen ay dapat na mangalaga sa mga bagong lipat na kapatid hangga’t maaari. Dapat silang magsaayos ng mga pagbisita sa mga bagong dating na kapatid na ito sa loob ng pinakamaikling posibleng panahon.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 13, Section 4, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang pangunahing responsabilidad ng mga matanda ay ang magmasid. Dapat silang lahat na mapamunuan ni Kapatid Witness. Sama-sama silang dapat magmasid sa buong ekklesia sa Hong Kong. Ang pamumuno sa iba’t ibang distrito ay: si Chu Zhi-yuen para sa bahay-pulungan sa Jordan Road, Hsu Jin-ching para sa tahanan ng Hsu, Cheng Him-yuen para sa tahanan ng Bao, Chan Shi-re para sa tahanan ng mga Chan, at si K.H. Weigh para sa tahanan ng mga Shen.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Sa panahon ni Kapatid Nee, minsan ang salitang “mga tahanan” (“Jia” sa salitang Instik) ay ginamit nang may pagtukoy sa mga “distrito”:

“Sa nakalipas na ilang araw inanunsyo natin na ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay gaganapin sa limang distrito o ‘tahanan’ [Paunawa ng Tagapagsalin: ang tahanan ay isa pang salita para sa ‘distrito’ sa paggamit nang panahong iyon.] Ngayon nais nating dagdagan iyon upang maging anim na distrito.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Witness Lee: Mayroon akong salita ng pagsasalamuha para sa lahat ng mga ‘pantahanang’ responsableng kapatid. Hinggil sa mga praktikal na gawain sa mga distrito, gaya ng paghahanda para sa mga pasilidad ng pagpupulong, mga pagsasaayos bago at matapos ang mga pagpupulong, ang panustos na inumin, atbp, hindi natin dapat hayaang mabigatan ang mga may-ari ng mga tahanan kung saan isinasagawa ang mga pagpupulong. Sa halip, dapat nating ibahagi ang gawain sa pamamagitan ng pagtatakda sa iba’t ibang kapatid na gawin ang iba’t ibang gawain….Magmula ngayon, ang mga gawain sa mga ‘tahanan’ ay opisyal na ipinapasa sa iba’t ibang distrito. Kailangan nating isulat ang lahat ng kailangan nating gawin at hindi dapat hayaan na may anumang bagay na makalampas sa ating mga daliri.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang Patotoo at Pagtuturo ni Kapatid Witness Lee hinggil sa Pagpipira-piraso ng Tinapay

Sa yugto na susubukang isagawa ang bagong daan, sa kanyang salamuha sa mga nagsasanay ng full-time sa Taipei mula Enero hanggang Mayo ng 1987, iminungkahi ni Kapatid Lee na maaaring itatag ang mga pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa mga tahanan ng bagong ligtas na kapatid, nguni’t hinding-hindi ito nangangahulugang isagawa nang walang maingat na pagsasaalang-alang at pagsasalamuha:

“Kunin nating halimbawa ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Wala tayong takdang panuntunan hinggil sa pagpupulong na ito. Halimbawa, matapos pangunahan ang pantahanang pagpupulong sa isang tahanan sa loob ng tatlo hanggang limang beses o maging sampu hanggang dalawampung beses, dapat na nating itatag ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon para sa kanila. Maihahambing natin ito sa pag-aaral; matapos nating basahin ang ilang aralin, dapat natin silang bigyan ng higit pa sa pang-elementaryang aralin. Kung hindi muna natin titingnan ang kanilang sitwasyon, hindi tayo dapat gumawa ng pagpapasya hinggil sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Dapat muna nating pag-aralan ang kanilang kalagayan, ginagabayan sila sa pagpupulong kada pagpupulong. Dapat natin silang gabayan hanggang sa punto kung saan madarama na natin na ang panloob na kalagayan ng ilang ligtas na kapatid sa tahanang ito ay matatag sa harapan ng Panginoon. Higit pa rito, dapat nating madama na walang anumang bagay na may kinalaman sa mga diyus-diyosan ang nasa mga kasangkapan at kapaligiran ng tahanang ito at na walang anumang makasisira sa patotoo ng Panginoon. Kapag handa na ang kalagayan ng tahanan, maaari na natin silang gabayang magsimulang magpira-piraso ng tinapay.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol. 1, Chapter 13, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Gayunpaman, kaagad-agad pagkatapos sabihin ito, hinikayat ni Kapatid Lee ang mga nagsasanay ng full-time na dalhin ang mga baguhang nagpupulong sa mga tahanan na magpira-piraso ng tinapay nang sama-sama upang makilala ang ekklesia:

“Pagkatapos magsimula ng tahanang ito na magpira-piraso ng tinapay, maaaring maabot nito ang punto kung saan may pangangailangang isama pa ang dalawa o tatlong tahanan upang magpira-piraso ng tinapay nang sama-sama. Kung angkop ba ito ay nakasalalay sa kalagayan ng tahanan at ng ating panloob na damdamin….Panghuli, na siya ring pinakamahalagang bagay, ay yaong hindi natin dapat panatilihin ang mga tao sa mga pantahanang pagpupulong lamang at hindi sila hayaang makadalo sa mga malakihang pagpupulong. Hindi ito uubra. Ang gawin ang isang bagay sa partikular ay maaaring hindi mahalaga sa simula, subali’t unti-unti kailangan natin silang dalhin tungo sa pagkakilala sa ekklesia. Mayroong maraming paraan upang gawin ito, kaya kailangan nating bumagay….Kung mayroong sampu hanggang dalawampung banal sa isang pantahanang pagpupulong, maaari natin silang minsang dalhin upang dumalo ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa bahay-pulungan sa umaga ng Araw ng Panginoon. Naniniwala akong ito ay isang malaking panghihikayat sa kanila. Kapwa ang mga bagong ligtas at yaong mga naligtas na nang matagal na panahon ay maghahalong magkakasama sa pagpupulong at kapwa mahihikayat. Dapat pa rin nating tandaan na ito ay hindi isang itinakdang regulasyon kundi isang bagay na lubusang organiko at naiaangkop. Humihiling ito sa atin na obserbahan ang situwasyon at makipag-ugnay, makipagsalamuha, at manalanging kasama ng mga kapatid na lalake sa mga distrito o mga bahay-pulungan….Hangga’t ang mga banal sa distrito ay nagsasalamuha at nananalangin ayon sa tunay na kalagayan at pangangailangan, ang tatlumpu hanggang animnapung tao ay maaaring magtipon. Matapos ang tatlo hanggang apat na linggo maaari nating dalhin ang mga kapatid na ito sa bahay-pulungan upang dumalo sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Araw ng Panginoon.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol. 1, Chapter 13, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Kasunod nito, sa kanyang mga mensaheng ibinigay sa mga banal na kabilang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa Taiwan mula 1987 hanggang 1989, matatag na tinapos at itinuro ni Kapatid Lee na ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay mainam na ganapin sa mga distrito. Kakatwa, ang unang tatlong pagsisipi sa ibaba ay hango mula sa mga mismong pahina ng aklat na karamihang sinipi ng sumasalungat na kapatid na babae, subali’t pinili niyang balewalain ang mga ito at di-wastong kinatawan ang pananaw at pangunguna ni Kapatid Lee:

Mainam na ang mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ganapin sa mga distrito. Ayon sa ating pangkasalukuyang situwasyon, hindi natin maaaring ganapin ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa bawa’t tahanan bagama’t ang mga banal sa panimulang buhay-ekklesia ay nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay (Gawa 2:46). Ang sinaunang ekklesia ay nagpira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay araw-araw. Marahil ay ginunita nila ang Panginoon bago ang bawa’t pagkain (meal). Sa panahong iyon ang mga mananampalataya ay lubhang masigasig para sa Panginoon. Ang ating pagsasagawa ng mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay tuwing Araw ng Panginoon ay ayon din sa Biblia. Bagama’t isinasalita ng Gawa 2:46 ang ukol sa pagpipira-piraso ng tinapay ng mga banal araw-araw sa kanilang mga tahanan, ipinakikita ng 20:7 na nagtipon ang mga banal upang magpira-piraso ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo. Ito sa kalaunan ay naging isang tuluran sa sinaunang buhay-ekklesia upang ganapin ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, pp. 48-49, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang ikaapat na hakbang sa pagsasagawa ng itinalagang-daan ng Diyos ay ang magpangsyon sa mga pandistritong pagpupulong. Dapat nating unti-unting gabayan ang mga bagong mananampalataya mula sa mga panggrupong pagpupulong tungo sa mga pandistritong pagpupulong at tulungan silang makapasok tungo sa buhay-ekklesia. Ang nilalaman ng mga pandistritong pagpupulong ay mayaman sapagka’t nagpipira-piraso tayo ng tinapay para sa pag-aalaala sa Panginoon, at pinag-aaralan natin ang katotohanan. Hinahayaan ng kapwa pagsasalamuha at pagtatamasa ang bawa’t tao na magkaroon ng pagkakataong magpangsyon, na magsalita para sa Panginoon, at itayo ang iba. Kaya, dapat nating pangunahan ang mga baguhan na magsalita para sa Panginoon at isalita ang Panginoon sa mga pandistritong pagpupulong….” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, pp. 205-206, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Hinggil sa mga regular na lingguhang pagpupulong, maaari tayong gumawa ng mga sumusunod na pagsasaayos. Sa umaga ng Araw ng Panginoon magkakaroon tayo ng mga pandistritong pagpupulong kung saan magpipira-piraso tayo ng tinapay upang alalahanin ang Panginoon, pag-aralan ang katotohanan, at magsalamuha at magpatotoo.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, p. 208, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Sa mga pandistritong pagpupulong, mayroon muna silang hapag ng Panginoon, at pagkatapos nagpopropesiya sila sa loob ng animnapung minuto. Sa loob ng animnapung minuto dalawampung tao ang makapagsasalita na may pinakamahabang panahon na tatlong minuto kada tao. Mga ikatlong bahagi ng mga dumadalo ang nakapagpopropesiya sa mga pandistritong pagpupulong na walang anumang paunang pagsasaayos o programa.” (W. Lee, The Advance of the Lord’s Recovery Today, Chapter 7, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Minsan sa mga mas malalaking ekklesia, ang mga pagpupulong ng ekklesia ay ginaganap sa mga pandistritong grupo na may mga limampung banal nang sa gayon ay mayroong higit na pagkakataon para sa mga banal na makapagpangsyon. Ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon, ang pagpupulong ng pagpopropesiya, at pagpupulong ng panalangin ay minsang ginaganap sa mga distrito.” (W. Lee, Our Meetings, Chapter 1, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Sa nakalipas tayo ay natalukbungan kaya ang nakita lamang natin ay ang mga pagpupulong sa bahay-pulungan. Kapag dumami ang bilang ng mga tao, magtatatag tayo ng mga pandistritong pagpupulong upang maginhawa nating matanggap ang bawa’t isa. Mayroon lamang tayong ganitong pananaw na walang konsepto na mas mainam pa para sa mga banal na magpulong sa kanilang mga tahanan…Dahil sa pangangailangang ito, sa bawa’t pagpupulong ng hapag ng Panginoon, at maging bago o matapos ang pagpupulong ng panalangin, dapat tayong maghain ng isang maikling mensahe na puspos ng buhay at liwanag (na siyang ang katotohanan). Sasanhiin nito ang mga nasa pagpupulong na mapasakdal sa bawa’t paraan.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol 2., Chapter 5, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Hinikayat ni Kapatid Lee ang mga naglilingkod na kapatid na dalhin ang mga baguhan na kanilang pinapastol sa kanilang mga pantahanang pagpupulong upang dumalo sa mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa mga bahay-pulungan:

Kailangan nating dalhin ang isang tao sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, mainam kung sa bahay-pulungan sa unang Araw ng Panginoon kasunod ng kanyang bautismo. Kung sa katagalan ay hindi niya kayang madalas na magtungo sa bahay-pulungan, kung gayon dapat tayong humanap ng isang lugar para sa kanya upang magpira-piraso ng tinapay ayon sa kanyang pangangailangan.” (W. Lee, Vessels Useful to the Lord, Chapter 2, Section 6, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Karagdagan pa, dapat tayong magbigay ng pansin at mag-obserba upang makita kung dapat nating pagsamahin ang ilang magkakalapit na tahanan upang turuan sila kung paanong magkaroon ng maliit na panggrupong pagpupulong….Kung mayroon lamang silang isang pagpupulong sa simula, maaari natin silang tulungan na magdagdag pa ng isa. Gayunpaman, hindi muna tayo dapat magdagdag ng marami sa simula. Ang magpulong ng dalawang beses sa isang linggo ay sapat na, minsan sa Araw na Panginoon at isa pa sa loob ng sanlinggo. Ito ay nakasalalay sa kung paano natin ito gagawin. Hindi lamang iyon, kundi dapat din natin silang gabayan na magtayo ng isang ugnayan sa pagpupulong sa bahay-pulungan. Ayon sa kung saang distrito sila, dapat natin silang dalhin sa bahay-pulungan upang dumalo ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Ang lahat ng ito ay nakasalalay sa ating pagsisikap. Kung tayo ay magsisikap, tiyak na magkakaroon ng resulta.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol. 2 Chapter 3, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Kung mayroong sampu hanggang dalawampung banal sa isang pantahanang pagpupulong, maaari natin silang dalhin upang dumalo sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa bahay-pulungan sa umaga ng Araw ng Panginoon. Naniniwala akong ito ay magiging isang malaking panghihikayat sa kanila…. Hangga’t ang mga banal sa mga distrito ay nagsasalamuha at nananalangin ayon sa tunay na sitwasyon at pangangailangan, ang tatlumpu hanggang animnapung katao ay maaaring magtipon. Matapos ang tatlo hanggang apat na linggo maaari nating dalhin ang mga kapatid na ito sa bahay-pulungan upang dumalo sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Araw ng Panginoon.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol. 1, Chapter 13, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Noong Marso 26, 1989, nagbigay si Kapatid Lee ng isang mensahe sa Quezon City, Philippines hinggil sa pagdadala ng mga bagong naligtas na kapatid sa pandistritong pagpupulong sa araw ng Panginoon; hindi niya iniatas ang pagsasagawa ng “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon” sa Araw ng Panginoon para sa mga ekklesia sa Pilipinas o sa anumang ekklesia sa bagay na iyon:

“Ang pagpapahayag ng ebanghelyo, ang mga pantahanang pagpupulong, at ang mga panggrupong pagpupulong ay ginagawang lahat sa loob ng sanlinggo. Sa Araw ng Panginoon, dapat nating dalhin ang mga baguhan sa mga pandistritong pagpupulong. Ang isang ekklesia ay maaaring hati-hatiin tungo sa ilang distrito. Ang pinakamainam na bilang para sa pandistritong pagpupulong ay nasa limampu. Kapag nakapagtamo tayo ng ilang bagong kapatid sa pamamagitan ng ebanghelyo, dapat natin silang tustusan at pagtibayin sila sa mga pantahanang pagpupulong. Dapat din nating alagaan sila at pasakdalin sila sa mga panggrupong pagpupulong. Sa ganitong paraan, kapag dumalo sila sa mga pagpupulong ng ekklesia, ang bawa’t isa sa kanila ay makapagpopropesiya.” (W. Lee, The Riches and Fullness of Christ and the Advanced Recovery of the Lord Today, Chapter 7, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Sa pagsasagawa ng itinalagang-daan ng Diyos ng pagpupulong sa Araw ng Panginoon, iminungkahi ni Kapatid Lee na ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa mga distrito ay sundan ng kapwa paghahain ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpopropesiya:

“Sa ekklesia sa Taipei, tinatawag ng mga banal ang mga mas malaking pagpupulong ng ekklesia na mga ‘pandistritong pagpupulong.’ Ang mga banal ay nagpupulong ayon sa distrito kung saan sila nakatira. Upang maging maginhawa, karamihan sa mga pandistritong pagpupulong na ito ay nasa mga bahay-pulungan. Ang ilan sa mga distrito ay nagpupulong sa isang maliit na inupahang lugar. Ang mga banal ay mayroong mga pantahanang pagpupulong at mga panggrupong pagpupulong sa loob ng sanlinggo, nguni’t sa umaga ng Araw ng Panginoon, sila ay nagtitipon upang gumawa ng dalawang bagay: ang alalahanin ang Panginoon, ang magpulong ng hapag ng Panginoon, sa pinakamahaba ay isang oras at ang magkaroon ng pagpupulong ng pagpopropesiya. Pagkatapos ng hapag ng Panginoon, isa-isang nagpopropesiya ang mga banal. Silang lahat ay nagpapangsyon upang maghain ng Kristo sa isa’t isa at tinatanggap nila ang ministeryo ng bawa’t isa hinggil kay Kristo bilang kanilang panustos. Sa ganitong paraan, silang lahat ay natutustusan at naitatayo.” (W. Lee, The Present Advance of the Lord’s Recovery, Chapter 3, Section 4, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Sa mga pagpupulong na ito isinasagawa ng mga banal ang pagpopropesiya nang isa-isa. Nililimitahan nila ang panahon ng pagbabahagi ng bawa’t isa nang hindi lalabis sa tatlong minuto. Nalalaman nilang lahat ang ganitong prinsipyo ng tatlong minuto at sinusunod ito. Sa mga pandistritong pagpupulong, una nilang ginaganap ang hapag ng Panginoon, at pagkatapos sila ay nagpopropesiya ng halos animnapung minuto. Sa loob ng animnapung minuto dalawampung katao ang makapagsasalita nang may pinakamahabang panahon na tatlong minuto kada tao. Mga ikatlong bahagi ng mga dumadalo ang nakapagpopropesiya sa mga pandistritong pagpupulong na walang anumang paunang pagsasaayos o programa. Sila ay nagtitipon at sinusunod ang Espiritu upang magpropesiya.” (W. Lee, The Advance of the Lord’s Recovery Today, Chapter 7, Section 3) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Dahil sa pangangailangang ito, sa bawa’t pagpupulong ng hapag ng Panginoon, at maging bago o pagkatapos ng pagpupulong ng panalangin, dapat tayong maghain ng isang maikling mensahe na puspos ng buhay at liwanag (na siyang ang katotohanan). Sasanhiin nito ang mga nasa pagpupulong na mapasakdal sa bawa’t paraan.” (W. Lee, Bearing Remaining Fruit, Vol 2., Chapter 5, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Gayundin iminungkahi ni Kapatid Lee na ang buong ekklesia ay magtipon nang sama-sama nang madalas upang magpira-piraso ng tinapay nang sama-sama sa mga bahay-pulungan:

“Ang unang Araw ng Panginoon ng bawa’t buwan, ang lahat ng banal sa isang partikular na pulungan ay dapat na magtipon nang sama-sama para sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Para sa ibang mga Araw ng Panginoon maaari silang magpulong sa mga distrito. Ang gayunding prinsipyo ay magagamit sa mga pagpupulong ng panalangin.” (W. Lee, Crucial Words of Leading in the Lord’s Recovery. Book 1: The Vision and Definite Steps for the Practice of the New Way, Chapter 17, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang ating buhay-ekklesia ay ang pagkatok sa mga pintuan upang magpahayag ng ebanghelyo, ginagabayan ang mga tao upang mabaustismuhan, nagkakaroon ng mga pantahanang pagpupulong upang pakainin ang mga baguhan, at pasakdalin sila. Isang beses isang linggo nagpipira-piraso tayo ng tinapay nang sama-sama sa mga bahay-pulungan at kada tatlo o apat na linggo mayroon tayong malakihang pagpupulong ng ekklesia para sa paghahalo.” (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, p. 105, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang Mainam na Bilang ng mga Banal sa Pagpupulong ng Hapag ng Panginoon sa isang Distrito

Ayon kina kapatid Nee at Lee, ang mainam na bilang ng mga banal sa isang pandistritong pagpupulong sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa Araw ng Panginoon ay nasa limampu:

Ang isang pandistritong pagpupulong ay maaaring magkaroon ng limampu hanggang sandaang katao….Maaaring mayroong limampu sa isang distrito o sandaan sa isang distrito. Ang gayong mga pagpupulong ay napakakumbinyente dahil ang bilang ay maliit, at madaling alagaan at dalawin ang bawa’t isa. Nagbibigay ito ng higit pang pagkakataon sa bawa’t isa na magpangsyon sa mga pagpupulong.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leadings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 10, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Batay sa prinsipyong ito, sa palagay ko ay dapat matutuhan ng mga responsableng kapatid na lalake sa lahat ng lokalidad na gumawa ng mga pagsasaayos upang hatiin ang mga tao tungo sa mga distrito sa tuwing lumalaki ang bilang nila. Ang bilang ay maaaring limampu, sandaan, o mahigit nang kaunti sa sandaan. Anupaman dapat tayong magsimulang magkaroon ng mga pandistritong pagpupulong kapag ang mga yaong nagpupulong ay umabot na sa dalawang bilang na ito. Ang ganitong uri ng pagpupulong ang pinakakumbinyente dahil madaling alagaan ang mga banal at dalawin sila kapag ang bilang ay maliit. Mayroon ding higit na pagkakataon para sa mga banal na magpangsyon sa pagpupulong kapag ang bilang ay maliit. Ang mga bilang sa pagitan ng limampu at sandaan ay napakainam para sa pagpupulong. (W. Nee, Church Affairs, Chapter 7, Section 1, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Sa nakalipas nalaman na natin na upang maingatan ang mga naligtas, dapat natin silang dalhin sa mga maliit na grupo. Ngayon sa pagtahak sa bagong daan, matapos ang tatlong taong pag-aaral, tayo ay higit na naging malinaw sa puntong ito. Mula ngayon, ang ating pagsasagawa ay bubuuin ng mga pantahanang pagpupulong sa maliit na sukat, at ng mga pandistritong pagpupulong sa malakihang sukat….Para sa mga pandistritong pagpupulong, gayunpaman, napagpasyahan namin na ang pinagbabatayang bilang ay limampu. Kapag humigit ito sa walumpu, dapat itong hatiin sa dalawang distrito. Samantala, sa pagitan ng mga tahanan at distrito ay dapat na may mga grupo. Kung wala ang mga grupo, walang magiging anumang ugnayan, ni anumang paraan upang tulungan ang mga kapatid….Ayon sa ating karanasan, sa tatlong uri ng pagpupulong —ang mga pantahanang pagpupulong, mga panggrupong pagpupulong, at mga pandistritong pagpupulong — ang pinakamahirap isagawa ay ang panggrupong pagpupulong. Ang pandistritong pagpupulong sa pinakakaunti ay mayroong tatlumpu hanggang apatnapung katao; hindi gayong kahirap alagaan ito.” (W. Lee, Words of Training for the New Way, Vol. 2, Chapter 7, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang ekklesia sa Taipei ay naensayong tahakin ang daan ayon sa Biblia, ang itinalagang-daan ng Diyos. Mayroon silang halos limang libong banal na nagpupulong tuwing umaga ng Araw ng Panginoon. Natuklasan nila na kung ang lahat ng limang libo ay magtitipun-tipon sa isang malaking pulungan, kalaunan ang bilang ng mga dumadalo sa pagpupulong ay mababawasan. Kaya, hinati nila ang limang libo sa mahigit sandaa’t tatlumpung bahagi. Ang bawa’t bahagi ay mayroong mga apatnapu hanggang limampung banal. Tinatawag nila ang mga bahaging ito na mga ‘pandistritong pagpupulong.’” (W. Lee. The Advance of the Lord Recovery Today, Chapter 7, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Mula ngayon sa Taipei ang ating mga pagpupulong ay dapat na binubuo ng tatlong antas, ang pinakapangunahing antas ay ang pantahanang pagpupulong, ang nasa ibabaw na antas ay ang maliit na panggrupong pagpupulong, at ang antas sa pinakataas ay ang pandistritong pagpupulong. Ang yunit ng isang pantahanang pagpupulong ay dapat na isang sambahayan. Ang isang panggrupong pagpupulong ay dapat na may pito o walong katao hanggang sa marami nang kaunti sa sampu subali’t hindi na higit pa roon. Ang isang pandistritong pagpupulong ay dapat na may limampung katao sa prinsipyo, bagama’t ang isang pagpupulong na may apatnapung katao ay maaari na rin. Gayunpaman, kung ang isang pandistritong pagpupulong ay mayroong mga pitumpu hanggang walumpung katao, dapat itong hatiin tungo sa dalawang distritong pagpupulong. Sa ganitong paraan, ang ating pangsyon ay maihahayag, at kasabay nito ang ating pangangalaga at pagpapastol ay magiging higit na puspusan. Halimbawa, sa isang distrito na may limampung katao dapat magkaroon sa pinakakaunti ay sampu upang manguna, na mga responsable, at na nangangalaga sa iba.” (W. Lee, Being Up-to-Date for the Rebuilding of the Temple, Chapter 12, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Ang ating mga pagpupulong ay dapat na kinapapalooban ng mga pantahanang pagpupulong, mga maliit na panggrupong pagpupulong, at mga pandistritong pagpupulong….Higit pa rito, kailangan nating magsaayos, ayon sa aktuwal na situwasyon, kapaligiran at panahon, na magkarooon ng isang higit na mahalagang pagpupulong sa Araw ng Panginoon sa ating pandistritong pagpupulong. Dapat nating kunin ang limampung katao bilang ang pamantayang bilang ng tao para sa pagpupulong na ito. Kung mayroong napakaraming tao, kung gayon dapat tayong maghati sa dalawang distrito. Sa ganitong paraan ang bawa’t isa ay makapagpapangsyon, at gayundin, ang pangangalaga ay magiging mas puspusan.” (W. Lee, Being Up-to-date for the Rebuilding of the Temple, Chapter 12, Section 5, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang mga Matanda ang May Responsabilidad para sa mga Pagsasaayos ng Pagpupulong

Isang kalabisan din at di-wastong ginamit ng kapatid na babae ang mga salita ni Kapatid Lee na walang matanda (elders) sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, ginagamit ito sa maling paraan upang ipahiwatig na walang pangangasiwa ng mga matanda sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Kapansin-pansin, ang mismong halaw na tinukoy ng kapatid na babae mula kay kapatid Lee upang itaguyod ang kanyang mga pahayag na nagsasabing ang mga matanda ay hindi kinakailangang maupo sa unahan ay nagpapakita, higit pa sa anumang bagay, na ang pagsasaayos ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon na tinutukoy ni Kapatid Lee doon ay walang isang “bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon” kundi ang mas malaki pang uri, sapagka’t mayroong hanay ng mga dumalo. Habang ang lahat ay mga kapatid na lalake lamang sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay pagdating sa pagpapangsyon gaya ng pagpili ng mga himno, pag-awit, pagpupuri, at pamamahagi ng tinapay at saro, itinuro rin kapwa nina kapatid Nee at Lee na ang mga matanda – ang mga pastol at mga tagapagmasid ng ekklesia – ang nagpapasya ng takdang oras ng mga pagpupulong ng ekklesia at iba pang administratibong bagay kaugnay sa mga pagpupulong, na mangyari pa ay ipinapaloob ang mga pagsasaayos para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay:

Ang mga responsableng kapatid na lalake ay dapat na gumawa ng mga pagsasaayos sa mga distrito para tutukan ang lahat ng ating tinanggap sa ating pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Hindi ninyo maaaring hayaang makaligtaan ni isang pangalan. Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay naitalaga sa inyong distrito, dapat ninyong isagawa ang pangangalaga sa kanila sa isang wastong paraan.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 62: Matured Leedings in the Lord’s Recovery (2), Chapter 4, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Kahit na ang isang ekklesia lokal ay gumagamit ng isang malaking kopa (cup), subali’t nais gumamit ng isang distrito ng maliliit na kopita (cup), ang pagpapasya ay nakasalalay pa rin sa mga matanda. Ito ay isang administratibong bagay. Hindi kailangan pa ng talakayan kaugnay sa sukat ng kopa (cup) para sa pagpupulong ng hapag at kung ano ang gagamitin para sa pagbabautismo na hiwalay sa mga matanda; ang gayong pagtatalakayan ay magsasanhi lamang ng kaguluhan at katiwalian. Nagpapahiwatig ito ng kakulangan sa pagkilala sa awtoridad. Sa ibang salita, walang pagtatayo sa bagay ng awtoridad.” (W. Lee, The Administration of the Church and the Ministry of the Word, Chapter 9, Section 5, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Dapat pamahalaan ng mga matanda ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa mga pagpupulong ng ekklesia at pag-eebanghelyo….Dapat tayong maghintay hanggang sa ang mga responsableng kapatid na lalake ay mag-anunsyo sa pagpupulong na ang ilang tiyak na tao ay magkakaroon ng mga pagpupulong sa kanilang mga tahanan bago tayo humayong lahat. Kung hindi, ang mga ganitong uri ng pagpupulong sa mga tahanan ay hindi dapat na isagawa. Hindi ito nangangahulugang mawawalan tayo ng personal na kalayaan. Nguni’t dapat tayong magpasakop sa awtoridad at kontrol ng Diyos at tamasahin ang kalayaan ng mga limitasyon ng mga pagpupulong. Ang ating pagiging pamilyar sa ilang tiyak na tao ay madalas nagdadala ng lebadura sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila, at isang sekta ang nabubuo na mapanganib sa buong masa. Samakatuwid, ang mga kapatid na lalake ay dapat na magbigay ng pansin sa bagay na ito, matutong magpasakop sa awtoridad, at huwag gumawa ng mga bagay na hindi inirerekomenda ng mga matanda.” (W. Nee, The Assembly Life, Chapter 1, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Ang mga matanda ang gumagawa ng mga desisyon hinggil sa pagpupulong sa Araw ng Panginoon at sumusulat ng mga liham ng rekomendasyon. Kung ang pagpupulong sa Araw ng Panginoon ay dapat ganapin sa umaga o sa hapon ay isang bagay na dapat pagpasyahan ng mga matanda….Minsan, maaaring sumulat ka ng liham na nagrerekomenda sa isang tao sa mga kapatid na lalake sa iba pang lokalidad. Gayunpaman, tangi lamang ang mga liham na isinulat ng mga matanda ang maaaring kumatawan sa ekklesia. Muli nitong ipinakikita na ang mga matanda ang kumakatawan sa buong ekklesia. Sila ay responsable sa pagmamasid ng ekklesia at paglalayo sa ekklesia sa kaguluhan. Samakatuwid, kailangang matuto ang mga matanda na maglingkod nang wasto at ensayuhin ang kanilang awtoridad nang wasto, samantalang ang mga kapatid ay kailangang matutong magpasakop.” (W. Nee, The Assembly Life, Chapter 1, Section 3, LSM) [Mag Karagdagang Pagdidiin]

“Kailangan ng ekklesia ang mga matanda, hindi upang kontrolin ang mga banal ni upang gawin ang lahat ng bagay para sa kanila, kundi upang tuparin ang kanilang sariling tungkulin. Ang mga matanda ang dapat magpasya ng oras ng mga pagpupulong, at dapat nilang katawanin ang ekklesia sa ilang tiyak na bagay.” (W. Lee, All Ages for the Lord’s Testimony, Chapter 2, LSM) [May Karagadagang Pagdidiin]

“Ayon sa salitang ito [Gawa 20:7; 1 Cor. 11:20], nagtipun-tipon din ang mga sinaunang mananampalataya sa isang lugar upang kainin ang hapunan ng Panginoon. Ito ay maaaring nangyari sa isang mas malaking lugar….Maaaring magpira-piraso ng tinapay ang mga mananampalataya sa hiwa-hiwalay na mga tahanan o sa isang lugar, at ito ay dapat na pagpasyahan ng ekklesia ayon sa pangangailangan at situwasyon.” (W. Lee, Life Lessons, Vol. 2, Chapter 17, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Kailangan din natin ng ilang pamumuno sa pagpapasya ng mga oras ng mga pagpupulong….Kaya, kailangang dumulog ng mga matanda sa Panginoon sa panalangin, magsalamuha sa mga banal, at gamitin ang kanilang espirituwal na ilong upang kilatisin ang damdamin ng mga banal nang sa gayon ay kanilang mapagpasyahan kung anong oras ang pinakamainam para sa mga pagpupulong. Pagkatapos dapat gumawa ng isang desisyon ang mga matanda. Ito ay hindi kontrol; ito ay pamumuno….Ang mga desisyong gaya nito ay ginagawa ng mga matanda dahil ang pamahalaan (government) ay nasa kanilang mga kamay.” (W. Lee, Lif-study of Matthew, Message 55, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Maaaring isipin ninyong napakadaling maging isang matanda (elder); inaakala ninyong kailangan ninyo lamang ng aking pahintulot upang maging isang matanda, na hindi nagdadala ng anumang responsabilidad. Ang maging isang matanda ay hindi lamang ang gumawa ng takdang oras ng pagpupulong at magbigay ng ilang anunsyo pagkatapos ng pagpupulong.” (W. Lee, Elders’ Training, Book 08: The Life-Pulse of the Lord’s Present Move, Chapter 4, Section 3, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Hindi sapat para sa mga matanda na magpasya lamang ng takdang oras ng pagpupulong ng ekklesia at dumating sa mga pagpupulong sa isang nakasanayang pamamaraan nang walang anumang pagpapagal.” (W. Lee, The Way To Practice the Lord’s Present Recovery, Chapter 2, Section 4, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Kailangan nating magsalamuha hinggil sa ilang praktikal na bagay. Ang mga responsableng kapatid na lalake mula sa bawa’t bahay-pulungan ay dapat na magtipon upang magsalamuha hinggil sa kung paanong isagawa ang mga puntong ito [hinggil sa iba’t ibang pagpupulong]. Pagkatapos maaaring isalamuha ng mga matanda sa mga banal sa bawa’t bahay-pulungan ang hinggil sa kung paanong pumasok sa kabigatang ito….Kailangan nating magkoordina nang sama-sama at gumawa nang sama-sama sa loob ng isang puso’t kaisipan….Ang mga bagay na ito ay humihiling na ang mga kapatid na lalake at babae sa bawa’t bahay-pulungan ay magkoordina at gumawang sama-sama. Dapat tayong sumunod sa pangunguna at pagsasaayos ng mga matanda at mga responsableng kapatid na lalake. (W. Lee, Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church: Begetting, Nourishing, and Teaching, p. 136, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Maaaring ang mga matanda ay tuwang-tuwa (excited) hinggil sa salamuha sa aklat na ito at maaaring gustung-gustong isagawa ito, subali’t hindi natin ito dapat isagawa nang mabilisan. Dapat nating gawin ang lahat ng bagay nang unti-unti. Dapat pa rin nating ipagpatuloy ang malakihang pagpupulong sa Araw ng Panginoon upang magkaroon ng hapag ng Panginoon at upang magkaroon ng panahon upang isagawa ang pagsasalita nang may pagtutugunan. Sa paunang yugto maaaring ang pagpupulong na ito ay hindi gaanong mayaman.” (W. Lee, The Present Advance of the Lord’s Recovery, Chapter 4, Section 5, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

“Sa Taipei sa kasalukuyan ay mayroong maraming distrito sa bawa’t pulungan; kaya, masasabi natin na ang mga pulungan ay bumubuo ng isang uri ng hanggahan. Sa isang panig, ang mga kamanggagawa ay hindi dapat manghimasok sa administrasyon ng mga pulungan, gayunpaman dahil sa pagpapalaganap ng mga distrito, ang mga matanda at mga kamanggagawa ay dapat matutong magkoordina. Maaaring magsimula ang isang pulungan ng isang bagong distrito, na humihiling na bumili o umupa ng isang mapagpupulungan; ang bagay na ito ay responsabilidad ng mga matanda. Bagama’t ang bagay na ito ay nangyayari sa mga distrito, ito ay may kinalaman sa mga gawain ng ekklesia, samakatuwid, ito ay nasa ilalim ng administrasyon ng mga matanda. Gayunpaman, kung mayroong isang kamanggagawa na may kabigatang maghain ng isang mensahe sa mga banal sa loob ng walo hanggang sampung minuto, hindi na niya kailangan ang pahintulot ng mga matanda, sapagka’t ito ay isang bagay na espirituwal.” (W. Lee, Crucial Words of Leading in the Lord’s Recovery, Book 2: Leading the Saints to the Practice of the New Way Ordained by the Lord, Chapter 16, Section 2, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Pinangangasiwaan ng mga matanda ang mga bagay-bagay at mga pagpupulong na may kaugnayan sa mga kapatid na babae. Sa Biblia, makikita lamang natin ang mga kapatid na lalake bilang mga matanda; hindi natin makikita ang mga kapatid na babae bilang mga matanda. Ang kinalalagyang itinalaga ng Diyos para sa mga kapatid na babae ay ang mapasailalim ng pamumuno ng isa; wala silang katayuang pamunuan ang iba. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga babae na mangasiwa sa ekklesia. Sa Biblia, mayroong mga diyakono at diyakonesa, nguni’t walang mga babaeng matanda (elders). Ito ay nagpapakita na sa pamamahala sa mga gawain ng ekklesia, nais ng Diyos ang lalake na maging ulo ng babae. Samakatuwid, dapat matutuhan ng mga kapatid na babae na magpasakop sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Kung mayroong ilan sa mga kapatid na babae na makapaglilingkod sa iba, maaari nilang gawin ang gawaing ito ng paglilingkod. Nguni’t kung may ilang bagay na kailangang pagpasyahan, ang mga desisyon ay dapat gawin ng mga yaong responsable bilang mga matanda.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, vol. 22, pp. 26-27, LSM) [May Karagdagang Pagdidiin]

Mula sa lahat ng mga nabanggit na mga pagtuturo nina kapatid Watchman Nee at Witness Lee batay sa Salita, malinaw na ang Diyos sa Kanyang karunungan at dibinong kataas-taasang pagsasaayos ay nagtalaga para sa mga matanda at responsableng kapatid na lalake na maging responsable para sa pagsasaayos at pagpapasya hinggil sa mga espirituwal at iba pang bagay gaya ng mga detalye patungkol sa mga pagpupulong ng ekklesia. Isang pinagpalang bahagi para sa mga banal na sumunod sa kanilang pangunguna at pagsasaayos upang maingatan ang kaisahan at isang puso’t kaisipan sa Katawan. Ang pintasan ang mga matanda at siraang-puri sa kanilang pangunguna, partikular sa bagay ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon, gaya ng ginagawa ng kapatid na babae at kasabay nito ang panunulsol sa iba na gawin ang gayon ding bagay, ay kapwa di-wasto at di-ayon sa kasulatan. Malinaw na itinuro ni Apostol Pablo na dapat tayong tumalima sa mga nangunguna sa atin (Heb. 13:17). Nawa tayo ay maging mga yaong kumikilala sa awtoridad ng Diyos at nagpapasailalim ng ating mga sarili sa itinalagang awtoridad ng Diyos sa ekklesia. Sa ganitong paraan, tayo ay mapagpapala, at ang ekklesia ay pagpapalain.

Konklusyon

Ang ating buhay-Kristiyano ay isang buhay ng pagpupulong. Ang pagpupulong ay isang katangian ng ekklesia. Karamihan sa biyayang natatanggap ng isang Kristiyano ay nasa mga pagpupulong, at karamihan sa gawain na ginagawa ng Panginoon ay nasa mga pagpupulong din. Sa lahat ng mga pang-Kristiyanong pagpupulong, ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ang pinakamatamis at ang pinakamahalaga. Ito ay makahulugan sa maraming panig, gaya nang tinukoy ni Kapatid Lee:

“Ang ekklesia, bilang haligi at saligan ng katotohanan (1 Tim. 3:15), ay nagtitipon upang ihayag ang Panginoon nang sama-sama sa lokalidad nito. Ang mga pagpupulong ng ekklesia ay nagsasagawa ng isang natatanging pangsyon na hindi magagawa ng iba pang pagtitipon ng mga mananampalataya. Ang pinakamahalagang pagpupulong ng ekklesia ay ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon, o ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay (1 Cor. 10:14-22; 11:17-34). Sa pagpupulong na ito tayong mga mananampalataya ay nagtitipon upang makibahagi sa pagsasalamuha ng dugo at katawan ng ating Panginoon para sa ating katamasahan (1 Cor. 10:16-17) at upang alalahanin ang Panginoon para sa Kanyang katamasahan (1 Cor. 11:24-25). Ang tinapay na ating kinakain ay sumasagisag hindi lamang sa pisikal na katawan ng ating Panginoon, na minsang nabasag para sa atin sa krus, bagkus sa Kanyang mistikong Katawan din, na kung saan tayo ay ang maraming sangkap. Sa pakikibahagi sa hapag ng Panginoon, ating ‘kinikilala ang katawan’, gaya ng panghihikayat ni apostol Pablo na ating gawin (1 Cor. 11:29); yaon ay, sinusuri natin ang ating mga sarili hinggil sa Katawan ng Panginoon, tinatanong kung tayo ba ay mapagbaha-bahagi sa pang-indibiduwal o kung ang ating pagpupulong ba ay isang pagpupulong sa loob ng pagkakabaha-bahagi. Dito ang ating katayuan bilang ang ekklesia, na inihahayag ang kaisahan ng Katawan ni Kristo, ay naipapakita. Tayo ay nakikibahagi sa, kinakain ang, at hayagang itinatanghal ang kaisahan sa pamamagitan ng ating pagtitipon sa hapag ng Panginoon.” (W. Lee, Our Meetings, Chapter 1, Section 1, LSM)

Sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, hindi lamang tayo nagtitipun-tipon upang alalahanin ang Panginoon at upang itanghal ang Kanyang kamatayan, ang ating kapwa pagpipira-piraso ng tinapay ay naghahayag sa kaisahang isinasagisag ng Kanyang Katawan. Samakatuwid, ipinahihiwatig nito sa atin na bumahagi sa tinapay at sa saro sa isang wastong paraan, na may isang wastong espiritu at isang tamang saloobin.

Hinggil sa wastong paraan ng pagpipira-piraso ng tinapay, una, tinawag ng Panginoon Mismo ang Kanyang mga disipulo na magtipun-tipon upang itatag ang unang pagpupulong ng hapag ng Panginoon upang sama-samang bumahagi sa tinapay at sa saro. Naglalatag ito ng isang solidong prinsipyo para sa hapag ng Panginoon bilang isa na nagtatanghal ng kaisahan at pagsasalamuha ng Katawan. Anumang iba pang hapag na nasa labas ng pagsasalamuha ng Katawan ay isang hapag ng pagkakabaha-bahagi na tayo ay hindi dapat bumahagi. Ang Kanyang binibigyang-diin ay para sa mga disipulo na magtipun-tipon at sama-samang bumahagi sa tinapay at sa saro upang alalahanin Siya at itanghal ang kaisahan ng Kanyang Katawan, at hindi ang lugar para sa isang gayong pag-aalaala o pagtatanghal. Wala nang pangangailangang patunayan pa, na ang mga apostol kalaunan ay nagpira-piraso ng tinapay kasama ng mga sinaunang mananampalataya sa bahay-bahay at sa iba pang lugar sa halip na gawing isang legal na utos ang inilarawang tularan ng Panginoon para sa hapag ng Panginoon na isinagawa lamang sa isang hiniram na inihandang silid sa itaas ay sapat na katibayan nito.

Ikalawa, inihahayag ng Biblia na mayroong pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa isang maliit na sukat sa tahanan at mayroon ding pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ng buong ekklesia na nagkatipun-tipon sa isang mas malaking grupo. Sa aklat ng Gawa, ang mga pinakaunang mananamplataya sa Herusalem ay nagpira-piraso ng tinapay araw-araw kasabay ng kanilang pagkain (meals) sa bahay-bahay (2:46). Gayunpaman, iyon ang pagsasagawa ng mga banal sa Herusalem nang partikular at lalo na sa panahon ng sinaunang buhay-ekklesia matapos na ang tatlong libo at limang libong bagong mananampalataya ay mabautismuhan sa loob ng ilang araw. Na ang mga kaalinsabay na detalye para sa pagsasagawang ito ay kapuna-punang hindi makita ay nagsasaad na ito ay hindi nilayong maging isang kopya (blueprint) para sa ibang ekklesia sa ibang panahon na sundan nang lubusan. Hindi natin makikita ang gayunding salaysay ng isang kaparehong buhay-ekklesia at mga pagsasagawa ng pagpupulong pagkatapos ng talang ito sa Gawa 2:46.

Ikatlo, sa labinlimang pagsasagawa na naranasan ng mga sinaunang mananampalataya sa Herusalem sa Gawa 2:42-47, kung itinuring ng mga apostol ang “bahay-bahay” na aspekto ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon bilang isang mahalagang pagsasagawa para sa mga ekklesia na sundan sa pansansinukob, dapat sana ay binanggit nila ito sa kanilang mga sulatin. Sa halip, nagbigay-diin si Lucas sa panalangin at ministeryo ng Salita (Gawa 6:4) at ang isang puso’t kaisipan na paulit-ulit na binanggit sa Gawa, habang ang ibang apostol, lalo na si Pablo, ay muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatiling matibay sa pagtuturo at pagsasalamuha ng mga apostol sa linya ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos, at na huwag magturo nang naiiba.

Ikaapat, kinilala kapwa nina kapatid Nee at Lee na sa Biblia, mayroong pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay at gayundin na ang buong ekklesia ay nagkatipong sama-sama sa isang mas malaking pagpupulong. Si Kapatid Nee ay nagkaroon ng personal na karanasan ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon na tatlong katao sa tahanan sa panahon ng kanyang pinakaunang buhay-Kristiyano nguni’t hindi ito itinaguyod sa kanyang buong ministeryo. Sa halip, sa partikular lalo na sa kanyang malagong pangunguna sa pagbabawi ng Panginoon, paulit-ulit niyang binanggit ang mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay na isinagawa sa mga distrito; ito ang malinaw na pagsasagawa ng mga ekklesia noong kapanahunan niya. Gayundin si Kapatid Lee ay nagkaroon ng isang maiksing eksperimento na kinapalooban ng pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa tahanan ng mga bagong mananampalataya sa panahon ng paunang yugto ng pagsasagawa ng bagong daan sa Taipei, subali’t sa kalaunan pinagbabatayan at tiyakang itinuro na ang pinakamainam na lugar para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay sa mga distrito, na ang ilan sa mga ito ay ginaganap sa mga pulungan samantalang ang iba naman ay sa mga tahanan.

Ngayon, itinaas ng isang kapatid na babae ang inoobserbahang pagsasagawa ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon na panandaliang nakita sa Gawa 2:46 tungo sa isang ganap na pagtuturo at kakatwang pagsasagawa, itinataguyod ito bilang isang pangunahing bahagi ng itinalagang-daan ng Diyos. Gayunpaman, makikita nating ito ay naiiba mula sa kung ano ang ating natanggap at natutuhan mula kina kapatid Nee at Lee. Ang kopya (blueprint) ng itinalagang daan ng Diyos na kanilang ipinakita sa atin ay nasa apat na hakbangin ng ebanghelyo (para sa panganganak), sa mga tahanan (para sa pagpapakain), sa mga grupo (para sa pagtuturo), at sa mga distrito (para sa pagtatayo).

Samantalang nakikita natin ang mga pangyayari sa pagbibilang sa mga bagong mananampalataya sa Gawa, hindi natin nakikita ang pagbibilang ng mga tahanang binuksan para sa mga pagpupulong ng hapag ng Panginoon gaya nang binibigyang-diin ng kapatid na babae ngayon. Higit na mahalaga, kung ang pangunahing motibo sa pagbubukas ng maraming tahanan para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay upang mapagbigyan ang mga mananampalatayang hindi laang magbayad ng halaga sa paglabas upang dumalo sa pagpupulong, makipagpira-piraso ng tinapay at maihalo sa ibang mga mananampalataya, kundi sa halip ay pinipili ang kaluwagan at kaginhawahan ng pagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang sariling tahanan upang sila ay magkaroon ng higit na panahon upang makapagpahinga o makatuon sa kanilang mga personal na gawain sa Araw ng Panginoon, pasisinungalingan nito ang mismong espiritu ng mga sinaunang mananampalataya na nagsagawa ng araw-araw na pagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay mula sa kanilang kasigasigan at maalab na pag-ibig para sa Panginoon at para sa Kanyang ekklesia. Kung uulitin natin ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa Gawa 2:46, dapat nating pangunahing tularan ang kanilang panloob na espiritu sa pagsasagawa nito sa halip na gayahin ang panlabas na mga salik ng pagsasagawa nito, sapagka’t, kung gayon, ano pa ang silbi ng isa pang bilang ng tao o bahay kung ang puso naman, na pinakamahalaga sa lahat, ay walang kapanagutan?

Ang kakatwang pagsasagawa ng kapatid na babae ay nagiging isang naiibang pagtuturo na ngayon na nagbabanta sa mga nagtitiwalang banal at mga ekklesia. Ang kanyang paggigiit sa pagtataguyod nang walang limitasyon ang nagdala ng paghihimagsik sa awtoridad ng Diyos sa ekklesia sa pagtatatag ng isang hiwalay na administrasyon sa loob ng ekklesia. Ito ay lumaki na tungo sa isang mapanganib na sistema ng kamalian na ilalahad namin sa susunod na bahagi ng seryeng ito.

(Marso 28, 2010)



 


Mga Kategorya ng Lathalain