Ipinaliliwanag nang Matuwid ang Salita ng Katotohanan hinggil sa
Apocalipsis 2:12-17
Ano Ba Talaga Ang Pagpapala
at Gantimpala ng Panginoon kay Antipas?
Kamakailan lamang, isang lathalain sa internet na pinamagatang “Rebels Versus Antipas” ang nagsasabi na si Antipas ay ang “ang tagatanggap ng pagpapala ng Panginoon sa paraan ng maraming espirituwal na bunga para sa pagpaparami ni Kristo at kaluwalhatian ng Diyos.” Ipinakikita ba talaga ng Biblia sa atin na si Antipas ay nagdala ng maraming espirituwal na bunga para sa pagpaparami ni Kristo at kaluwalhatian ng Diyos?
Itinuro sa atin ni Kapatid Nee na may dalawang panig ng katotohanan: ang obhektibo at ang subhektibo. Bago natin maranasan at magamit ang katotohanan, dapat muna nating maituwid ang mga obhektibong katotohanan. Itinuro rin sa atin ni Kapatid Lee na upang maipaliwanag ang Salita ng Diyos, kailangan muna nating gawin nang literal, pagkatapos ay espirituwal. Kapaki-pakinabang para sa atin na maging mapagmasid sa mga detalye sa Salita, sapagka’t wala ni isang tuldik ng Salita ang lilipas (Mat. 5:18). Ang Salita ng Diyos ay hindi bumabalik sa Kanya na walang bunga (Isaias 55:11).
Sa pagpasok tungo sa Salita, ating natagpuan na ang pangalang Antipas ay lumabas nang minsan lamang sa Biblia, sa Apocalipsis 2:12-17, “At sa sugo ng ekklesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim: Nalalaman Ko kung saan ka tumatahan, samakatuwid ay, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang Aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya, maging sa mga araw man ni Antipas na Aking saksi, na Aking tapat na isa na pinatay sa gitna ninyo na tinatahanan ni Satanas. Datapuwa’t mayroon Akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka’t mayroon ka riyang ilang humahawak sa pagtuturo ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diyus-diyusan, at makiapid. Kaya, gayundin naman na mayroon kang ilan na humahawak sa pagtuturo ng mga Nikolaita. Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan Ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng Aking bibig. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga ekklesia. Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna, at siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakaaalam kundi yaong tumatanggap.”
Mula sa talatang ito maliwanag na walang tala sa Biblia kung sino si Antipas, at kung ano ang nagawa niya para sa Panginoon, maliban sa kanyang pagiging isang martir at ang kanyang pag-iingat sa pangalan ng Panginoon at hindi pagkakaila sa Kanyang pananampalataya. Tiyak na walang tala sa Kasulatan tungkol sa kanya na nakapagdala ng maraming espirituwal na bunga. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi siya nagdala ng maraming espirituwal na bunga, sapagka’t ang Kasulatan ay hindi nakapagsabi tungkol dito, subali’t para sa atin na ipaggitgitang ituro na kanyang tiyak na ginawa ang yaon ay ang magdagdag ng isang bagay na walang kaugnayan sa Salita ng Diyos. Higit pa rito, ang bahagi ng Salitang ito ay malinaw na nagpapakita sa atin na ang gantimpala kay Antipas ay hindi “maraming espirituwal na bunga” kundi ang “natatagong manna” at isang “puting bato”.
Habang tayo ay nagsasaliksik nang mabuti paloob sa subhektibong katotohanan sa likod ni Antipas at sa situwasyon ng ekklesia sa Pergamo, ating makikita ang maraming aral na maaari nating matutuhan mula sa pagpapaliwanag nina Kapatid Nee at Lee.
Ang talatang ito ay natatanging may kaugnayan sa mga sirkumstansya ng mga ekklesia. Ayon sa kasaysayan ng ekklesia, ang ekklesia sa Pergamo ay kumakatawan sa pang-estadong ekklesia simula sa ikaapat na siglo. Sa simula ng ikaapat na siglo, A.D. 313, si Constantino, ang emperador ng Emperyo Romano, ay yumakap sa Kristiyanismo bilang kanyang relihiyon, na nagsanhi sa ekklesia na lubhang lumaki. Sa pamamagitan ng pagpapakasal ng Emperyo Romano sa ekklesia, ang ekklesia ay lubhang nadagdagan kapwa sa bilang at katanyagan. Bago ang panahong yaon, inusig ni Satanas ang ekklesia, subali’t wala siyang anumang naisakatuparan. Sa halip, ang pag-uusig ay nagdala ng kamangha-manghang paglago! Sa kalaunan, natanto ni Satanas na ang kanyang taktika ay hindi mabisa. Kaya tuso niyang binago ang kanyang taktika mula sa pag-uusig tungo sa pagyakap. Niyakap ni Constantino ang Kristiyanismo paloob sa Emperyo Romano. Ang resulta ay yaong maraming di-mananampalataya ang nabautismuhan tungo sa Kristiyanismo, na nagsanhi sa Kristiyanismo na maging isang napakalaking punong-kahoy na punô ng mga huwad (Mat. 13:31-32). Dati-rati, ito ay isang gulay ng mustasa, maliit at mainam para kainin. Subali’t mula noong ikatlong siglo ito ay naging isang napakalaking punong-kahoy na naglalaman ng maraming masasamang bagay, masasamang tao, at maging masasamang espiritu. Maraming masasamang bagay ang dumating upang tumira sa mga sanga ng malaking punong-kahoy. Ang Pergamo ay tumutukoy sa paglago ng napakalaking punong-kahoy, sapagka’t ang Pergamo ay nangangahulugang “mataas na tore” at “pagpapakasal”. Sa literal ito ay nangangahulugang pagpapakasal, at sa pansimbolo ito ay nangangahulugang mataas na tore. Sa ekklesia sa Pergamo ating makikita ang ekklesia na nakipag-isang-dibdib sa sanlibutan.
Ang sanlibutan ay isang lugar kung saan si Satanas ay naghahari (1 Juan 5:19; Juan 14:30). Ang Panginoon ay nagsasabi na ang Pergamo ay nananahan kung saan naroroon ang trono ni Satanas. Ito ay nagpapakita na ang ekklesia sa Pergamo ay nasa sanlibutan. Sa ilalim ng mga ganitong sirkumstansya ang Panginoon ay nagmamapuri sa Kanyang mga martir. Ang pangalang Antipas ay nangangahulugang “laban sa lahat”. Siya ang nangunang makipaglaban sa makasanlibutang ekklesia, at ibinayad ang kanyang buhay para rito. Inaasahan ng Panginoon ang Kanyang mga anak na maging tulad ni Antipas, tapat hanggang sa kamatayan. Nais Niyang ingatan nilang matibay ang salita ng Panginoon at hindi ikaila ang Kanyang pananampalataya kahit na sa punto ng kamatayan. Nais Niya silang maging mga saksi sa Kanyang buhay.
Nawa tayo ay maging ang mga mandaraig sa mga ekklesia upang daigin ang pagkamakasanlibutan. Si Antipas ay isang gayong tapat na saksi sa gitna ng mga nasa Pergamo. Siya ay tumayong laban sa lahat ng pagkamakasanlibutan at namatay bilang isang patotoo sa Panginoon. Sa Kanya at sa iba pang tapat na mga saksing gaya niya ang Panginoon ay nangangako ng isang gantimpala: ang natatagong manna, na sumasagisag sa natatagong bahagi ni Kristo, at ang puting bato, na sumasagisag sa malihim na pangalan na tanging yaong mga tumatanggap nito mula sa Panginoon ang makaaalam. Ang pangakong ito ay nahahati sa dalawang bahagi: una ay ang natatagong manna, na sumasagisag kay Kristo, at ikalawa ay ang puting bato, na sumasagisag sa Kristiyano, sa isang lubos na nakaaantig na pagpapalitan ng pag-ibig.
Konklusyon
Ang kwento ni Antipas gaya nang nakatala sa Apocalipsis 2 ay nagpapakita sa atin ng isang tao na hindi nakasentro sa gawain, kundi nakasentro sa patotoo. Sa katunayan, walang tala tungkol sa kanya na gumagawa ng anumang gawain ng pagpapalaganap o pagpapastol. Samantalang ang Biblia ay hindi nagtala ng maraming detalye tungkol sa kanya, ito ay nagtala ng isang napakahalaga at makabuluhang katangian ni Antipas: ang pagiging salungat sa anumang bagay na laban sa patotoo ni Hesus. Gaya niya, ngayon, tayo ay dapat maging ang “saksing-laban” at “patotoong-laban” sa anumang bagay na lumihis mula sa patotoo ni Hesus.
Ipinakita sa atin ng dalawa nating kapatid na lalake ang kahalagahan ng Apocalipsis 2:12-17, subali’t parehong hindi iniugnay si Antipas sa “maraming espirituwal na bunga” gaya nang ginawa ng sumulat ng may pamagat na lathalain sa internet. Sa katunayan, ang laging binabanggit ng mga iskolar ng Biblia ay yaong samantalang siya ay misteryosong di-kilala, gayunpaman siya ay isang martir na kilala ng Diyos at ng Diyos lamang.
Sa paggamit ng pagsusulit na Berean, aming natanto na ang lathalain at ang sumulat ay hindi tumatangan sa Salita ng Diyos nang maingat at matapat. Hindi natin dapat baguhin ang mga katotohanan sa Biblia upang umakma sa ating sariling layunin. Ang gawin yaon ay ang pagbago sa Salita ng Diyos. Hinggil sa mga yaong sinusundan natin, si Kapatid Witness Lee ay nagbabala sa atin ng mga salitang ito:
“Ang baguhin ang katotohanan ay simpleng ang pagbago nito nang kaunti o magdagdag ng ilang bagay….Huwag magtanggal ng anuman mula sa katotohanan, at huwag magdagdag ng anuman dito. Kunin ang katotohanan nang kung ano ito. Kung hindi mo kinukuha ang katotohanan nang kung ano ito, maaari mong sabihin na hindi mo binabaluktot ang mga Kasulatan. Oo, maaaring hindi mo binabaluktot ang mga ito, subali’t iyong binabago ito. Hinggil sa iyong sinusundan, kailangan mong suriin kung paano niya tinatanganan ang katotohanan.” (W. Lee, A Word of Love to the Co-workers, Elders, Lovers, and Seekers of the Lord, p. 60, LSM)
Halaw mula sa Ministeryo
Ang maraming aral na maaari nating matutuhan mula sa Apocalipsis 2:12-17 hinggil kay Antipas ay malinaw na ipinakita sa atin sa ministeryo nina kapatid Nee at Lee:
Ang Kanyang Persona
Siya ay isang Martir
“Ang patotoong ito ay kay Antipas. Sa bersikulo 13 ang Panginoon ay nagsasabi, ‘Iniingatan mong matibay ang Aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya, maging sa mga araw man ni Antipas na Aking saksi, na Aking tapat na isa na pinatay sa gitna ninyo na tinatahanan ni Satanas.’ Sa Griyego, ang pangalang Antipas ay nangangahulugang ‘laban sa lahat.’ Ang tapat na saksing ito ng Panginoon ay tumayo laban sa lahat ng dinala papasok at isinagawa ng makasanlibutang ekklesia. Kaya, siya ay naging isang martir ng Panginoon. Sa Griyego ang salitang martir ay parehong salita ng saksi. Bilang isang saksing laban sa lahat, si Antipas ay nagtaglay ng isang patotoong laban sa lahat, isang patotoong laban sa anumang bagay na lumihis mula sa patotoo ni Hesus. Maaaring sa pamamagitan ng patotoong laban sa lahat na ito na sa kanyang panahon ang ekklesia sa Pergamo ay tumangan pa rin nang matibay sa pangalan ng Panginoon at hindi ikinaila ang wastong Kristiyanong pananampalataya. Si Antipas ay nanguna upang labanan ang makasanlibutang ekklesia, binubuksan ang daan para sa atin upang labanan ang makasanlibutang ekklesia ngayon. Naging anuman ang makasanlibutang ekklesia, anuman ang tinaglay nito, at ginawa nito, nilabanan ito ni Antipas.” (W. Lee, Life-Study of Revelation, Chapter 12, Section 3, LSM)
Siya ang Tapat na Saksi ng Panginoon
“Inamin ng Tagapagligtas na ang sirkumstansya ay mahirap. Alam Niya na ang lugar kung saan naroon ang ekklesia ay mapanganib. Ang kasalanan at mga diyus-diyusan ay nasa lahat ng dako. Kanyang natanto ang suliranin na kinakaharap ng ekklesia. Kaya Kanyang sinabi: “Nalalaman Ko kung saan ka tumatahan, samakatuwid ay, sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas.” Ang Panginoong Hesus ay nagmamapuri sa Kanyang mga martir. Dahilan dito Kanyang sinabi: ‘Antipas na Aking saksi, Aking taong tapat’ (Apoc. 2:13). Wala sa Biblia ni sa kasaysayan ang bumanggit ng pangalang Antipas. Gayunpaman, ito ang pangalan ng isa na tunay na nagdusa para sa Panginoon. Bagama’t hindi siya kilala ng tao, ang Panginoon ay nagbanggit ng Kanyang pangalan nang tiyakan. Kanyang binanggit ang Kanyang katapatan. Anong papuri ito! Gaanong kahalaga ang kamatayan ng mga banal sa mga mata ng Panginoon! Nakikilala ng Panginoon yaong mga sa Kanya. Kanyang nakikilala yaong nagdaan sa mga paghihirap at pagdurusa alang-alang sa Kanya. Bagama’t hindi nakikilala ng tao si Antipas, nakikilala ng Mabuting Pastol ang pangalan ng Kanyang tupa. Gaanong nakaaaliw isipin ito! Bagama’t mayroong kalungkutan, bagama’t hindi siya nakita ng mga mata ng tao, bagama’t ang pag-uusig ay nanatili hanggang kamatayan, bagama’t wala siyang anumang naiwan sa sanlibutan, at bagama’t ang mga mananaysay ay hindi man lang naglaan ng puwang para sa kanyang pangalan, nakita ng mga mata ng Panginoon at ang Kanyang puso ay umalala; Siya ay nagpuri at nagparangal. Ito ay tunay na ‘Halamanang nababakuran…bukal na nababakuran, balon na natatakpan’ (A.A. 4:12). Hindi siya mahihipo ng sanlibutan sapagka’t siya ang sinisinta ng mga mata ng Panginoon. Hindi madali para sa kanya na magbigay ng anumang bagay sa sanlibutan. Kanya lamang nakikilala ang Panginoon at hinahangad lamang na masiyahan Siya. Siya ay isang malungkot na martir, na siyang pinuri ng Panginoon. Ating pinasasalamatan at pinupuri ang Panginoon na hindi Niya kailanman nalilimutan ang sinuman sa Kanyang mga di-kilala, natatagong lingkod. Sinumang nagdurusa para sa Kanya, maging sinuman siya, ay nakikilala Niya. Kanyang inilalagay silang lahat sa Kanyang puso. Panginoon, gaanong karami ang Iyong pagsasaalang-alang sa akin! Sa darating na kaharian, ang lahat ng yaong mga nagdurusa para sa Panginoon ay makatatanggap ng kaluwalhatian. Ang buhay na ating naiwala ngayon ay maibabalik sa atin sa hinaharap. Ito ay hindi lamang totoong bukod-tangi kay Antipas bagkus para sa lahat ng di-pinangalanang bayani na mga martir para sa Panginoon sa buhay man o sa kamatayan. Silang lahat ay magliliwanag gaya ng araw.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 2, LSM)
Siya ay “Laban sa Lahat”
“Subali’t narito ang isang Antipas. Ang kahulugan ng kanyang pangalan ay ‘laban sa lahat.’ Siya, gaya ni Esteban, ay nagtatak ng patotoo na kanyang dinala sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo. Siya ang isa na tumanggi na manatiling tahimik. Hindi ang kapangyarihan ng impiyerno, ni ang mga pag-uusig ng sanlibutan, ni ang panganib ng buhay ang makapipigil sa kanya mula sa pagsalungat sa lahat. Nasaan ang yaong mga saksi ngayon na magpapatotoo nang tapat para sa Panginoon at hindi mamahalin ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan?” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 2, LSM)
Siya ay Salungat sa Lahat ng Bagay
“Natatanto ng Panginoon ang kahirapan ng kalagayan ng Pergamo. Yamang nananahan siya sa mismong lugar ng trono ni Satanas, may kahirapan para sa kanya na panatilihin ang isang patotoo. Narito ang isang tao na lubhang katangi-tangi, yaon ay, ‘Si Antipas, Aking saksi, na Aking tapat na isa, na napatay sa gitna ninyo.’ Hindi natin matatagpuan ang Kanyang pangalan sa kasaysayan; samakatuwid, yamang ito ay isang propesiya, kailangan nating tuklasin ang kahulugan mula sa pangalan mismo. Ang Anti ay nangangahulugang ‘laban’; ang pas ay nangangahulugang ‘lahat.’ Si Antipas ay isang tapat na tao na laban sa lahat; kanyang sinasalungat ang lahat ng bagay. Hindi ito nangangahulugan na siya ay sadyang lumilikha ng kaguluhan anuman ang kalagayan, kundi siya ay tumatayo sa panig ng Diyos upang salungatin ang lahat ng bagay. Mangyari pa, ang taong ito ay dapat maging isang martir. Hindi nakikilala ng kasaysayan ang kanyang pangalan, subali’t nakikilala ng Panginoon.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 47: The Orthodoxy of the Church & Authority and Submission, Chapter 7, Section 1, LSM)
Siya ay Tapat hanggang Kamatayan
“Sa ekklesia sa Pergamo, kung saan si Antipas ay papatayin, mayroong isa na ‘tapat hanggang kamatayan.’ Pinupuri ng Panginoon si Antipas bilang ‘Aking saksi, Aking tapat na isa’ (2:13). Nakakatawag-pansin na sa loob ng dalawang libong taon, walang sinuman ang nakakakilala sa Antipas na ito. Ang kanyang pangalan ay hindi nabanggit sa iba pang lugar sa Biblia ni sa kasaysayan. Subali’t nakikilala siya ng Panginoon at binabanggit siya sa pangalan. Ang isang taong ganap na hindi napansin ng makasanlibutang ekklesia ay napansin ng Diyos. Ang tao ay maaaring magwalang-bahala sa isang gayon, subali’t ang Panginoon ay hindi kailanman makalilimot. Nagsasalita Siya tungkol sa kanya sa kanyang pangalan at binigyang-diin ang kanyang katapatan. Gaanong kahalaga ang kamatayan ng mga banal sa mga mata ng Diyos! Gaanong pinangangalagaan ng Panginoon ang mga martir na namartir alang-alang sa Kanyang pangalan. Ang unlaping anti ay nangangahulugang ‘laban,’ at ang ugat na pas ay nangangahulugang ‘lahat ng tao.’ Sa madaling salita, kapag ang lahat ay laban sa Panginoon, inilalagay ni Antipas ang kanyang sarili laban sa lahat. Ang isang martir ay isa na ipinapalagay ng Panginoon na tapat. Kailangan nating sabihin sa mga bagong mananampalataya na ang Panginoon ay nagpakita sa atin ng katotohanang ito: Ang lahat ng mga mananampalataya ay dapat na maging handa na isakripisyo ang kanilang buhay para sa Panginoon. Ang bawa’t mananampalataya ay hindi lamang dapat manampalataya sa Kanya bagkus umasa rin na isakripisyo ang kanyang buhay para sa Kanya.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 60: Miscellaneous Records of the Kuling Training (2), Chapter 29, Section 1, LSM)
Ang Kanyang mga Gawa
Siya ay Nagpatotoo Laban sa Pagkamakasanlibutan ng Ekklesia
“Si Antipas ay tapat sa kanyang patotoong laban sa lahat, maging hanggang kamatayan. Dahil sa kanyang patotoo laban sa pagkamakasanlibutan ng ekklesia, siya ay pinatay at naging isang martir. Upang magpatotoo laban sa makasanlibutang ekklesia kailangan natin ang espiritu ng pagkamartir. Kailangan nating maging tapat para sa patotoo ng Panginoon laban sa pagkamakasanlibutan ng ekklesia maging hanggang sa kamatayan….Ngayon, tayo sa pagbabawi ng Panginoon ay isa ring patotoong laban sa lahat….Tayo ay tumatayo rito para sa patotoo ni Hesus. Kailangan nating maging ang kasalukuyang Antipas.” (W. Lee. Life-Study of Revelation, Chapter 12, Section 3, LSM) [Pagdidiin]
Siya ay Nagpapatotoo Laban sa Pagtalikod-sa-Katotohanan ng Iglesiang Romano
“Ang mga banal ay yaong mga naihiwalay, napabanal, tungo sa Diyos, namumuhay ng isang banal na buhay para sa Diyos maging hanggang kamatayan. Ang mga saksi ay yaong mga buháy na patotoo ng Panginoong Hesus, tapat din hanggang kamatayan. Ang mga saksi ni Hesus ay ang mga banal din; gayunpaman, ang mga banal ay maaaring mamuhay lamang ng isang naihiwalay at banal na buhay, na hindi sumusunod sa tumalikod-sa-katotohanan na ekklesia; gayunpaman sila ay maaaring hindi maging katangi-tangi upang magpatotoo laban sa pagtalikod-sa-katotohanan ng Iglesia Romano gaya nang ginawa ng mga saksing tulad ni Antipas (2:13). Ang babae ay lasing sa dugo kapwa ng mga banal at ng mga saksi.” (W. Lee, Life-Study of Revelation, Chapter 51, Section 4, LSM)
Nilumpo Niya ang Kaharian ni Satanas ng Kanyang mga Tapat na Patotoo
‘“Sa mga araw ni Antipas, Aking saksi, Aking tapat na isa, na pinatay sa gitna ninyo na tinatahanan ni Satanas.’ Ang maging isang saksi, isa na tunay, na pumupukaw sa poot ni Satanas, at siyang lumulumpo sa kaharian ni Satanas, ay hindi maiiwasang magdala ng pag-uusig ng kaaway. Maliban na malumpo ng isang saksi si Satanas, hindi siya isang tunay na saksi. Ang isang tunay na saksi ay siguradong pupukaw sa poot ng kaaway. Gayunpaman, paminsan-minsan, kahit na tayo ay sumasaksi, hindi tayo mapapatay. Si Antipas ay hindi lamang isang saksi bagkus isang tapat na saksi. Lahat ng yaong sumasaksi nang tapat ay uusigin. Si Satanas ay hindi natatakot sa ating mga hungkag na salita. Ang hindi niya matagalan ay ang isang tapat na saksi. Ang maging isang saksi lamang ay tila hindi humihiling ng malaking halaga, subali’t ang maging isang tapat na saksi ay humihiling na mailagay sa panganib ang kanyang sariling buhay. Ang halaga ay narito. Sino ang laan na magbayad nito?” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 2, LSM)
Iningatan Niyang Matibay ang Pangalan ng Panginoon
“Sa pitong sulat na ito, walang ibang pangalan ng mananampalataya ang binanggit maliban yaong kay Antipas. Mula dito ating makikita na si Antipas ay lubhang mahalaga. Bakit pinatay si Antipas? Sapagka't kanyang iningatang matibay ang pangalan ng Panginoon at tumangging itakwil ang salita ng Panginoon. Siya ay pinatay sapagka't siya ay tapat sa patotoo. 'At iniingatan mong matibay ang Aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya.' Samantalang buhay pa si Antipas siya ay tapat na tumayong nag-iisa, gayunpaman ito ay nagsanhi sa buong Katawan na tumayo rin. Subali't matapos siyang mapatay, ang buong Katawan ay nayanig.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 16: Study on Revelation, Chapter 3, Section 6, LSM)
Hindi Niya Ikinaila ang Kanyang Pananampalataya
“Hinggil sa tapat na taong ito na pinatay, sa bersikulo 13 ang Panginoon ay nagsabi, ‘Iniingatan mong matibay ang Aking pangalan, hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya.’ Dalawang bagay ang binanggit: ang pangalan ng Panginoon at ang pananampalataya ng Panginoon.... Kanya ring sinabi, ‘...Hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya.” Ang salitang ‘pananampalataya’ rito sa Griyego ay pistin. Ang kahulugan ng salitang ito ay ‘pinananampalatayanan.’ Ito ay hindi isang karaniwang pinananampalatayanan, kundi ang namumukod-tanging pinananampalatayanan, ang pinananampalatayanang naiiba sa lahat ng iba pang pinananampalatayanan. Ang Panginoon ay nagsabi na hindi ipinagkaila ng Pergamo ang Kanyang namumukod-tanging pananampalataya. Ang ekklesia ay hindi isang bagay ng pilosopiya, likas na siyensya, etika, o sikolohiya. Ang mga ito ay hindi mga bagay ukol sa ekklesia. Ang ekklesia ay isang bagay ng pinananampalatayanan, isang bagay ng pananampalataya. ‘...Hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya.’ Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay nangangahulugang, ‘Hindi mo ikinaila ang pagsampalataya sa Akin.’ Ang mga anak ng Diyos ay kinakailangang magpanatili ng pinananampalatayanang ito. Ang ating pinananampalatayanan sa Panginoong Hesus ay hindi dapat magbago. Ang pananampalatayang ito ang siyang naghihiwalay sa atin mula sa sanlibutan. Kaya ‘Iniingatan mong matibay ang Aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang Aking pananampalataya’ — ang dalawang puntong ito ay ang mga bagay kung saan siya pinuri ng Panginoon.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 3) Vol. 47: The Orthodoxy of the Church & Authority and Submission, Chapter 7, Section 1, LSM)
Ang Kanyang Gantimpala
Ang Natatagong Manna
“Apocalipsis 2:17: ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga ekklesia. Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna, at siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakaaalam kundi yaong tumatanggap.’ Narito ang dalawang pangakong ibinigay sa mga mandaraig: (1) ‘Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna.’ Ang manna ay sumasagisag kay Kristo (Juan 6:49-51). Ang hayag na manna ay pag-aari ng lahat ng Israelita, subali't ang natatagong manna ay nakatago para sa Canaan (Exo. 16:33). Ang lahat ng mananampalataya ay tumanggap ng pagliligtas ni Kristo, subali't ang mga mandaraig lamang ang nagtatamasa sa natatagong bahagi ni Kristo, isang bahagi na hindi matatamasa ng mga karaniwang tao.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 16: Study on Revelation, Chapter 3, Section 6, LSM)
“Bersikulo 17: ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga ekklesia.’ Dito ang Panginoong Hesus ay tumatawag muli sa mga yaong mayroong espirituwal na pakinig upang matutuhan ang aral na itinuturo ng Espiritu Santo. ‘Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna, at siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakaaalam kundi yaong tumatanggap.’
“Kailangan nating magbigay ng higit na pansin sa pangako ng Panginoon sa mga mandaraig sa Pergamo. Ating nakita na ang kalagayan sa Pergamo ay hindi lamang isang sinaunang pangyayari bagkus ang pangkasalukuyang kalagayan. Hindi lamang ang mga pagtuturo at mga babala ng sulat na ito ang may kaugnayan sa atin, maging ang mga pangako nito ay direktang nakaaapekto sa atin. Sa katunayan, ito ay dapat makaapekto sa atin nang higit kaysa sa mga araw na yaon sapagka't tayo ay nabubuhay sa kapanahunan kung kailan ang mga makasalanang pagtuturo ng mga araw na yaon ay nahihinog, gumugulang, at dumarami.
“Bagama't ang kalagayan ng ekklesia gaya nang naihayag sa sulat na ito ay pinakamasama at mapanglaw, ang pangakong taglay nito ay puno ng buhay at liwanag. Kapag ang mga sirkumstansya ay totoong mahirap, ang mga mandaraig ay magkakaroon ng mga natatanging gantimpala. Ayon sa itinalaga na noon pang tahakin, kung nais nating matamo ang ating pag-aari, kailangan nating magdaan sa mga pagdurusa, mga pagsubok, at mga pakikipagbaka. Ang salita ng Panginoon dito ay para sa kaginhawahan at paghihikayat sa yaong mga nasa landasin pa lamang. Subali't ang malayong pananaw na inilahad sa mga salitang ito ay tila upang palampasin ang isa sa larangan ng digmaan tungo sa pag-aari na ng kanyang pag-asa! Ang pangakong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Una ay ang manna, na isinasagisag ni Kristo. Ipinakikita nito kung paanong ang mga mananampalataya ay nananabik kay Kristo. Ikalawa ay ang puting bato, na sumasagisag sa Kristiyano. Ito ay nagpapakita kung paano ang Panginoon ay nananabik sa mga Kristiyano. Ang pagpapalitan ng pag-ibig na ito ay tunay na nakaaantig! Ang lahat ng yaong nagtitiwala sa Panginoon, na pinararangalan ang Kanyang pangalan at hindi ikinakaila ang pangalang ito, ay gagantimpalaan ayon sa kanilang katapatan.
“Bago tayo magpatuloy sa espirituwal na kahalagahan, kailangan muna nating banggitin ang isang mahalagang punto. Kailangan nating matanto na ang pangakong ito ay itinalagang maging literal. Bagama't mayroong mga espirituwal na kahulugan sa mga pangako ng Panginoon, hindi natin dapat isaalang-alang muna ang espirituwal na kahalagahan at balewalain ang mga literal na katotohanan. Sa pagpapaliwanag ng salita ng Diyos, kailangan nating malaman na maliban sa mga talinghaga, mga sagisag ng propeta, at mga tanda, ang lahat ng bagay ay kailangang ipaliwanag nang literal. Gayunpaman, ito ay hindi nangangahulugan na kailangan nating pawalang-saysay ang lahat ng espirituwal na kahulugan. Hindi natin dapat pawalang-saysay ang mga literal na kahulugan sa pamamagitan ng mga espirituwal na kahulugan. Ang isa ay dapat magpaliwanag muna nang literal, pagkatapos ay pang-espirituwal. Sa pamamagitan nito, ang salita ng Diyos ay mapayayaman. Para sa unang kalahati ng pangakong ito, alam natin na may mga tao na kumain na ng manna dati. Samakatuwid, hindi imposible para sa tao na kumain muli ng manna sa hinaharap. Sa hinaharap, tayo ay magkakaroon ng nabuhay-na-muling katawan. Tayo ay magiging katulad ng Panginoong Hesus, may kakayahang kumain at uminom gaya nang dati. Ang manna ay ang pagkain ng tao sa ilang. Gayunpaman ang natatagong manna na ipinangako ng Panginoon ay hindi para sa bawa't mananampalataya kundi para sa mga mandaraig sa gitna ng mga mananampalataya.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, The (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 13, LSM)
Ang Puting Bato
“‘Siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato.’ Sa panahon ng mga apostol, ang mga botohan ay isinasagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng mga piraso ng puting bato sa isang banga na may mga pangalang nakasulat doon. Bagama't ang mga mandaraig ay nawalan ng pagkakataon upang maihalal sa sanlibutan, ang Panginoon ay magbibigay sa kanila ng isang puting bato kung saan ang isang bagong pangalan ay nakasulat, isang pangalan na hindi nalalaman ng iba. Ito ay nagpapakita ng pagkilala sa atin ng Panginoon.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 16: Study on Revelation, Chapter 3, Section 6, LSM)
“‘Siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakaaalam kundi yaong tumatanggap’ (2:17). Kapwa ang natatagong manna at ang puting bato ay tumutukoy sa pang-indibiduwal na natatagong mga karanasan, subali't ang nauuna ay tumutukoy sa kung paanong iniibig ng mga mananampalataya ang Panginoon, samantalang ang nahuhuli ay tumutukoy sa kung paanong minamahal ng Panginoon ang mga mananampalataya. Sa mga sinaunang panahon, kapag ang mga tao ay sumuporta o naghalal ng isang tao, ang kanyang pangalan ay isinusulat sa isang puting bato at inilalagay sa isang banga. Ito ang sinaunang paraan ng pagboto. Sa parehong paraan, ang mga mananampalatayang iniibig ng Panginoon ay nasusulat ang kanilang pangalan sa isang puting bato. Kaya, ang puting bato ay nagsasabi ukol sa pag-ibig at katapatan ng Panginoon sa indibiduwal na mga mananampalataya. Ang dalawang bagay ay magkaugnay at hindi mapaghihiwalay. Ang batayan ng pag-ibig ng Panginoon para sa mga mananampalataya ay ang pag-ibig ng mga mananampalataya para sa Kanya. Nakita natin ang malihim na kalikasan ng natatagong manna. Sa parehong paraan, ang puting bato ay malihim din sa kalikasan nito sapagka't ang pangalang nakasulat sa bato ay isang bagong pangalan, ‘na walang nakaaalam kundi yaong tumatanggap.’ Samakatuwid, ang lihim na ito ay mahigpit na nababantayan. Tanging dalawang partido lamang ang nakaaalam ng pangalang ito, ang Panginoon at ang Kanyang mananampalataya. Maliban sa nagbigay at sa tumatanggap, walang iba pa ang makahihipo nito. Ito ay isang personal na lihim sa pagitan ng Panginoon Mismo at ng Kanyang tapat na mga mananampalataya. Ito ay hindi ipinaaalam sa mga tagalabas. Ang banal at pribadong pag-ibig na ito ay matatamasa lamang ng mga mangingibig ng Panginoon at hindi mahihipo o maiintindihan ng mga tagalabas. Ang mga taong gaya ni Antipas, na tapat na mga saksi maging hanggang kamatayan, ay tunay na mga mandaraig at walang alinlangang mga makatatanggap ng puting bato. Maraming pagkakataon tayo ay mahina sapagka't wala tayong tiwalang matatanggap natin ang gantimpala ng Panginoon. Yaong mga malapit sa Panginoon at yaong nakatikim na ng natatagong manna ay malalaman ang kaisipan ng Panginoon at matatanggap ang puting bato. Ang pangakong ito ay nagbibigay-kakayahan sa bawa't tapat na mangingibig ng Panginoon upang magpatotoo nang tapat para sa Panginoon sa harap ng lahat ng pag-uusig at mga pagsubok.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 17, LSM)
“Ating isaalang-alang ang ikalawang kalahati ng pangako. Ano ang puting bato? Alam natin na ang manna at ang puting bato ay kapwa mga bagay na galing sa pagkasaserdote ni Aaron. Gaya ni Faraon noong unang panahon ay nagbigay kay Jose ng isang bagong pangalan at isang singsing, sa parehong paraan si Kristo ay magbibigay sa Kanyang mga mandaraig ng isang bagong pangalan at ng isang puting bato. Ang pangalang ito ay nananatiling lihim sa ngayon. Tangi lamang ang mga mandaraig ang makaaalam ng lihim ng makalangit na pangalang ito, at tangi lamang ang mga mandaraig ang makapagmamana ng pangalang ito. Kung paanong ang pangalan ni Antipas ay hindi kilala sa tao, sa gayunding paraan, ang pangalan ng mga mandaraig ay hindi makikilala sa sanlibutan.
“Tayo ay naniniwala na sa hinaharap ay magkakaroon ng literal na manna upang pakainin ang ating mga nabuhay-na-muling katawan. Tayo rin ay naniniwala na sa hinaharap tayo ay makatatanggap ng isang tunay na mahalagang puting bato. Ito ang literal na panig ng mga salitang ito. Gayunpaman, maliban sa literal na mga kahulugan, marami pa ring mga malalim na espirituwal na kahulugan. Ngayon nais nating isaalang-alang ang espirituwal na panig ng mga salitang ito." (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, (Set 1) Vol. 04: The Christian (2), Chapter 5, Section 13, LSM)
(Nobyembre 28, 2009)