Ipinaliliwanag nang Matuwid ang Salita ng Katotohanan hinggil sa 1 Corinto 11:2-9
Hindi ba Ayon sa Kasulatan para sa mga Kapatid na
Babae na Magpasakop sa mga Kapatid na Lalake?
Kamakailan, isang kamanggagawa ang nagmungkahi ng kanyang salungat na mga pananaw at mga pagtuturo sa pamamagitan ng internet. Sa isa sa kanyang bagong mga lathalain na may pamagat na “Cutting Straight the Word of the Truth”, kanyang pinulaan ang isang nangungunang kapatid na lalake sa pagsasabi sa kanyang mensahe na ang mga kapatid na babae ay dapat na magpasakop sa mga kapatid na lalake, ipinipilit na ito ay hindi ayon sa kasulatan at isang hangin ng pagtuturo. Itinuturo niya na (1) batay sa 1 Corinto 11:2-9 at sa mensahe ni Kapatid Watchman Nee hinggil sa “pagtatakip sa ulo”, ang mga kapatid na babae ay hindi na kailangang magpasakop sa mga kapatid na lalake, (2) pinatutunayan lamang ni Kapatid Nee na ayon sa pagtatalaga ng Diyos sa Kanyang pamahalaan, ang mga babae ay dapat na magsuot ng isang pisikal at materyal na panakip sa ulo bilang isang tanda sa kanilang ulo, (3) ang lalake bilang ang ulo ng babae sa 1 Corinto 11:3 ay limitado sa pagpapasakop ng isang asawang babae sa kanyang asawang lalake at sa mga kapatid na babae na wala pang asawa na napasasailalim sa kanilang mga ama, at (4) ang sistema ng pamahalaan ng Diyos ay binubuo lamang ng mga etikal na kaugnayan tulad ng asawang lalake at asawang babae, mga magulang at mga anak, mga panginoon at mga alipin, ang pampamahalaang institusyon at ang mga mamamayan sa kalahatan.
Ang isang pagsusuri sa lathalain sa pamamagitan ng pagsukat nito laban sa Banal na Salita at sa malulusog na pagtuturo na ating natanggap mula kina kapatid Watchman Nee at Witness Lee ay nagpapakita sa atin kung paanong ang manunulat ay maliwanag na lumihis sa lahat ng mga tinatalakay na punto dahil: (1) sa Biblia, gaya ng ipinakita ng ministeryo, ang mga kapatid na babae (mga Kristiyanong babae) ay nagpapasakop sa pagka-ulo ng mga kapatid na lalake (mga Kristiyanong lalake), (2) itinuro nina Kapatid Nee at Lee na ang pagtatakip sa ulo ay higit pa sa isang pisikal na takip sa ulo ng mga kapatid na babae, (3) ang pagpapasakop ng babae sa pagka-ulo ng lalake sa 1 Corinto 11 ay hindi lamang limitado sa mga asawang babae tungo sa mga asawang lalake at ng mga kapatid na babae na wala pang asawa tungo sa kanilang mga ama, at (4) ang sistema ng pamahalaan ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa mga etikal na pantaong kaugnayan, bagkus tungkol sa pagka-ulo ng Diyos sa sansinukob na unang naihayag sa loob ng kaayusan ng ekklesia.
Ang Pagtatakip sa Ulo ay May Kaugnayan sa Pamahalaan ng Diyos
Ang pagtatakip sa ulo ay tungkol sa pagpapasakop ng tao sa pagka-ulo ni Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang dibinong pagtatalaga. Sinasabi ng 1 Corinto 11:3-5, “Datapuwa’t ibig kong malaman ninyo na ang Ulo ng bawa’t lalake ay si Kristo, at ang ulo ng babae ay ang lalake, at ang Ulo ni Kristo ay ang Diyos. Ang bawa’t lalakeng nananalangin o nagpopropesiya na may takip ang ulo ay naglalagay ng kanyang ulo sa kahihiyan. Datapuwa’t ang bawa’t babaeng nananalangin o nagpopropesiya na walang takip ang ulo ay naglalagay ng kanyang ulo sa kahihiyan; sapagka’t ito ay iisang bagay at parehong bagay ng gaya sa isang inahitan.”
Itinuro sa atin ni Kapatid Nee na ang pagtatakip sa ulo ay higit pa sa isang pisikal na tanda; mayroong isang pinagbabatayang katotohanan at espirituwal na prinsipyo:
“Ang kahulugan ng pagtatakip sa ulo ay yaong inilalagay ng isa ang kanyang sarili sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos; kinikilala niya ang ganitong posisyon….Gaya nang tinanggap ni Kristo ang Diyos bilang Kanyang Ulo, gayundin ang bawa’t lalake ay dapat na tanggapin si Kristo bilang kanyang Ulo. Sa gayunding paraan, ang babae ay nararapat na tanggapin ang lalake bilang kanyang kinatawan na ulo. Ang pagtatakip sa ulo ay nangangahulugang tinatakpan ng isa ang kanyang ulo na para bang wala siyang ulo.
“Sa realidad, ang ulo ni Kristo ay natatakpan sa harapan ng Diyos, at ang ulo ng bawa’t lalake ay natatakpan sa harapan ni Kristo. Subali’t sa pagsasagawa ang babae lamang ang inaatasan ng Diyos na magtakip ng kanyang ulo sa harapan ng lalake. Ito ay isang kagila-gilalas na bagay! Nagpapahayag ito ng isang malalim na prinsipyo.
“Minsan aking nadarama na wala akong kalayaang magsalita sa ibang mga banal tungkol sa bagay ng pagtatakip sa ulo dahil wala silang ideya hinggil sa pamahalaan ng Diyos. Dapat munang maintindihan mo kung ano ang pamahalaan ng Diyos bago mo maintindihan ang pagtatakip sa ulo.
“Magsasabi ako rito ng isang salita sa mga babaeng Kristiyano: itinalaga ng Diyos ang lalake na maging ulo ng babae. Sa panahong ito ng kamangmangan hinggil sa awtoridad ng Diyos, ang ekklesia lamang ang inaatasan ng Diyos na ganapin ito. Ang bagay ng pagtatakip sa ulo ay nagiging isang katanungan ngayon kung ang isa ay isang Kristiyano ba o hindi. Sa ekklesia inaatasan ng Diyos ang bawa’t Kristiyano na kilalanin ang Kanyang itinalagang sistema ng pamahalaan.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Chapter 44, Head Covering, pp. 755-756, LSM)
“Ano ang layunin ng Diyos? Ang Kanyang layunin ay ang italaga si Kristo bilang ang Ulo nang sa gayon ang bawa’t lalake ay magpapasakop sa Kanya….Ito ay isang pangunahing prinsipyo sa pamahalaan ng Diyos. Si Kristo ang Ulo ng bawa’t lalake….Ito ay hindi isang bagay sa sistema ng biyaya kundi isang bagay sa sistema ng pamahalaan ng Diyos. Gayon din naman, para sa lalake na maging ulo ng babae ay isa ring bagay sa sistema ng pamahalaan ng Diyos. Sa Kanyang pamahalaan itinatalaga ng Diyos ang lalake na maging ang ulo, gaya ng pagtatalaga Niya kay Kristo na maging ang Ulo at pagtatalaga Niya sa Kanyang Sarili na maging ang Ulo. Ang lahat ng mga pagsasaayos na ito ay may kinalaman sa sistema ng Diyos sa kabuuan.
“Ang Diyos Mismo ay ang Ulo. Itinatalaga rin Niya si Kristo na maging ang Ulo. Higit pa, itinatalaga Niya ang lalake na maging ang ulo. Ang mga ito ay tatlong dakilang prinsipyo sa pamahalaan ng Diyos. Ang Diyos ang Ulo ni Kristo.
“Wala itong kinalaman kung ang Diyos ba ang mas dakila o si Kristo ang mas dakila. Nangangahulugan ito na ang Diyos ay ang Ulo ni Kristo sa Kanyang pamahalaan. Gayundin, si Kristo ay ang Ulo ng bawa’t lalake sa pamahalaan ng Diyos, at ang lalake ay ang ulo ng babae sa pamahalaan ng Diyos. Ito ang paghirang at pagtatalaga ng Diyos.
“Ang Filipos 2 ay napakalinaw hinggil dito. Ang Panginoong Hesus ay kapantay ng Diyos sa Kanyang esensya mismo. Subali’t Siya ay ang Kristo sa pamahalaan ng Diyos. Yayamang Siya ay ang Kristo, ang Diyos ang Kanyang Ulo. Sa Ebanghelyo ni Juan, sinabi ng Panginoon na ginawa lamang Niya kung ano ang nakita Niyang ginagawa ng Ama (5:19). Hindi Siya dumating upang gawin ang Kanyang Sariling kalooban kundi ang kalooban ng Isa na nagsugo sa Kanya (6:38)….Ang pagtatalaga ng Diyos ay para sa Diyos na maging Diyos, at para sa Kanya na maging ang Kristo. Bilang gayon dapat Niyang sundin ang Diyos. Hangga’t may kinalaman sa kanilang panloob na mga persona, ang Diyos Anak ay kapantay ng Diyos Ama; sila ay magkapantay sa antas (stature) at karapat-dapat sa parehong karangalan. Kung magkagayon, ang Diyos Anak ay hindi na kailangan pang sumunod sa Diyos Ama. Gayunpaman, sa bagay ng pamahalaan ng Diyos, si Kristo ay hindi tumayo sa posisyon ng Diyos Anak, kundi sa posisyon ng Kristo, ang Isa na isinugo ng Diyos.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Chapter 44, Head Covering, pp. 753-754, LSM)
Dapat nating tandaan na ang pagtatakip sa ulo ay isang pagsasagawa ng mga Kristiyanong babae lamang. Para sa mga di-mananampalatayang babae na magtakip ng kanilang mga ulo ay walang anumang kahulugan. Ang pagtatakip sa ulo ay nagdadala ng isang espirituwal na kahulugan at realidad tangi lamang sa mga kapatid na babae. Ang isang kapatid na babae ay kailangang magtaglay ng isang pantakip sa ulo, hindi lamang sa pampisikal, bagkus maging sa pangsikolohikal, pang-etikal, pang-moral, at pang-espirituwal. Ito ang kababaang-loob na isinalita sa Biblia. Ang maging mababang-loob ay payak na nangangahulugan na ang isang babae ay lubusang natatakpan sa bawa’t paraan.
“Hindi pinahihintulutan ang lalake na magtakip ng kanyang ulo. Ipinahihiya ng isang lalake ang kanyang sariling ulo kapag tinatakpan niya ang kanyang ulo sa harap ng isang babae. Ikinakatawan ng lalake si Kristo. Kapag ang isang lalake ay nagtatakip ng kanyang ulo, ito ay ang kanyang pagsasabi na walang lalake ang dapat na magtakip ng kanyang ulo sa harapan ni Kristo, at na si Kristo ay dapat na magtakip ng Kanyang ulo sa harapan ng mga lalake.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Chapter 44, Head Covering, p. 757, LSM)
Isang kahihiyan para sa mga ulo ng mga kapatid na babae na hindi matakpan at para sa mga ulo ng lalake na mahantad, dahil ang pagtatakip sa ulo ng mga kapatid na babae ay isang tanda ng pagpapasakop sa awtoridad, samantalang tinataglay ng ulo ng lalake ang larawan at kaluwalhatian ng Diyos bilang ang Kanyang kinatawang awtoridad.
Ang magkaugnay na mga posisyon ng lalake at babae gaya nang ipinakita sa pagkalikha sa kanila, at ang pagkalagay kay Adam sa kapamahalaan bilang ang kinatawan ng Diyos, ay napananatili pang higit sa pamamagitan ng isang paalala na ang lalake ay unang nilikha, at mula sa kanya ay nilikha ng Diyos ang babae para sa pagpapala ng lalake (bb. 8-9). Gayunpaman, mayroong namamagitang pagdepende sa isa’t isa na nag-aalis ng lahat ng mga kaisipan ng mas nakatataas (superiority) o mas mababa (inferiority) (bb. 11-12). “Samakatuwid” (b. 10), dahil sa ang lalake ay binigyan ng pagka-ulo, ang babae ay “dapat magtaglay ng awtoridad sa kanyang ulo.” Hindi ito nangangahulugang kinukuha natin ang pagtatakip sa ulo bilang isang legal na pagsasagawa. Sa halip, ang mga kapatid na babae ay dapat na panatilihin ang realidad ng pagtatakip sa ulo, na siyang ang pagka-ulo ni Kristo. Ang kanyang pagtatakip sa ulo ay naging ang nakikitang tanda (token) ng pagpapasakop sa kanyang itinalaga ng Diyos na ulo, at ang pagpapanumbalik sa pamamagitan ng biyaya ng kaayusang yaon na naiwala dahil sa pagkatisod.
Ang Sistema ng Pamahalaan ng Diyos ay Hindi Lamang
Tungkol sa Etikal na mga Pantaong Ugnayan
Ang sistema ng pamahalaan ng Diyos ay lumalampas nang higit pa sa pantaong etikal na mga ugnayan. Ang ekklesia ay hindi isang organisasyon, kundi ang Katawan ni Kristo. Makikita natin ang awtoridad ng Diyos, ang pamahalaan ng Diyos, sa koordinasyon sa loob ng ekklesia.
“Ang pinakamataas na kahayagan ng awtoridad ng Diyos ay nasa loob ng Katawan ni Kristo, ang ekklesia. Bagama’t itinatag ng Diyos ang mga sistema ng mga awtoridad sa sanlibutan, wala sa mga ugnayan sa pamahalaan, o sa pagitan ng ama at anak, asawang lalake at asawang babae, at panginoon at tagapaglingkod ang lubusang makapaghahayag ng awtoridad….hindi natin nakikita ang lubos at ganap na pagpapasakop sa mga ganitong ugnayan.
“Tanging si Kristo at ang ekklesia lamang ang nagtataglay ng pinakamataas na kahayagan ng awtoridad at pagpapasakop….Ang ekklesia ay hindi lamang isang pagtatagpo (convergence) sa loob ng pananampalataya at pag-ibig, ito ay isang katawan. Ang ekklesia ay ang Katawan ni Kristo, at si Kristo ay ang Ulo ng ekklesia….Dapat tayong madala tungo sa loob ng isang kalagayan na gaya ng katawan na nagpapasakop sa ulo. Sa gayon lamang mabibigyang kasiyahan ang Diyos. Hindi ito maikakatawan ng asawang lalake at ng asawang babae at iba pa….Kung tayo ay makapagpapasakop lamang sa antas na ang mga anak ay nagpapasakop sa mga magulang, o ang mga asawang babae sa kanilang mga asawang lalake, hindi masisiyahan ang Diyos. Ninanais ng Diyos na ang ating pagpapasakop ay katulad ng katawan na nagpapasakop sa ulo.” (W. Nee, Authority and Submission, pp. 67-69, LSM)
Mula sa 1 Corinto 11:3 makikita natin na ang Diyos ay dapat gumawa sa loob natin hanggang sa tayo ay makapagpasakop kay Kristo sa parehong paraan na si Kristo ay nagpapasakop sa Diyos.
Ang ituro na ang pagpapasakop ng babae sa lalake dito ay nasa loob lamang ng kinasasaklawan ng etikal na mga pantaong ugnayan gaya ng asawang babae sa asawang lalake at anak na babae sa ama ay ang palawakin ang Biblia nang lampas sa kung ano ang sinasabi nito, sapagka’t hindi ito ang sinabi at ibig sabihin ni Pablo. Ang 1 Corinto 11, gaya ng 1 Timoteo 2, ay hindi tungkol sa mga etikal na pantaong ugnayan bagkus tungkol sa pagka-ulo ng Diyos sa sansinukob at sa ekonomiya ng Diyos para sa ekklesia, tungkol sa normal na buhay-ekklesia sa ilalim ng dibinong pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Kapatid Lee:
“Ang unang anim na suliranin, na tinuos sa 1 Corinto mga kapitulo 1-10, ay may kinalaman sa mga suliranin sa loob ng kinasasaklawan ng pantaong buhay. Ang huling limang suliranin, na tinuos sa mga kapitulo 11-16, ay may kinalaman sa mga bagay sa loob ng kinasasaklawan ng administrasyon ng Diyos. Ang partikular na suliranin sa kapitulo labing-isa ay may kinalaman sa pagka-ulo ni Kristo at ng Diyos sa loob ng dibinong pamahalaan. Sa pagtutuos sa suliranin sa pagtatakip sa ulo, ginamit ng apostol ang pagka-ulo ng Diyos, ang pagka-ulo ni Kristo, at ang pagka-ulo ng lalake bilang isang matibay na batayan para sa kanyang pagtuturo.” (Holy Bible, Recovery Version, 1 Cor. 11:3 Footnote 31, LSM)
Kung nilayon ng Diyos para sa Kanyang Salita dito na mangahulugan lamang na ang mga asawang babae ay dapat na magpasakop sa kanilang mga asawang lalake o ang mga anak na babae sa kanilang mga ama, kung magkagayon, si apostol Pablo ay maaaring payak na ilahad ito na gayon nga gaya ng kanyang ginawa sa ibang mga talata sa Kasulatan. Subali’t ang salita ay hindi na mas lilinaw pa: “Ang Ulo ng bawa’t lalake ay si Kristo, at ang ulo ng babae ay ang lalake, at ang Ulo ni Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:3) Ito ay tunay na pagtatalaga ng Diyos maging mula pa sa Lumang Tipan. Sa pagkakasunud-sunod ng paglikha si Adam ay ang ulo ni Eva. Ito ay hindi lamang para sa kanilang pamilya bagkus para sa pamahalaan ng Diyos. Kinilala ng propetisang si Deborah ang prinsipyong ito. Bagama’t ginawa siya ng Diyos na pinuno, kinuha niya si Barak, isang lalake na hindi niya ama ni asawa, bilang kanyang pantakip. Sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos, dagdag pa sa pagtatakip ng kanyang asawang-lalakeng si Lappidoth, kinuha niya ang pagtatakip ni Barak sa pakikipagbaka para sa interes ng Diyos.
“Sa dibinong pampamahalaang pagtatalaga, ang babae ay nasa ilalim ng pagka-ulo ng lalake. Nilikha ng Diyos ang babae sa ganitong paraan (Gen. 2:18-24; 1 Tim. 2:13). Ayon sa kalikasan (b. 14) na nilikha ng Diyos, ang babae ay napasaiilalim sa lalake.” (Holy Bible, Recovery Version, 1 Cor. 11:3, Footnote 32, LSM)
Ang sabihin na ang ulo ng babae ay lalake at ang gamitin ito sa mga pang-etikal na pantaong ugnayan lamang ay nagpapababa sa Salita ng Diyos. Ito rin ay nagbibigay ng mga suliranin kung saan ang kapatid na babae ay may isang di-nananampalatayang asawang-lalake, kung saan siya ay isang balo, o kung saan ang isang walang-asawang kapatid na babae ay wala ng ama. Kung ito ay ganoon nga, ang mga walang-asawang kapatid na babae kung magkagayon ay hindi na kailangan ang pagtatakip sa kanilang mga ulo. Gayunpaman, ang pagtatakip sa ulo ay pansansinukob. Ang kahulugan nito ay yaong ang mga kapatid na babae (mga Kristiyanong kababaihan) ay dapat magpasakop sa mga kapatid na lalake (mga Kristiyanong kalalakihan) sa tahanan at sa ekklesia. Kung paanong hindi natin tinatanong kung bakit pinili lamang ng Diyos ang mga kapatid na babae na magkaroon ng pantakip sa ulo, hindi natin tinatanong kung bakit ginawa ng Diyos ang lalake na ulo ng babae, kung bakit nilikha ng Diyos si Eva para kay Adam, kung bakit pinili lamang ng Diyos ang mga lalake na maging mga matanda at hindi mga babae.
Sa sistema ng pamahalaan ng Diyos, ang awtoridad at pagpapasakop ay pangunahin. Ang ekklesia ay nagpapasakop kay Kristo (Efe. 1:22; 5:24); ang lahat ng tao ay nagpapasailalim sa “katuwiran ng Diyos” (Roma 10:3; Sant. 4:7); ang bawa’t isa ay nagpapasakop sa mga pamahalaan (Roma 13:1-7; Tito 3:1; 1 Ped. 2:13); at, ang mga anak ay nagpapasailalim sa mga magulang (Luc. 2:51; Heb. 12:9). Lubusang inihahayag ng Kasulatan na ang mga asawang-babae ay kailangang magpasailalim sa kanilang sariling mga asawang-lalake (Efe. 5:22-25; Col. 3:18; Tito 2:5; 1 Ped. 3:5-6), kahit pa nga ang kanilang mga asawang-lalake ay hindi pa mga Kristiyano (1 Ped. 3:1). Higit pa rito, hindi maitatanggi na payak ding itinuturo ng Biblia na ang mga babae ay nagpapasakop sa mga lalake sa ekklesia (1 Tim. 2:12; 1 Cor. 11:3).
Ang ilan ay maaaring makipagtalo na nilayon ng Diyos na tayong lahat ay mapasailalim sa pagka-ulo ni Kristo, kapwa ang lalake at babae. Samantalang ito ay maaaring totoo, kung nilayon ng Biblia para sa mga babae na kunin lamang si Kristo nang tuwiran bilang kanilang ulo, kung gayon hindi na kailangan pang sabihing ang lalake ay ang ulo ng babae (1 Cor. 11:3). Maaaring makipagtalo rin ang iba na ang “babae” at mga “kapatid na babae” ay hindi magkapareho, subali’t parehong naunawaan nina Kapatid Nee at Lee ang “babae” at “kapatid na babae” (yaon ay, isang Kristiyanong babae) na pareho ang ipinapakahulugan at ginamit ang mga ito nang halinhinan kaugnay sa pagtatakip sa ulo.
“Sa bersikulo 10 nagpapatuloy si Pablo, “Dahil dito, nararapat na ang babae ay magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kanyang ulo dahil sa mga anghel.” Ang awtoridad dito ay tumutukoy sa pagtatakip sa ulo, na sumasagisag sa awtoridad ng pagka-ulo ng lalake sa babae. Sa bersikulong ito ay may isa pa tayong batayan para sa pagtuturo ng pagtatakip sa ulo. Ang pagtatakip sa ulo ay lubhang may kaugnayan sa pagka-ulo ng Diyos, sa awtoridad ng Diyos.…Alang-alang dito, ang mga kapatid na babae ay dapat magkaroon ng isang tanda, isang pantakip, sa kanilang ulo….Makahulugan ang pagsasabi ni Pablo na ang babae ay nararapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kanyang ulo dahil sa mga anghel… Ang pantakip sa ulo ng mga kapatid na babae ay isang tanda na nagdedeklara nito sa mga anghel… Hindi lamang sa darating na kapanahunan ng kaharian sa kawalang-hanggan na tayo ay mapasasailalim ng pagka-ulo ng Diyos, bagkus maging sa mapagrebeldeng kapanahunang ito tayo ay nagpapasakop sa Kanyang awtoridad. Ang pantakip sa ulo ng mga kapatid na babae ay isang tanda na nagdedeklara nito sa mga anghel.” [Pagdidiin] (W. Lee, Life Study of 1 Corinthians, Message 53, pp. 474-475, LSM)
“Sa pagsasalita tungkol sa pagtatakip sa ulo, hindi natin intensyong tanggapin ng mga kapatid na babae ang isang panlabas na pagsasagawa lamang sa isang pandoktrinang paraan…Kapag ang isang kapatid na babae ay naglalagay ng isang pantakip sa kanyang ulo, kailangan niyang matanto ang kahulugan ng pagtatakip sa ulo….Ang pagka-ulo ni Kristo ay isang bagay na may kaugnayan sa lahat ng banal, kapwa sa mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae. Sa 11:3 sinasabi ni Pablo, “Datapuwa’t ibig kong malaman ninyo na ang Ulo ng bawa’t lalake ay si Kristo, at ang ulo ng babae ay ang lalake, at ang Ulo ni Kristo ay ang Diyos.” Una, kailangang matanto ng mga kapatid na lalake na sila ay dapat na nasa ilalim ng pagka-ulo ni Kristo. [Pagdidiin] (W. Lee, Life Study of I Corinthians, Message 53, pp. 476-477, LSM)
“Sinasabi ng 1 Corinto 14:33b-34, “Gaya ng sa lahat ng mga ekklesia ng mga banal, ang mga babae ay magsitahimik sa mga ekklesia, sapagka’t sila ay hindi pinahihintulutang mangagsalita; kundi sila ay pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan.” Ipinahihiwatig nito na ang lahat ng ekklesia lokal ay dapat maging pareho sa pagsasagawa. Ang pagbabawal na ito sa mga kapatid na babae na magsalita sa ekklesia ay nangangahulugang ang mga kababaihan ay hindi pinapayagang magturo nang may awtoridad hinggil sa pagpapaliwanag ng doktrina_(cf. 1 Cor. 11:5; Gawa 2:17-18; 21:9; 1 Tim. 2:12; tingnan ang talababa 342 sa 1 Corinto 14—Salin sa Pagbabawi).” [Pagdidiin] (W. Lee, Elder’s Training, Book 7, One Accord for the Lord’s Move, p. 47, LSM)
“Hinihingi ng Diyos sa mga kapatid na babae na maging mga kinatawan. Ang mga kapatid na babae ay responsable para sa tanda ng pagpapasakop sa kanilang ulo bilang isang tanda para sa mga anghel. Inihahayag nito ang sistema ng pamahalaan ng Diyos. Sa partikular, itinatalaga ng Diyos na ang babae ay dapat magtakip ng kanyang ulo habang nananalangin o nagpopropesiya. Ang dahilan para dito ay upang malaman niya ang pamahalaan ng Diyos kapag lumalapit siya sa Diyos. Kung siya man ay nagpopropesiya sa harapan ng mga tao para sa Diyos o nananalangin sa harapan ng Diyos para sa mga tao, maging ito man ay panalangin, propesiya, paghayo para sa Diyos, o paglapit sa Diyos, kailangan niyang gawin ang mga gawaing ito, na may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagtatakip sa kanyang ulo. Ito ay para sa layunin ng paghahayag sa pamahalaan ng Diyos.” [Pagdidiin] (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Head Covering, p. 757, LSM)
“Ano ang sinabi ni Pablo sa yaong mga nag-akalang hindi kailangan ng mga kapatid na babae na magtakip ng kanilang ulo at sa yaong mga sumalungat sa kanyang mga salita, kanyang desisyon, at pag-aatas sa kanya ng Panginoon? Kanyang sinabi, “Wala tayong gayong isang kaugalian sa pagiging gayon”….Ang lahat ng mga apostol ay naniwala na ang babae ay kailangang magtakip ng kanyang ulo… Ito ang dahilan kung bakit sinasabihan natin ang lahat ng kapatid na babae sa ekklesia na magtakip ng kanilang mga ulo sa mga pagpupulong kapag nagbibigay ng isang mensahe o kapag sila ay nananalangin. Kailangan nila itong gawin sapagka’t ninanais ng Diyos na matamo sa ekklesia ang hindi Niya matamo sa sanlibutan. Nais Niyang tamuhin ang hindi Niya matamo sa sansinukob.…Binibigyan tayo ng bersikulo 3 ng malinaw na pagtuturo hinggil dito. Ang Diyos ay ang Ulo ni Kristo, si Kristo ay ang Ulo ng bawa’t lalake, at ang lalake ay ang ulo ng babae. Sa kadahilanang ito, kailangan takpan ng babae ang kanyang ulo. Ito ang pinagsasaligang pagtuturo ng bahaging ito ng Salita.” [Pagdidiin] (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Head Covering, pp. 762-764, LSM)
Ipinahihiwatig ng 1 Corinto 11:3 na dapat matanto ng bawa’t kapatid na babae, yaon ay, ng bawa’t babae (bagama’t ang gayong babae ay hindi matatagpuan sa labas ng ekklesia) na siya ay may katayuan ng isang indibiduwal at maging ng katayuan ng isang kinatawan. Ang Diyos ay ang Ulo ni Kristo, si Kristo ay ang Ulo ng bawa’t lalake, at ang lalake ay ang ulo ng babae. Samakatuwid, ang babae ay kailangang magtakip ng kanyang ulo.” [Pagdidiin] (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Chapter 44, Head Covering, p. 766, LSM)
Ang paggamit ni Kapatid Nee sa “bawa’t kapatid na babae” ay walang alinlangang nagpapakita na ito ay patungkol sa lahat ng kapatid na babae, matanda o bata, may-asawa o walang asawa.
Nananalangin at Nagpopropesiya
Sa maling pagsipi at maling paggamit ng mga salita ni Kapatid Nee hinggil sa sistema ng pamahalaan ng Diyos at sistema ng biyaya ng Diyos sa Kanyang mga pakikitungo sa tao, ikinalat ng manunulat ng lathalain ang mga sulatin mula sa ministeryo kasama ang kanyang sariling sulatin upang pangatwiranan ng mga salita ni Kapatid Nee na tama ang kanyang mga pahayag. Ang mga salitang idinagdag ng manunulat, “Ang sistema ng pamahalaan ng Diyos ay pangunahing binubuo ng mga ugnayang pang-etiko gaya ng asawang-lalake at asawang-babae, mga magulang at mga anak, mga panginoon at mga alipin, mga pampamahalaang institusyon at ang mga mamamayan” kasama ang kanyang balangkas (diagram) ay lubusang iniba ang kahulugan ng mga salita ni Kapatid Nee at sa gayon ay binaluktot ang mga ito.
“Sa ekklesia, ang babae ay kinakailangan ding magpasakop sa lalake… Itinalaga ng Diyos ang lalake upang maging ang awtoridad bilang isang sagisag ni Kristo at ang babae na magpasakop bilang isang sagisag ng ekklesia. Sa kadahilanang ito dapat magkaroon ng awtoridad ang babae sa ibabaw ng kanyang ulo alang-alang sa mga anghel. Higit pa rito, ang babae ay kailangang magpasakop sa kanyang asawang-lalake.” [Pagdidiin] (W. Nee, Authority and Submission, pp. 58-59, LSM)
Mula sa salitang “higit pa rito” sa huling pangungusap, malinaw na malinaw na kinikilala ni Kapatid Nee ang pagkakaiba sa pagitan ng mga babae na nagpapasakop sa mga lalake sa ekklesia mula sa isang babae na nagpapasakop sa kanyang asawang-lalake.
“Yamang ang babae ay nasa ilalim ng pagka-ulo ng lalake, dapat niyang panatilihin ang kanyang ulo na natatakpan, hindi nahahantad, kapag hinihipo niya ang dibinong administrasyon sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos o pagsasalita para sa Diyos. Kung hindi, inilalagay niya sa kahihiyan (disgrace, shame) ang kanyang ulo, na para bang ang kanyang ulo ay inahitan, sapagka’t itinatatwa niya ang dibinong pampamahalaang pagtatalaga sa pamamagitan ng paghahantad ng kanyang ulo sa nagmamasid na mga anghel (b. 10) habang hinihipo ang awtoridad ng Diyos.” [Pagdidiin] (Holy Bible, Recovery Version, I Cor. 11:5, Footnote 51, LSM)
Ang pagtukoy sa 1 Corinto 11 ay hindi patungkol sa ugnayan ng isang asawang-lalake at asawang-babae. Ito ay hindi isang personal at pampamilyang bagay, kundi may kinalaman sa mga pagtitipon sa ekklesia, ang pagsasama-sama ng mga banal (bb. 17, 18, 20). Ito ay may kaugnayan sa pananalangin at pagpopropesiya. Ang babae ay maaaring walang asawa, o, kung may-asawa man, ang kanyang asawang-lalake ay maaaring wala sa pagpupulong ng ekklesia, o maaaring hindi pa nga ligtas. Subali’t hindi nito iniiba ang mga pagtuturo. Ang “naglalagay ng kanyang ulo sa kahihiyan” (b. 5) ay tumutukoy, hindi sa kanyang asawang-lalake, kundi sa lalake na nasa posisyon ng awtoridad sa ekklesia sa ilalim ng pagka-ulo ni Kristo. Ang mga ugnayan ng mag-asawa ay ganap na tinalakay sa ibang mga talata ng Kasulatan (cf. Efe. 5:22, 25; Col. 3:18-19; 1 Ped. 3:1, 7).
Dapat bang manalangin o magpropesiya ang mga babaeng Kristiyano? Walang alinlangang sila ay nararapat, subali’t sa loob ng kinasasaklawang inihayag ng Salita ng Diyos. Malinaw na sa kinasasaklawang ito hindi ipinagbawal ng apostol ang gayong bagay, subali’t nakikita na hindi dapat sang-ayunan ang paraan ng pagsasagawa nito. Ang kanyang kinahihindikan ay ang pananalangin o pagpopropesiya ng babae nang walang takip, o ang paggawa ng lalake nang gayundin na may takip (bb. 4, 5). Kapwa binibigyang-diin ng 1 Corinto 14:34-35 at 1 Timoteo 2:11-12 ang katotohanang inihayag sa pamamagitan ng pagtatakip sa ulo ng mga babae sa mga pagtitipon ng ekklesia. Tiyak na wala sa Kasulatan ang magbawal sa mga babae na manalangin o magpropesiya, subali’t magkagayunman magiging kaaya-aya na ang kanyang ulo ay matakpan, ipinakikita na siya ay hindi binigyan ng awtoridad. Maingat na babantayan ng Diyos ang posisyon ng awtoridad na ibinigay sa lalake bilang ang kinatawan ni Kristo na Ulo. Gaya nang kung paanong ang isang Kristiyanong babaeng naglilingkod bilang isang matanda ay tiyak na “naggigiit ng awtoridad sa isang lalake,” ang manalangin o magpropesiya nang walang takip ang ulo ay ang kamkamin ang pagka-ulo.
Sa 1 Timoteo 2:11, sinasabi ni Pablo na ang isang babae ay kailangang matuto sa loob ng katahimikan na may buong pagpapasakop. Ang salitang “heµsychia,” na isinaling “katahimikan” (quietness) dito at “manahimik” (silent) sa bersikulo 12, ay hindi nangangahulugang ganap na katahimikan o walang pagsasalita. Malinaw itong ginamit sa ibang bahagi (Gawa 22:2; 2 Tes. 3:12) upang mangahulugan ang “nanahimik (settled down), hindi natitigatig, hindi magulo. May ibang salita (sigaoµ) na nangangahulugang “manahimik, ang walang sabihin” (cf. Luc. 18:39; 1 Cor. 14:34). Iminumungkahi ni Pablo ang kaayusan sa bersikulong ito. Ang manahimik ang mga babae sa 1 Timoteo ay nangangahulugang hindi maging magulo kundi ang panatilihin ang wastong kaayusan. Ang matuto ang mga kapatid na babae sa loob ng katahimikan at ang mapasaloob ng buong pagpapasakop ay ang matanto nila ang kanilang posisyon bilang mga babae. Iniingatan nito ang mga kapatid na babae mula sa kapangahasan ng paglampas sa kanilang posisyon sa ekklesia lokal.
Pagkatapos sa mga bersikulo 12-13, sinasabi ni Pablo, “Nguni’t hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng awtoridad sa lalake, kundi manahimik. Sapagka’t si Adam ang siyang unang nilalang, saka si Eva.” Pansinin na tuwirang iniuugnay ni Pablo ang usapin ng awtoridad sa kaayusan ng paglikha, na siyang ang unang dahilan upang ipasailalim ng babae ang kanyang sarili sa lalake. Ang ikalawang dahilan ay matatagpuan sa bersikulo 14, “At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae sa pagiging nadaya ay nahulog sa pagsalansang.” Ang dahilang ibinigay rito ay kapansin-pansin, at nagpapakita kung paanong, sa ating mga ugnayan sa Diyos, ang lahat ng bagay ay nakadepende sa orihinal na pinagsimulan. Sa kawalang-muwang si Adam ang may unang puwesto; sa kasalanan, si Eva.
“Si Eva ay nalinlang ng ahas (Gen. 3:1-6) dahilan sa siya ay hindi nanatili sa pagpapasakop sa pagka-ulo ni Adam, kundi lumampas sa kanyang katayuan upang kaugnayin nang tuwiran ang masamang manunukso nang hindi tinakpan ang kanyang ulo. Ito ay ang matibay na batayan para hindi pahintulutan ng apostol ang mga kapatid na babae sa isang ekklesia lokal na magturo nang may awtoridad at maggiit ng awtoridad sa lalake. Sa halip, inutusan sila ng apostol na matuto sa loob ng katahimikan at manatili nang may buong pagpapasakop. Ang pagka-ulo ng lalake ay ang proteksyon ng babae.” (Holy Bible, Recovery Version, I Tim. 2:14, Footnote 142, LSM)
“Ang nilikha ng Diyos ay sinira ni Satanas sa pamamagitan ng isang babae (Gen. 3:1-6). Sa prinsipyo, ang ekklesia na tinubos ng Diyos ay sinira rin ni Satanas sa pamamagitan ng isang babae. Sa kadahilanang ito, hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga babae na magturo sa ekklesia (1 Cor. 14:34-35; 1 Tim. 2:11-12; cf. 1 Cor. 11:5). Ito ay sapagka’t, sa prinsipyo, ang lahat ng heresiya ay naipasok sa pamamagitan ng isang babae; isang babae ang nagpasok ng lebadura.” (W. Lee, What the Kingdom Is to the Believers, p. 136, LSM)
Ang Diyos ay isang Diyos ng kaayusan at katatagan (balance). Ang prinsipyong ito ay totoo para sa lahat ng kapatid na babae, bata man o matanda, may-asawa man o walang asawa. Noong 1981, ibinahagi ni Kapatid Lee ang tungkol sa isang (walang asawang) kapatid na babaeng kamanggagawa na mas matanda kaysa sa kanya:
“Gayunpaman, gaano man siya katanda o gaano man siya “ka-espirituwal”, ano pa man siya, hindi niya dapat kalimutan na siya ay isang kapatid na babae. Natutuhan ko ang isang leksyon mula sa kanya na nagbigay sa akin ng lubos na pagkaalam sa mga kapatid na babae. Wala akong malalim na pagtitiwala para sa mga kapatid na babae, sapagka’t ang mga kapatid na babae ay masyadong natitinag, hindi ganoong katatag, at hindi natatalos ang mas malaking larawan, ang mga tainga ay napakahina, nakikinig sa kaliwa at kanan, nagsasalita ng mahaba at maikli na gaya ng ‘laro ng bata’….Tunay na nadarama ko na ang salita ng Panginoon ay totoong maaasahan. Ang prinsipyo sa Biblia ay yaong kailangan ng mga kapatid na babaeng magtakip ng kanilang ulo.” (W. Lee, History and Revelation, Vol. 1, pp. 276-278, translated from Chinese [English], Taiwan Gospel Book Room)
Minamaliit ba nito ang mga babae sa ekklesia? Hindi kailanman. Si Hesus ay binigyan ng Kanyang awtoridad ng Diyos Ama (Mat. 28:18). Siya ay isinugo ng Diyos (Juan 6:38). Sinabi Niyang ang Ama ay higit na dakila kaysa sa Kanya (Juan 14:28). Minaliit ba nito si Hesus? Hindi naman. Ang mga babae ay napakahalaga sa ekklesia at kailangang maglingkod nang higit at higit pa ayon sa sukat na ibinigay sa kanila.
Ang pagpapasakop ba ng asawang-babae sa asawang-lalake ay nangangahulugang siya ay mas mababa kaysa sa asawang-lalake, mas kaunti ang kahalagahan, o minaliit? Muli, hindi kailanman. Ang hindi pagkakaroon ng katayuan gaya ng lalakeng Kristiyano sa ekklesia ay hindi nangangahulugang ang isang babaeng Kristiyano ay mas mababa ang pagkatao, mas kaunti ang kahalagahan sa Diyos, o mas mababa (inferior). Ang lahat ay pantay-pantay sa harapan ng Diyos maging ito man ay Hudyo, Hentil, malaya, alipin, lalake, o babae; gayunpaman, kailangan nating lahat na panatilihin ang wastong kaayusan sa ekklesia ayon sa dibinong pagkakatalaga. Sa ilalim ng wastong kaayusang ito ang babae ang nagsilang kay Kristo, na siyang tinatawag na ang Binhi ng Babae.
Ang Biyaya ay Sumusuporta sa Pamahalaan
Isang maling pagkaunawa sa katotohanang ipinakita sa Galacia 3:28 ang nagsanhi sa ilan na mag-isip na ang mga pagtuturo sa 1 Corinto 11 ay napawalang bisa. Bagama’t totoong ang kapwa mga talata ay mga dibinong katotohanan, gayunpaman, ang mga paksang tinalakay ay lubhanng magkaiba. Sa Galacia ang paksa ay “pagka-anak”, at ang posisyon ng kalayaan (liberty) at pagpapala na pinagdadalhan sa atin ng biyaya. Ang mga pagkakaiba-iba ng lipi, panlipunang katayuan, at kasarian ay ganap na nawala sa paningin “Kay Kristo-Hesus”; ang lahat ay nakatanggap ng pantay-pantay na katayuan at pagpapala. Ang 1 Corinto 11 ay tungkol sa “Kaayusan ng Ekklesia”. Sa Galacia 3:28 ang Diyos ay nakikitungo sa tao sa pamamagitan ng Kanyang sistema ng biyaya. Sa 1 Corinto 11 at 14 ang Diyos ay nakikitungo sa mga lalake at mga babae sa Kanyang ekklesia sa pamamagitan ng Kanyang sistema ng pamahalaan nang sa gayon ay may wastong kaayusan sa ekklesia para sa kanyang pagtatayo.
Nilinaw ni Kapatid Lee:
“Sa ekklesia ay kapwa may mga kapatid na lalake at kapatid na babae. Sa maraming lugar, lalung-lalo na ngayon, ang mga kapatid na babae ay hindi laang magpasakop sa mga kapatid na lalake. Ang ilang mga kapatid na babae ay lumapit sa akin, na nagsasabing, “Hindi ba ang mga kapatid na babae ay kapantay ng mga kapatid na lalake? Wala bang pagkakapantay-pantay sa pagitan natin? Naniniwala ka ba na ang mga kapatid na lalake ay mas dakila?” Nakatagpo pa ako ng mga kapatid na lalake na naninindigan para sa mga kapatid na babae. Sinasabi nila, “Hindi kami sumasang-ayon na kaming mga kapatid na lalake ay mas mataas kaysa sa mga kapatid na babae. Tayong lahat ay tao. Bakit kailangan pa nating maging iba sa mga kapatid na babae?”
“Sinasabi sa Galacia 3:27-28, “Sapagka’t ang lahat ng nabautismuhan tungo sa loob ni Kristo ay ibinihis si Kristo. Hindi maaaring may Hudyo ni Griyego, hindi maaaring may alipin ni malaya, hindi maaaring may lalake at babae; sapagka’t kayong lahat ay iisa sa loob ni Kristo Hesus.” Ang hindi maaaring may Hudyo ni Griyego ay nagpapakita na sa loob ni Kristo ang suliranin sa mga lipi ay natuos na; ang hindi maaaring may alipin ni malaya ay nangangahulugang sa loob ni Kristo ang suliranin sa mga panlipunang katayuan ay natuos na; at ang hindi maaaring may lalake at babae ay nagpapakita na sa loob ni Kristo ang suliranin sa kasarian ay natuos na. Gayunpaman, sinasabi sa 1 Corinto 12:12-13, “Sapagka’t kung paanong ang katawan ay iisa at may maraming sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan bagama’t marami ay iisang katawan, gayundin naman si Kristo; sapagka’t sa iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat sa iisang Katawan, at tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.” Sinasabi sa Galacia 3 na tayo ay binautismuhan tungo sa loob ni Kristo, samantalang sinasabi sa 1 Corinto 12 na binautismuhan tayo tungo sa iisang Katawan. Gayunpaman, hindi binabanggit ng 1 Corinto 12 ang lalake at babae. Sa loob ni Kristo, ang suliranin sa lalake at babae ay natapos na, subali’t sa ekklesia ay mayroon pa ring lalake at babae. Kung walang suliranin ng lalake at babae, wala nang pangangailangan pang magsalita tungkol sa pagtatakip sa ulo sa naunang kapitulo, kapitulo labing-isa, at wala nang pangangailangan pang magsalita tungkol sa posisyon ng mga kapatid na babae sa pagpupulong ng ekklesia sa kapitulo labing-apat. [Pagdidiin]
“Sa loob ni Kristo, ang suliranin sa lipi, ang suliranin sa lipunan, at ang suliranin sa kasarian ay nawala nang lahat. Subali’t sa ekklesia, bagama’t ang suliranin sa lipi at ang suliranin sa lipunan ay wala na, ang suliranin sa lalake at babae ay nananatili pa rin. Kaya nga, kapag lumalapit ang mga kapatid na babae o mga kapatid na lalake upang magtanong kung bakit mayroong pagkakaiba sa pagitan ng mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae, o kung nadarama ba natin na ang mga kapatid na babae ay dapat magpasakop sa mga kapatid na lalake, ang tanging tugon lamang ay ang magtanong, “Kinukuha mo ba ang pagka-ulo ni Kristo? Ipinapasakop mo ba ang iyong sarili sa pagka-ulo ni Kristo?” Ito ang lulutas sa suliranin. Kung ang lahat ng kapatid na lalake at kapatid na babae na may gayong suliranin ay lalapit sa Panginoon upang ipasakop ang kanilang mga sarili sa Panginoon at kunin ang pagka-ulo ni Kristo, ang suliranin ay nalutas na.” (W. Lee, Basic Principles for the Practice of the Church Life, Chapter 3, Section 3, LSM)
“Ang isang ekklesia ay dapat maging ang lugar kung saan ang Diyos ay namumuno sa kalagitnaan ng mga tao nang sa gayon ang Kanyang trono ay maitatatag. Sa 1 Corinto 11 ipinakita ni apostol Pablo na ang kahulugan ng pagtatakip sa ulo ng mga kapatid na babae sa ekklesia ay ang ideklara na ang Diyos ay ang Ulo ng sansinukob. Ang Diyos ay ang Ulo sa sansinukob, at Siya ay mayroong Kanyang awtoridad sa sansinukob… Ang pagtatakip sa ulo ay hindi isang panlabas na anyo; isa itong tunay na tanda ng pagdedeklara natin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay kinikilala natin ang awtoridad ng Diyos at nagpapasakop sa Kanyang awtoridad at sa pagtatatag ng Kanyang trono sa kalagitnaan natin. Ito ang dahilan na ang ekklesia ay pinagpala. Ang pangunahing dahilan na ang ekklesia ay maihahalo sa Diyos at maihahayag ang Diyos ay sapagka’t hinahayaan ng ekklesia ang Diyos na lumuklok sa trono at mamuno sa loob ng ekklesia. Ito ay isang di-mababagong prinsipyo.” (W. Lee, The Church as the Body of Christ, Chapter 14, Section 1, LSM)
Hinggil sa tugunan sa pagitan ng sistema ng biyaya ng Diyos at sistema ng pamahalaan ng Diyos, itinuro ni Kapatid Nee:
“Nakita natin na hindi kailanman pababagsakin ng biyaya ang pamahalaan ng Diyos….Sinusuportahan ng biyaya ang pamahalaan ng Diyos; hindi nito ito winawasak. Walang sinuman ang magiging napakahangal upang gamitin ang biyaya ng Diyos upang labanan ang Kanyang pamahalaan. Walang sinuman ang makapananakit sa pamahalaan ng Diyos! Patuloy na tinatanganan ng kamay ng Diyos ang Kanyang pamahalaan. Ngayon hinding-hindi mapababagsak ng isang tao ang awtoridad ng kanyang ama dahil lamang nanampalataya siya sa Panginoon. Hinding-hindi niya mapababagsak ang awtoridad ng kanyang amo o ang awtoridad ng pamahalaan dahil lamang nanampalataya siya sa Panginoon. Hindi maaaring sabihin ng isang tao na, “Hindi ko na kailangang magbayad ng buwis dahil isa na akong Kristiyano. Hindi ko na kailangang magbayad ng mga kailangang bayaran.” Walang gayong bagay! Ang katunayan na ikaw ay isang Kristiyano ang nagsasanhi na higit mong kailangang panatilihin ang pamahalaan ng Diyos.
"Ngayon nabubuhay tayo sa mundo upang panatilihin ang Kanyang patotoo. Ipinakikita sa atin ng Panginoon ang tatlong uri ng ulo: ang Diyos ay ang Ulo, si Kristo ay ang Ulo, at ang lalake ay ang ulo. Ito ay lubusang hindi isang usapin sa pagitan ng mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae. Ito ay pangunahing isang bagay ng pamahalaan, hindi isang bagay ng biyaya. Tinatawag tayo ng biyaya na mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae, subali’t ang Diyos ay may isa pang pagsasaayos na may kaugnayan sa Kanyang pamahalaan. Ito ang kalooban ng Diyos, ang namumukod-tanging naisin ng Kanyang puso. Itinatalaga ng Diyos na Siya ay maging ang Ulo, at yaong si Kristo ay magiging ang Isa sa ilalim Niya. Itinatalaga rin Niya na si Kristo ay maging ang Ulo at yaong bawa’t isa ay magpapasakop kay Kristo. Ngayon itinatalaga pa Niya na ang lalake ay magiging ang ulo at yaong ang babae ay magtataglay ng tanda ng pagpapasakop.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Chapter 44, Head Covering, pp. 754-755, LSM)
Pinahahalagahan ng Diyos ang mga Lalake at mga
Babae Dahil sa Kanilang Paglilingkod,
Hindi ang Kanilang Awtoridad
Salungat sa pananaw ng manunulat ng lathalain, ang pagka-ulo ng lalake (kapatid na lalake) sa babae (kapatid na babae) ay walang kaugnayan sa herarkiya o di-pagkakapantay-pantay. Sa kanyang kaisipan, ang gayong salita ay nangangahulugang ang mga babaeng Kristiyano ay mas mababa kaysa sa mga lalakeng Kristiyano. Ang awtoridad ay hindi tungkol sa antas o posisyon ng herarkiya. Ang pamahalaan ng Diyos sa ekklesia ay walang kaugnayan sa herarkiya ng mga tao, kundi ng bawa’t tao na kinikilala ang kanyang katayuan ayon sa pagtatalaga ng Diyos at pinananatili ang katayuang yaon upang tanganan ang Ulo, si Kristo.
Pinahahalagahan ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang paglilingkod, hindi ang kanilang awtoridad (Mat. 20:25-28). Ang mga babae ay kasing kahalaga o pinahahalagahan tulad ng mga lalake. Sila ay naparangalan at nagantimpalaan sa kanilang gawain na kasing taas na gaya ng mga lalake sa kanilang gawain. (Gal. 3:28; 1 Ped. 3:7; Kaw. 31:10-31). Ang pag-aangkin ng awtoridad ay hindi likas na ginagawang dakila ang isang tao. Ang mga taong walang awtoridad ay maaaring maging kasing dakila ng mga yaong nagtataglay nito. Gayunpaman, ang katunayan na ang mga lalake at mga babae ay pantay na pinahahalagahan ay hindi nangangahulugan na inaasahan sila ng Diyos na gumawa ng parehong gawain o ilagay sila sa parehong posisyon. Halimbawa, malinaw na inihahayag ng Biblia na tanging ang mga lalake lamang ang maaaring maging mga matanda sa ekklesia. Sa gayunding paraan, wala tayong mga kapatid na babaeng nagbabautismo ng mga bagong kapatid. Ang gayong pagsasaayos ay walang kinalaman sa di-pagkapantay ng kasarian kundi sa pagtatalaga ng Diyos upang panatilihin ang wastong kaayusan sa ekklesia. Bilang Kanyang mga tagapaglingkod hindi natin pinag-aalinlanganan ang pagsasaayos ng Diyos kundi iginagalang natin at itinataas ito.
Walang pagkakaiba sa kahalagahan sa pagitan ng mga lalake at mga babae, subali’t may magkakaibang mga tungkulin. Inalis na ng gawa ni Kristo ang lahat ng mga pagkakaiba-iba ng pribilehiyo (Gal. 3:28). Ang bawa’t mananampalataya, kahit na lalake o babae, ay isang saserdote sa Diyos (Heb. 13:15). Bilang isang banal na saserdote (1 Ped. 2:5) at isang maharlikang saserdote (1 Ped. 2:9), maaari tayong lahat na makapaglingkod sa Diyos sa pansansinukob na pagkasaserdote. Gayunpaman, tulad sa loob ng tahanan, ang mga lalake at mga babae ay may magkakaibang mga tungkuling ginagampanan sa ekklesia. Ang kaayusan ng ekklesia, gaya ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari o ng alpabetikal na pagkakaayos, ay walang kinalaman sa kahalagahan. Ito ay naitatag na ng Diyos nang sa gayon ang lahat ng bagay ay magagawa nang wasto at nasa kaayusan (1 Cor. 14:40).
Ayon sa 1 Corinto 11:3 tatlong pagka-ulo ang ipinahayag dito: Diyos-Kristo-tao. Ang kaisipan sa pagka-ulo ay awtoridad, kontrol at ang kaugnay na bagay ng pagpapasakop, pagpapasailalim. Ang isang lalakeng Kristiyano ay nasa ilalim ng pagka-ulo ni Kristo; ang babaeng Kristiyano ay dapat mapasailalim sa pagka-ulo ng lalake; maging si Kristo, para sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos hinggil sa pagtutubos ay inilagay ang Kanyang Sarili, nang narito pa sa lupa, na lubusang napasasailalim tungo sa Ama. Ang pagbanggit kay Kristo ay nag-aalis sa lahat ng kaisipan ng pagiging mababa (inferiority), sapagka’t hindi kailanman maaaring magkaroon ng pagpapakilala o anumang panukala ng pagiging mataas o pagiging mababa sa pagka-Diyos. Subali’t, upang ang walang hanggang mga payo ng biyaya at pagliligtas ay matupad, kinuha ng Anak ang posisyon ng pagpapasailalim sa panahon ng Kanyang makalupang paglalakbay. Anong sakdal na Halimbawa! Anong paggaganyak na tularan ang Kanyang pagkamasunurin!
Bagama’t ang mga kapatid na babae ay kailangang magpasailalim sa mga kapatid na lalake sa ekklesia, hindi ito nangangahulugan na ang mga kapatid na lalake ay namamanginoon sa mga kapatid na babae. Sa Efeso 5:21-33, na nagsasalita hinggil sa kaugnayan ng asawang lalake at asawang babae, ang mga asawang babae ay hinikayat na magpasailalim sa kanilang mga asawang lalake, subali’t dapat mahalin ng mga asawang lalake ang kanilang mga asawang babae sa isang nagsasakripisyong paraan gaya ni Kristo na inibig ang ekklesia at ibinigay ang Kanyang Sarili para sa kanya. Sinasabihan ng Biblia ang mga asawang babae na magpasailalim sa kanilang mga asawang lalake, subali’t sinasabihan nito ang mga asawang lalakeng mahalin ang kanilang mga asawang babae, hindi ang mamuno sa kanila. Kapwa sila ginawa upang maging kaaliwan at pagpapala sa isa’t isa, hindi sa isa yaong alipin at ang isa nama’y malupit na panginoon. Kapwa sila ay magiging isang laman (Gen. 2:24), at ito ay para sa pagsasakatuparan ng pag-aatas ng Diyos. Sila ay mga nagtutugunang instrumento sa paglikha ng bawa’t isa. Yamang kalooban ng Diyos na malaman ng babae ang kanyang tamang puwesto, gayundin kalooban Niya na huwag abusuhin ng lalake ang kanyang awtoridad.
“Tingnan natin nang malinaw na sa loob ng ekklesia, may pangangailangan para sa isang espirituwal na kaayusan, at ang kaayusang ito ay nagmumula lamang sa pagkaulo ni Kristo na natatanto natin sa isang praktikal na paraan. Kung wala ito, walang posibilidad na maisagawa natin ang tunay na buhay-ekklesia. Tumitingin tayo sa Panginoon para sa bagay na ito. Ito ay napakapangunahin at napakahalaga. Kung taglay natin ito, mayroon tayong buhay-ekklesia. Kung hindi natin taglay ito, ang buhay-ekklesia ay wala na. (W. Lee, Basic Principles for the Practice of the Church Life, Chapter 3, Section 3)
Hindi Nagkakaroon ng Pagtatalu-talo
Ang mga taong nagdududa sa pagka-ulo ng lalake sa babae sa katunayan ay nagdududa rin sa pagka-ulo ni Kristo sa lalake at ng Diyos kay Kristo, sapagka’t sa ganitong kaayusan isinaayos ng Diyos ang pagka-ulo. Ito ay di-sasang-ayunan at di-tatanggapin ng mga yaong nagpapamalas ng maliit na pagpapahalaga sa awtoridad ng Diyos at sa Kanyang Banal na Salita!
“Sinasabi ng bersikulo 16, “Datapuwa’t kung tila mapagtalu-talo ang sinuman, wala kaming gayong ugali ni ang mga ekklesia man ng Diyos”....Ano ba ang pinagtatalunan? Ang mga bersikulo 1 hanggang 15 ay nagsasalita tungkol sa pagtatakip sa ulo. Kaya, ang pinagtatalunan ay tungkol sa pagtatakip sa ulo. Subali’t sinabi ni Pablo na mali para sa kaninuman na maging mapagtalu-talo. Ang bagay ng pagtatakip sa ulo ay hindi dapat pagtalunan....Para sa lalake na hindi takpan ang kanyang ulo at para sa babae na takpan ang kanyang ulo ay isang utos na bukod-tanging ibinigay ng mga apostol ng Diyos at isang kaugaliang namumukod-tangi sa mga ekklesia ng Diyos.” (W. Nee, The Collected Works of Watchman Nee, Volume 50, Chapter 44, Head Covering, pp. 762-763, LSM)
“Sa pangangasiwa sa mga gawain ng ekklesia, ninanais ng Diyos ang lalake na maging ang ulo ng babae. Samakatuwid, kailangang matutuhan ng mga kapatid na babaeng magpasailalim sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Kung may ilan sa mga kapatid na babae na makapaglilingkod sa iba, maaari nilang gampanan ang gawain ng paglilingkod na ito. Subali’t kung may anumang bagay na dapat pagpasyahan, ang mga pagpapasya ay dapat gawin ng mga yaong responsable gaya ng mga matanda....Ang ilang kapatid na babae ay maaaring may mga kaloob at iginagalang ng ibang kapatid na lalake at kapatid na babae, subali’t ang usapin ng posisyon at awtoridad ay higit na mahalaga sa Biblia kaysa sa usapin ng kaloob, at ang usapin ng katotohanan ng Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa usapin ng kakayahan....Bakit kailangan ng mga kapatid na babae na sumunod sa alituntuning ito? Ang dahilan ay yaong ang mga kapatid na babae ay madaling maging emosyonal at madaling malinlang. Ang mga matanda ay naririyan upang protektahan ang mga kapatid na babae. Kung ang lahat ng bagay hinggil sa ekklesia ay pinagpapasyahan ng mga kapatid na lalake, mapoprotektahan ang mga kapatid na babae at sila ay maiingatan sa kanilang natatakpang posisyon, at maiiwasan nila ang maraming suliranin....Taglay ng mga matanda ang isang responsabilidad na pangasiwaan nang wasto ang mga bagay na may kaugnayan sa mga kapatid na babae. Habang ang mga kapatid na babae ay nakatayo sa batayan ng pagpapasakop sa pamamagitan ng pagpapasakop sa awtoridad ni Kristo, hindi dapat iwasan ng mga matanda ang kanilang responsabilidad dahil sa takot na masaktan ang mga kapatid na babae o makapukaw ng paghihinala. Mangyari pa, may mga limitasyon sa awtoridad ng mga matanda. Subali’t hindi natin dapat kaligtaan na si Barak ay nauuna kay Deborah at naging takip sa ulo ni Deborah (tingnan ang Huk. 4:4-7).” (W. Nee, The Assembly Life, Chapter 1, pp.27-28, LSM)
Ang Halimbawa ni Deborah at Barak
“Bago pa ang kasaysayang itinala sa Hukom 4 at 5, ang bayan ng Israel ay himdi pa kailanman nagkaroon ng isang babaeng pinuno. Pagkatapos, kapagdaka, ibinangon ng Panginoon ang isang babae, si Deborah, bilang isang hukom ng Israel. Hinggil dito, kailangan nating matanto na sa Biblia, tuwing ang Diyos ay gumagawa ng isang bagay na nangingibabaw bilang labis sa karaniwan, ito ay lubhang mahalaga. Isinasaad nito, una, ang pagkatisod ng tao, at pagkatapos, ang napakahusay na paggawa ng Diyos. Sa panahon ng Hukom 4, ang lahat ng lalake ng Israel ay binigo ang Diyos, na nagpilit sa Kanyang magbangon ng isang babae. Ang pagbabangong iyon ng isang babae ang nagpabago sa buong kondisyon ng Israel.
“Ayon sa paglikha ng Diyos, si Deborah ay isang taong puno ng kakayahan. Sa pagbasa sa kanyang awit sa kapitulo lima, makikita natin na siya ay punô ng abilidad, kakayahan, maliwanag na pagkaunawa, at pagkaintindi sa maaaring mangyari sa hinaharap. Subali’t ang isang gayong napakahusay na tao ay lubos na mapagpasakop. Ginawa siya ng Diyos na isang pinuno, gayunpama’y pinanatili niya ang wastong kaayusan at kinuha si Barak bilang kanyang pantakip (Huk. 4:6-9; cf 1 Cor. 11:3, 5-6, 10). Napagtanto niya na kailangan niya ang isang lalake upang maging kanyang pantakip. Sa katunayan, halos walang ginawa sa Barak, gayunpaman kinuha siya ni Deborah bilang kanyang “takip sa ulo.” Nang kinuha niya ang ganitong uri ng katayuan, ang buong bayan ay naging iba. Sa kanilang kalunus-lunos na kalagayan walang sinuman ang mangunguna upang ipaglaban ang kapakanan ni Jehovah, at walang sinuman ang nagnanais sumunod. Nguni’t nang kinuha nitong napakahusay, katangi-tanging babae ang pangungunang isagawa ang pagpapasakop ng babae tungo sa lalake, ang buong bansa ay napasa wastong kaayusan. Ang bawa’t isa ay bumalik sa kani-kanilang wastong katayuan. Kaya nasasabi ni Debora sa kanyang awit, “Nagsibaba nga ang mga labi sa mga mahal; / Ang bayan ni Jehovah ay bumaba kasama ko laban sa mga makapangyarihan” (5:13). Ang lahat ng mga pinuno ay nanguna, at ang buong bayan ay sumunod; nabuo ang hukbo. Sa simula, ilan lamang sa mga tao ang sumunod, nguni’t sa kalaunan silang lahat ay sumunod. Mula rito makikita natin na ang buong bansa ay napasa isang napakahusay na kaayusan, kinukuha ang wastong katayuan sa harap ni Jehovah.” (W. Lee, Life-Study of Judges, Message 4, pp. 15-16, LSM)
“Sa gitna ng mga tao ay nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso at mga pagsasaliksik sa mga puso (5:15-16), at bumangon sila upang sundan ang iba na makipagbaka para sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Israel ay lumaban sa ilalim ni Deborah sa isang wastong kaayusan, ang Diyos ay nakipagbaka para sa kanila (bb. 14-24).” (Holy Bible, Recovery Version, Judges 4:4, Footnote 41, LSM)
Isang Seryosong Babala
Ang lumilihis na lathalain nitong kapatid na babae ay isang pagpapatunay na kailangan nating mapanatili sa prinsipyo ng isang paglalathala kung saan tayo ay pinangunahan ni Kapatid Lee sa pagsasagawa. Sa paggawa nito, mapananatili natin ang kaisahan at isang puso’t kaisipan sa kalagitnaan natin sa pamamagitan ng hindi pagpapapasok ng mga iba’t ibang pagtuturo at mga ministeryo upang linlangin ang mga inosente at mga nagtitiwalang banal at maminsala sa mga ekklesia. Ang mga banal ay dapat na maging maingat na huwag magbasa ng kahit ano na lang sulatin na lumalabas, kundi gamitin nang husto ang kanilang panahon at lakas upang sumisid tungo sa mga aklat ng ministeryo nang sa gayon sila ay masangkapan ng katotohanan.
Hindi lamang ito ang tanging pagkakataon na siya ay nagturo nang naiiba. Nabulagan ng kanyang masidhing pagnanasang maglingkod, mali niyang pinagpipilitan na ang pansansinukob na paglilingkod sa ekklesia ay nangangahulugan na “ang lahat ng mga banal, kapwa mga kapatid na lalake at kapatid na babae, ay dapat kumuha ng bahagi sa lahat ng paglilingkod sa ekklesia at sa gawa ng Panginoon.” [Pagdidiin] Upang masuportahan ang kanyang sariling interpretasyon kung paanong dapat isagawa ang bahay-bahay na pagpupulong ng Hapag ng Panginoon, itinuro niya na “sa alinmang bahagi ng Banal na Kasulatan ay wala tayong matatagpuan na pagpipira-piraso ng tinapay na isinagawa sa “templo” o sa malakihang pangkonggregasyong pagpupulong ng mga banal”, na ipinagwawalang-bahala ang 1 Corinto 11. Upang patunayan ang kanyang punto na ang bahay-bahay na pagpupulong ng Hapag ng Panginoon ay nangangailangan lamang ng dalawa o tatlo na magkatipon, iniba niya ang kahulugan ng pagpipira-piraso ng Panginoon ng tinapay kasama ang dalawang disipulong patungong Emaus (Lucas 24) at ginawa itong isang pagpupulong ng hapag ng Panginoon. Upang ilarawan ang kanyang pagiging isang Antipas, mali ang kanyang pagkapahayag na “si Antipas ay magiging ang tagatanggap ng pagpapala ng Diyos sa paraan ng pagkakaroon ng maraming espirituwal na bunga para sa pagpaparami ni Kristo at kaluwalhatian ng Diyos,” na taliwas sa tala sa Biblia sa Apocalipsis 2. Upang itaguyod ang kanyang estilo ng bahay-bahay na pagpupulong ng Hapag ng Panginoon, pinasulong at itinaas niya ang isang inilarawang pagsasagawa tungo sa pagiging isang ganap na pagtuturo at pamatok na ngayon ay nagbabanta ng panganib sa Gawa at sa mga ekklesia. Upang mabigyang katuwiran ang kanyang pagsuway sa mga matanda ng ekklesia kung saan siya naglilingkod, nagpaparangya siya ng kanyang mga kredensyal at mga nakaraang nagawa, pinananatili na bilang isang nauna (pioneer) sa ekklesia, malaya na siyang di-magpasakop sa mga matanda. Upang palakasin ang kanyang posisyon sa ilang bagay, siya ay nagpapakita ng patuloy na gawi ng pagpilipit ng mga salita mula sa ministeryo o nang pagbaluktot sa mga katotohanan. Ang mga ganitong paglihis at mga kamalian sa pagtuturo ng ating kapatid na babae ay nagbababala sa atin na tumalima sa mga pag-uutos ng apostol na huwag igiit ng mga babae ang awtoridad sa mga lalake sa pamamagitan ng pagtuturo nang may awtoridad. Narito mismo ang pangangailangan para sa pagtatakip sa ulo sa 1 Corinto 11.
Isang Pangwakas na Salita
Ang Diyos ay may isang ekonomiya na ipamahagi ang Kanyang Sarili tungo sa Kanyang pinili at tinubos na bayan nang sa gayon sila ay maitayo bilang ang ekklesia, ang Kanyang organikong Katawan, upang mapasukdol sa Bagong Herusalem. Ang ekonomiyang ito ay ang Kanyang plano at pagsasaayos nang sa gayon ay matamo natin si Kristo para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo. Ang pagdaloy ng dibinong pamamahagi sa Banal na Lungsod ay nagmumula sa trono ng Diyos at ng Kordero. Ang trono ng Diyos ay ang sentro ng sansinukob at ang sentro ng Bagong Herusalem. Ito ay ang pinagmumulan kung saan ang lahat ng dibinong pagpapala ay dumadaloy. Upang matanggap ang Kanyang pamamahagi, kailangan nating magpasakop sa Kanyang pagsasaayos at panatilihin ang kaayusan sa Katawan upang tanganan ang Ulo. Ang pagpapasakop ng mga kapatid na babae sa pagka-ulo ng mga kapatid na lalake ay nangangahulugan lamang ng pagsunod ng mga kapatid na babae sa mga kapatid na lalake na sumusunod kay Kristo. Ang gayong pagsunod ay hindi naiiba sa ating pagsunod sa mga nangungunang kapatid na lalake. Ang mga nangungunang kapatid na lalake ay nasa unahan sa pagkakasunud-sunod, sa dibinong pagsasaayos. Hindi ito tungkol sa posisyon o sa isang herarkiya. Upang matanggap ang pamamahagi, kailangan nating magpasakop sa pagsasaayos o tayo ay mapuputol.
Pakinggan nawa natin ang mga salita ni Kapatid Nee:
“Ang mga gawain ng Diyos ay nagmumula sa trono ng Diyos; ang trono ng Diyos ay naitatag sa ibabaw ng awtoridad. Kung nais nating maglingkod sa Diyos, dapat nating malaman ang awtoridad ng Diyos… Si Satanas ay naging Satanas dahil nilampasan niya ang awtoridad ng Diyos. Ang pagrerebelde ay ang sanhi ng pagbagsak ni Satanas… Ang posibilidad ay umiiral sa gawain ng Diyos na sa prinsipyo ay maaari tayong tumayo sa panig ni Satanas, samantalang sa doktrina ay tumatayo tayo sa panig ni Kristo. Sa lahat ng panahon, inaakala natin na ginagawa pa rin natin ang gawain ng Panginoon. Ito ay isang napakasamang bagay. Si Satanas ay hindi takot sa ating pagpapahayag ng mga salita ni Kristo. Natatakot lamang siya sa ating pagpapasakop sa ilalim ng awtoridad ni Kristo.
“Ang pinakadakilang kahilingan sa buong Biblia [ay] ang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos… Ang pinakadakilang kahilingan ng Diyos sa tao ay pagpapasakop. Inutusan ng Diyos si Saulo na puksain si Amalec at lubusang wasakin ang lahat ng mayroon sila (1 Sam. 15). Gayunpaman, pagkatapos mapanaigan ni Saulo ang mga Amalecita, nanghinayang siyang patayin si Agag na hari ng Amalec, at pinahalagahan ang pinakamaiinam na tupa at baka at lahat ng mabuti, at tinanggihang wasakin ang mga ito, na umaasang ialay sa halip ang mga ito bilang mga handog sa Diyos. Subali’t sinabi ni Samuel sa kanya, “Ang pagsunod ay maigi kaysa hain, at ang pagdinig kaysa taba ng mga tupang lalake.” (W. Nee, Authority and Submission, pp. 7-10, LSM)
“Ang lahat ng ating gawain ay kailangang isagawa mula sa pagpapasakop. Kung walang pagpapasakop, walang gawain at walang paglilingkod.” (W. Nee, Authority and Submission, p. 16, LSM)
At matuto nawa tayo mula sa halimbawa ng sariling patotoo ni Kapatid Lee:
“Noong 1948… sa kalagitnaan namin ay may maraming kapatid na babaeng kamanggagawa na labis na natuto at pinanatili ang kanilang wastong posisyon sa loob ng kaayusan. Pinanatili nila ang wastong kaayusan hanggang sa sukdulang ninais kong maging isang kapatid na babae. Napakainam na maging isang kapatid na babae sapagka’t maaaring magtanong ang isang kapatid na babae sa mga kapatid na lalake hinggil sa bawa’t bagay. Hindi natin dapat isipin na maginhawa ang maging nasa isang mas mataas na posisyon. Ang pinakamaginhawang bagay ay ang tumayo ang isang tao sa posisyong ibinigay ng Panginoon sa kanya. Kung mananatili siya sa kanyang posisyon, siya ay masisiyahan at magiging maalwan. Hindi natin dapat isipin na mas kasiya-siya ang pamahalaan ang mga tao na gumawa ng mga bagay. Ang pagiging nasiyahan at maalwan ay hindi isang bagay ng pamamahala sa mga tao o ng pagiging napamahalaan. Ito ay pawang nakadepende sa kung pinananatili ba natin o hindi ang wastong kaayusan.” (W. Lee, The Organization of the Church, p. 44, LSM)
Ninanais ng Diyos na ang ekklesia ay una munang gawing kaharian ng Diyos. Ang Diyos ay may iisa lamang layunin sa ekklesia, yaon ay ang ihayag ang Kanyang awtoridad sa sansinukob sa pamamagitan nito. Ang pagbabawi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga ekklesia lokal ay ang ibalik tayo sa orihinal na intensyon ng Diyos. Ang pagbabawi sa ngayon ay nakaabot na sa yugto ng Katawan. Kapag naabot natin ang pagbabawi ng koordinasyon ng Katawan at ang kahayagan ng awtoridad, naabot na natin ang pangwakas na pagbabawi. Kailangan nating magsanay upang kunin ang Panginoon bilang ang Ulo at upang matanto ang Kanyang pagka-ulo sa kalagitnaan natin sa isang praktikal na paraan. Kasing mali na kunin ng isang babae ang posisyon ng lalake gaya ng sa kunin ng lalake ang posisyon ni Kristo. Kailangan nating lahat na panatilihin ang kaayusan sa pampamahalaang pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakamagandang patotoo at ang pinakakagila-gilalas na larawan. Ito ang nagsasanhi kay Satanas na manginig, at ito ang magpapabagsak sa kanyang kaharian.
(Nobyembre 22, 2009)