"Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa pagtuturo, upang mahikayat niya sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo, at mapaamin sa sariling kasalanan ang mga nagsisisalansang." - Tito 1:9

The Church in Malabon

19 Liwayway St., Acacia, Malabon City
Tel. #287-2225 / 288-9231

Mayo 2, 2010

Minamahal na Sister Charing Garcia,

Pinasasalamatan namin ang Panginoon para sa maraming taon mong pagpapagal kasama namin sa Malabon, at pinahahalagahan namin ang iyong patuloy na kasigasigan at pagiging maalab na magpahayag ng ebanghelyo. Tiyak naming pinaniniwalaan na sa aspektong ito ang iyong pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon (1 Cor. 15:58). Ang iyong pagpapagal sa iba pang aspekto ng paglilingkod ay higit pa sanang makatutulong, at ang ating koordinasyon ay magiging mas matamis kung ang marami lamang sa iyong mga gawain sa kamakailang taon ay hindi nakapukaw ng seryosong pagkabahala mula sa mga kamanggagawa (co-workers), mga matanda (elders), mga ekklesia at mga nakikipagkoordinang banal, na nagdala ng mga bagay na ito sa aming pansin. Sa kadahilanang ito, isinusulat namin ang napakabigat na salamuhang ito sa iyo.

Sa pasimula pa lamang, nais naming bigyang-linaw na ang mga ito ay hindi mga bagay ng mga personal na galit, ni ang mga ito ay tumutukoy sa pagpapahayag ng ebanghelyo o pagpapastol sa mga banal. Wala kaming usaping personal laban sa iyo. Ang aming isinasaalang-alang, sa halip, ay tungkol sa tatlong mahahalagang bagay: (1) ang katotohanan kung saan ikaw ay lumihis, (2) ang iyong mga mapagbaha-bahaging paraan ng paggawa at ang ibang gawaing iyong naisagawa na walang kapanagutan sa Katawan at hindi kinukuha ang Katawan bilang ang namamahalang prinsipyo nito, at (3) ang iyong mga mapanirang aktibidad na laban hindi lamang sa mga matanda at mga nakikipag-ugnayang kapatid ng Cluster 2 sa Malabon, bagkus maging ang pagiging laban din sa ilang matanda sa Metro Manila, ilang kamanggagawa rito at mula sa Taiwan, at ilan sa mga blending brothers sa Estados Unidos.

ANG IYONG PAGTUTURO NANG NAIIBA

Kailangan nating maging tapat sa pagsunod sa pagtuturo ng mga apostol gaya nang inihatid sa atin sa pamamagitan ng ministeryo nina kapatid Watchman Nee at Witness Lee. Ang nilalaman ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos ay ang pagtuturo ng mga apostol. Ang lumihis mula rito ay isang seryosong bagay, gayunpaman sa iyong mga sulatin sa mga nagdaang ilang taon, nagpatuloy ka sa pagtuturo nang naiiba, nagtuturo nang mali, at nagtuturo nang may pagwawalang-bahala sa pag-aatas ni apostol Pablo sa mga babae na huwag angkinin ang awtoridad mula sa mga lalake sa pagtuturo nang may awtoridad (1 Tim. 2:11-12).

Marami sa iyong mga sulatin sa “seekers” website ay naglalaman ng mga paglihis kapwa mula sa mga katunayan at mga katotohanan sa Bibliya. Patuloy mo ring binabaluktot at binabago ang ibig sabihin ng mga salita na sinipi mo mula kina kapatid Nee at Lee. Malinaw na naming ipinakita sa iyo ang gayong mga paglihis mula sa katotohanan sa ating pagpupulong noong Enero 27. Gayunpaman nang tuwiran hainan ka ng mga kongkretong halimbawang ito, nagdunung-dunungan ka upang makahulagpos, mapanghamon na nagsabing walang mali sa iyong mga pagtuturo o mga lathalain, at buong pagtitiwala sa sarili na ipinahayag na ipagsasanggalang mo ang mga lathalaing iyong isinulat. Sa pamamagitan nito pamuli naming itinala sa ibaba ang iba’t ibang pagtuturo na ikinakalat mo at ng iyong mga tagasunod na malinaw na nagsasaad ng isang paglihis mula sa katotohanan sa Bibliya:

  1. Ipinagpipilitan mo ang tungkol sa “Pansansinukob na Paglilingkod,” na binigyan mo ng panibagong kahulugan na “ang lahat ng mga banal, kapwa mga kapatid na lalake at mga kapatid na babae, ay dapat makibahagi sa lahat ng paglilingkod sa ekklesia at sa gawa ng Panginoon” [Ang pagdidiin ay idinagdag]. Malinaw na hindi ito gayon yamang walang mga babaeng elders (matanda), ang mga kapatid na babae ay hindi maaaring magturo ng katotohanan nang may awtoridad, at walang kapatid na babae ang nagbabautismo sa gitna natin;
  2. Iginigiit mo na para ituro ng sinuman na “ang mga kapatid na babae ay kailangang magpasakop sa mga kapatid na lalake” sa prinsipyo ng pagtatakip sa ulo sa ekklesia ay hindi ayon sa kasulatan, sa kabila ng malinaw na salita sa 1 Corinto 11 na ipinaliwanag sa atin kapwa nina kapatid Nee at Lee, mga salitang iyong binaluktot upang umangkop sa iyong hangarin;
  3. Upang bigyang-katuwiran ang iyong pagtangging mapasailalim ng pagtatakip sa ulo ng mga kapatid na lalake, binigyan mo ng panibagong kahulugan ang pagtatakip sa ulo at nilimitahan ang aplikasyon nito tangi lamang sa mga pang-etikang pantaong kaugnayan;
  4. Upang suportahan ang iyong sariling pagpapakahulugan kung paano dapat isagawa ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginooon, itinuro mo na “sa alinmang bahagi ng Banal na Kasulatan ay wala kang masusumpungang pagpipira-piraso ng tinapay na isinagawa sa ‘templo’ o sa malakihang pangkongregasyong pagpupulong ng mga banal,” ipinagwawalang-bahala ang Gawa 20:7 at 1 Corinto 11:20;
  5. Upang mapatunayan mo ang iyong punto na ang bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon ay nangangailangan lamang ng dalawa o tatlo na magkatipon, lisya mong ginamit ang pagpipira-piraso ng tinapay ng Panginoon kasama ang dalawang disipulong pababa nang Emaus (Luc. 24:13-55) at ginawa itong isang pagpupulong ng hapag ng Panginoon, gayong hindi naman;
  6. Upang ilarawan ang iyong sarili bilang isang Antipas, walang kawastuan na isinaad mo na “si Antipas ay magiging ang tagatanggap ng pagpapala ng Diyos sa paraan ng pagkakaroon ng maraming espirituwal na bunga para sa pagpaparami ni Kristo at ng kaluwalhatian ng Diyos,” na salungat sa tala ng BIbliya sa Apocalipsis 2:12-17 kung saan si Antipas ay hindi kailanman iniugnay sa mga bunga at pagpaparami;
  7. Sa iyong sulatin na naghahasik ng mga binhi ng paghihinala at pagsuway sa mga banal tungo sa mga matanda, nagdagdag ka ng mga kahilingang hindi naman hinihiling ng Bibliya para sa pagkamatanda gaya ng “paninirahan sa lokalidad ng ekklesia kung saan ang kapatid na lalake ay isang matanda” o “ang asawang-babae at mga anak ng isang matanda na kailangang ibigin/ipamuhay ang buhay-ekklesia,” at iba pang di-mahalaga gayunpaman ay mga mapagmataas na paratang laban sa mga matanda na wala namang batayan sa Salita;
  8. Upang ipuntos na ang isang apostol ay tanging sa Espiritu Santo lamang may kapanagutan, nagmungkahi ka ng isang di-naaayon sa Kasulatan na pagtuturo na si Barnabas ay naalisan ng kanyang pagkaapostol sa Gawa 15, sa kabila ng pagpapatibay-muli ni Pablo ng pagkaapostol ni Barnabas sa 1 Corinto 9:6 na kanyang itinala sa ilalim ng dibinong inspirasyon pagkatapos na siya at si Barnabas ay naghiwalay sa gawa;
  9. Upang itaguyod ang iyong estilo ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon, iyong isinulong at itinaas ang isang inoobserbahang pagsasagawa tungo sa isang ganap na idinidiktang pagtuturo at pamatok at ipinipilit ito sa mga ekklesia sa pamamagitan ng iyong Yellow Book, website at iba pang mga sulatin;
  10. Sa labis na pagbibigay-diin sa bagay ng bahay-bahay na pagpupulong ng hapag ng Panginoon, iginigiit mo na ito ang pinakamagaling na paraan upang pabalikin ang Panginoon, gayunpaman malinaw na ipinakikita ng ministeryo sa atin na ang pagpapabilis ng pagbabalik ng Panginoon ay walang kinalaman sa anumang pagsasagawa ng pagpupulong, sapagka’t ang realidad ng Katawan ni Kristo at ang pagkahayag ng awtoridad ang nagpapabilis sa Kanyang pagbabalik;
  11. Upang bigyang-katuwiran ang iyong di-pagsunod sa mga matanda sa Malabon, itinuturo mo na bilang isang “nauna“ sa ekklesia, malaya ka nang hindi magpasakop sa mga matanda na lahat ay huling pumasok, sa halip ay ang mga matanda ang kailangang magpasakop sa iyo;
  12. Pinaghalo ninyo ang “ihiwalay” sa “bawalang makipagsalamuha” at “putulin”, at sa kutob ninyo ng isang posibleng paghihiwalay, ay gumawa kayo ng isang kakaibang pahayag na itinuro ni Brother Lee na, “Walang Kristiyano ang maaaring maputol mula sa Katawan ni Kristo malibang gawin niya ang mga kasalanan sa 1 Corinto 5“ na diumano ay ibinatay sa Elders’ Training Book 4, p. 76, gayong hindi naman yaon ang nais na ipakahulugan ng mga salita ni Brother Lee;
  13. Nang isa-isahin mo ang iyong mga sariling pamantayan upang maabsuwelto ka sa pagkakabaha-bahagi, nilimitahan mo ang pagkakabaha-bahagi na mangahulugan lamang na: (1) hindi nagpupulong sa lokal na batayan ng kaisahan, (2) hindi pagdadala ng mga bunga sa ekklesia kundi sa sarili niya, at (3) hindi pagdadala ng mga offering sa ekklesia kundi itinatago para sa sarili;
  14. Upang ang iyong website ay hindi mapasailalim ng pagiging isang “gawa sa loob ng gawa,” binigyan mo ito ng panibagong kahulugan sa pamamagitan ng pagtuturo na ang gayong gawain ay umiiral lamang kung saan (1) ang mga kaluluwang natamo para kay Kristo ay ibinibigay sa grupo ng mga naglilingkod sa web site; (2) ang mga kaluluwa ng mga bagong mananampalataya ay hindi ibinibigay sa mga ekklesia lokal; at (3) ang mga offering ay hindi ibinibigay sa mga ekklesia lokal kundi para sa isang hiwalay na organisasyon na naibangon ng grupo na naglilingkod sa web site na ito;
  15. Binibigyang-kahulugan mo ang “manatili sa puno ng ubas” na kailangang may kaugnayan lamang sa “pamumunga” at “pagpaparami” na walang pagsasaalang-alang sa Salita, ipinagwawalang-bahala ang isang mahalagang paunang kahilingan na ang hayaang manatili ang Panginoon sa atin ay ang hayaan ang Kanyang mga salita na manatili sa atin (Juan 15:7);
  16. Inilalarawan mo ang iyong sarili na isang bituing nagniningning at ipinahihiwatig mo na ang mga nangungunang kapatid sa gawa at mga matanda sa mga ekklesia ay mga bituing gala;
  17. Winawasak mo ang awtoridad sa ekklesia sa pamamagitan ng pagtuturo na ang pagdami sa bilang at ang pangsyon ng mga sangkap lamang ang batayan para sa awtoridad, nagsasaysay ng mga hindi buong katotohanan sapagka’t sa mga mismong pahina na sinipi mo mula kay Brother Nee, ang unang aytem na kanyang inilahad tungkol sa mga kinatawang awtoridad sa ekklesia ay hinggil sa mga matanda, na iyong di-binigyang pansin at itinago mula sa iyong mga mambabasa, samakatuwid ay binabago ang kahulugan ng kanyang mga salita nang lubusan;
  18. Itinuturo mo na ang isang kamanggagawa ay responsable sa Diyos lamang, walang kapanagutan sa iba, at hindi maaring malimitahan ng mga tao sa anumang paraan;
  19. Itinaas mo ang isang kamanggagawa sa isang posisyon na mas mataas kaysa sa mga matanda at mga banal upang mamanginoon sa kanila, at iginiit pa na ang mga matanda ay walang katayuang sumulat ng mga liham ng salamuha sa iyo; at
  20. Binago mo ang maraming katunayan sa Bibliya sa iyong mga sulatin katulad ng mga yaong nauukol kina Teofilo, Cornelio, Felipe, at sa bating na taga-Ethiopia, atbp, nagdaragdag at nagbabawas mula sa mga katunayan sa mga Kasulatan.

Ang mga ito at iba pang mga aytem ng paglihis ay naitala na ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari at iwinasto, at ngayon ay nailathala sa web site na www.healthyteaching.org na maaari mong bisitahin upang makuha ang lubos na mga detalye upang makita kung hanggang saan ang iyong paglihis.

ANG IYONG MGA MAPAGBAHA-BAHAGING PARAAN NG PAGGAWA AT PANSARILING GAWAIN

Salungat sa kung ano ang nais mong paniwalaan ng mga tao, ang mga pagpapahayag ng ebanghelyo at mga pantahanang pagpupulong ay hindi ang pinag-uusapan dito, Sister Charing. Ang pinag-uusapan ay ang iyong tiwaling pamamaraan at kakatwang estilo ng paggawa na nagsasanhi ng pagkasira at pagkakabaha-bahagi sa Katawan. Hinihiling namin na isaalang-alang mo ang mga sumusunod:

  1. Ang pagtanggi mong malimitahan sa isang gawain ng paglalathala sa pagbabawi ng Panginoon gaya nang itinuro nina kapatid Nee at Lee;
  2. Hindi wastong paggamit sa pangkalahatang pamana na taglay natin sa pagbabawi ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-angkin na ang mga nilalaman ng iyong web site (na pangunahing nauukol sa mga bagay ng gawa, ministeryo at ekklesia) ay iyong “personal copyright” (pangsariling karapatan na maglathala};
  3. Maling paraan ng paggamit sa Bagong Tao, ang opisyal na lathalain ng gawa para sa kapakinabangan ng mga ekklesia, upang ihinga ang iyong mga sama ng loob, isulong ang mga mapagtutol na pananaw, magpataw at magdikta sa mga nangungunang kapatid na lalake, itaguyod ang iyong sariling gawain, at siraan ang mga yaong hindi nakikibahagi sa iyong mga pananaw, mga pagtuturo at mga pagsasagawa;
  4. Ipinipilit na ang mga matanda ay dapat na palaging sumunod sa mga naunang pangyayari sa kasaysayan sa kanilang mga pagpapasiya, at madalas na nanghihimasok sa pamamahala ng mga matanda sa ekklesia;
  5. Hayagang pagtutol sa pamumuno sa gawa at sa ekklesia. Pagdidikta at pagpapataw sa mga nangungunang kapatid na lalake sa gawa at mga matanda ng ekklesia nang hayag at nang patago.
  6. Nakapipinsala, hayagang pagbatikos laban sa mga kamanggagawa at mga matanda. Pakikipag-ugnayan sa mga banal sa iba’t-ibang ekklesia upang lasunin sila laban sa mga kamanggagawa o kanilang mga matanda, at sa paggawa ng iba’t-ibang huwad na paratang laban sa mga nangungunang kapatid na lalake sa gawa at mga matanda sa Malabon at sa iba pang mga ekklesia;
  7. Walang pangangailangan, gayunpaman ay ikinakalat sa madla at sa mga ekklesia at mga banal ang mga bagay na dapat pang pagpasiyahan sa gawa;
  8. Pagkakaroon ng isang hiwalay na pamamahala sa loob ng ekklesia sa pamamagitan ng pagtangging igalang ang mga pasiya ng mga matanda at hinihikayat ang mga banal na maging mapili sa pagsunod sa mga nangunguna;
  9. Iginigiit na magkaroon ng iyong sariling combined Lord’s table meeting ng mga bahay-bahay sa labas ng salamuha ng ekklesia habang ang ekklesia ay mayroong Cluster combined Lord’s table Meeting, kaya nagtatatag ng isang mapagbaha-bahaging hapag;
  10. Ipinagpipilitan na ang pagpupulong ng hapag ng Panginoon ay hindi nakasalalay sa pagsasalamuha ng ekklesia, kundi sa kung ano ang maginhawa sa mga banal;
  11. Inihihiwalay ang tinatawag mong “phase 2” ng gawain ng pag-eebanghelyo at pagpapastol sa Cluster 2 at hinihiling sa mga nakikipag-ugnayang mga kapatid na huwag hipuin ang gawaing ito;
  12. Pagkakaroon ng iyong sariling service meeting sa labas ng Cluster 2 service meeting;
  13. Binabaluktot ang mga salita ng iba, at binabago ang tunay na kahulugan ng Kasulatan at mga salita mula sa ministeryo;
  14. Inaasam na ang iba ay maging katulad ng iyong sarili at nayayamot sa mga yaong hindi katulad mo o hindi sumusuporta sa iyong mga gawain;
  15. Hindi sumusunod sa mga salamuha ng mga nangungunang kapatid na lalake sa gawa at sa ekklesia sa iba’t ibang pagpupulong;
  16. Malawakang binabatikos at pinupulaan ang mga tagapaghain sa ating mga blending conferences at inuudyukan ang mga banal na gayon din ang gawin;
  17. Ipinipilit sa mga ekklesia ang isang bagay na hindi katangap-tanggap sa mga ekklesia.
  18. Pagsuway at panunulsol ng pagrerebelde sa gawa at sa ekklesia: sa mga sulatin, mga service meeting, mga pagpupulong ng mga kamanggagawa, atbp.
  19. Ginagawa ang gawa na iyong sariling gawa, isinasagawa ang iyong sariling gawa sa loob ng namumukod-tanging gawa ng pagbabawi ng Panginoon; at
  20. Itinataas ang iyong sarili at iyong sariling gawa sa kapinsalaan ng iba at sa pamamagitan ng paghamak sa iba at sa kanilang gawa.

Hindi lamang mula sa Malabon, bagkus mula sa maraming lugar na pinuntahan mo upang gumawa, nakatanggap kami ng mga salamuha mula sa mga responsableng kapatid na lalake na ang resulta ay hindi naging matamis, at ito ay nagbunga ng kaguluhan at alitan, sapagka’t ginawa mo ang iyong sarili na paksa at salik ng pagkakabaha-bahagi.

SA IYONG MGA MAPANIRANG AKTIBIDAD

Sister Charing, tiyak na mayroon kang lubos na kalayaan, katulad ng sino pa man, na magpahayag ng ebanghelyo, at hindi ka kailanman pinahinto o pinagbawalan ng mga matanda mula sa paggawa mo nito. Kaya, isang lubos na hayag na kasinungalingan na ikalat mo ang salita na sa Malabon, ang pagpapahayag ng ebanghelyo ay nangangailangan pa ng pahintulot mula sa mga matanda. Ito ay isa lamang halimbawa ng iyong pagpapalaganap ng maling impormasyon upang impluwensyahan ang mga nagtitiwalang banal para siraan ang mga matanda.

Hindi mo rin mailihim ang iyong paghamak sa mga nangungunang kapatid sa gitna ng mga ekklesia sa pamamagitan ng paulit-ulit na pang-aalipusta sa mga matanda ng ekklesia sa Malabon at ilang matanda ng mga ekklesia sa Metro Manila kapwa sa mga hayagan at mga patagong salamuha, matinding pinipintasan ang mga bumibisitang kamanggagawa mula sa ibang bansa na inanyayahan upang magsalita sa mga blending conferences (ang ilan sa kanila ay mga nangunguna sa ministeryo sa pagbabawi ng Panginoon ngayon), at ang pagbatikos nang particular kay Brother Jacinto na isinaayos ni Brother Liu Chi Cheng na manguna sa gawa ng Panginoon sa kalagitnaan natin sa Northern Philippines.

Kasama ng mga kamanggagawa at mga matanda sa Metro Manila na naroroon sa pagpupulong, kaming lahat ay sumasaksi sa pagsasaayos ni Brother Liu Chi Cheng na manguna si Brother Jacinto sa gawa. Sa pagpupulong na iyon, matatandaan mo na sinabi ni Brother Liu sa ating lahat, “Suportahan ninyo si Brother Jacinto gaya nang kung paanong sinuportahan ninyo ako.” Gayunpaman, sa halip na suportahan siya at ang gawa, siniraang-puri mo siya at sinira ang gawa. Payak lamang na hindi mo matanggap ang pagsasaayos ng Panginoon sa Katawan sa pamamagitan ni Brother Liu at aminin na bilang isang kapatid na babae, hindi ka maaaring maging ang nangungunang isa sa gawa, isang prinsipyo na kinilala at isinalamuha nang malinaw sa atin ni Brother Liu. Sa core group meeting ng Malabon noong Oktubre 20, 2008, buong kapalaluan mong idineklara na hinding-hindi ka magpapasakop kay Brother Jacinto, iginigiit na siya ay isang tagapanguna sa pangalan lamang. Hindi mo ba natatanto na ang gayong saloobin at mga gawain na kaakibat ng walang pakundangang pagwawalang-bahala sa salamuha ni Brother Liu ay nagwawasak sa Katawan sa halip na magtayo, at na ikaw ay naghahasik ng hidwaan sa halip na pumukaw ng kaisahan at pagtataglay ng isang puso’t kaisipan?

Hinggil sa mga matanda, maingay mong pinatunog ang iyong pagtutol kapwa nang pasalita at sa iyong mga lathalain. Patuloy kang tumatayong pasalungat sa loob ng ekklesia sa iyong pagbusisi ng mga usapin upang di-sumang-ayon, samantalang nagpupukol ng lisyang paghatol sa mga pasiyang ginawa ng mga matanda sa iba’t ibang bagay, ipinaparangya ang iyong mga kwalipikasyon habang ikinakalat sa mga banal na ang mga matanda ay hindi sumusunod sa mga nangunguna sa gitna natin na nauna sa kanila. Dahil sa iyong taliwas na lohika at mapangparatang na tono sa loob ng mahabang panahon, napagpasiyahan naming alisin ang Cluster 2 service meeting at combined Lord’s table meeting mula sa bahay mo—isang desisyon na iyong marahas na tinutulan at binatikos.

Higit pa rito, nais naming malaman mo na yamang laban ka sa pagsasagawa ng ekklesia na magkaroon muna ng pagpupulong ng pagpopropesiya bago ang hapag ng Panginoon sa ating buwanang combined meeting, naganap ang bagay na ito sa pamamagitan ng maraming panalangin at salamuha ng mga matanda. Dahilan sa hindi mo kinikilala ni iginagalang ang mga matanda ng ekklesia, patuloy mong sinasalungat at maingay mo pang hinahamon ang aming mga pasiya. Pinaaalalahanan ka namin, mahal na kapatid, na mag-ingat at magpigil sa paghipo sa pamahalaan ng Diyos sa ekklesia, sapagka’t sa pagsasagawa ng ganito, hinihipo mo ang kamay ng Diyos at hindi ang sa amin.

DI-PINAPAYAGANG GAMITIN ANG MGA PASILIDAD NG EKKLESIA PARA SA IYONG PANSARILING GAWAIN

Pagkatapos ng mahabang paghihintay at salamuha sa harapan ng Panginoon, dumating na kami sa isang desisyon na huwag ka nang payagang gumamit pa ng mga pasilidad ng ekklesia na dati ay naipahintulot sa iyo, sapagka’t ginagamit mo ang mga ito upang siraan ang mga kamanggagawa at mga matanda at magtayo ng iyong sariling pribado at walang kapanagutan gawain.

Dapat mo nang iwanan ang apartment, na inilaan para sa iyo ng ekklesia sa training center. Ito ay aming hinihiling sapagka’t, sa isang panig, hindi namin lohikal na mapayagan kang libreng gamitin ang mga pasilidad ng bahay-pulungan bilang iyong opisina upang maghasik ng pagsuway at sirain ang mga banal, at sa kabilang panig, natanto rin namin na naaangkop ito yamang hindi ka na naglilingkod sa anumang kapasidad sa fulltime training o sa Literature Center nang mahigit isang taon na. Kaya, wala kaming nakikitang dahilan upang bigyang-katuwiran pa ang iyong patuloy na paggamit ng apartment, lalo na yamang ikaw mismo ay may sariling bahay sa Malabon. Sa layuning ito, nais namin na iwanan mo na ang kwartong itinalaga sa iyo sa pagsapit ng ika-15 ng Mayo, 2010.

Gayundin, hindi mo na rin maaaring magamit ang iba pang mga pasilidad ng ekklesia katulad ng printing at internet access sapagka’t ginagamit mo ang mga ito upang itaguyod ang iyong sariling pribado at mapagbaha-bahaging gawain. Hindi mo na rin maaaring gamitin ang mga gospel cars na, bagaman ginagamit mo para sa pagpapahayag ng ebanghelyo, ay madalas mo ring ginagamit upang magkalat ng pagsuway sa gitna ng mga banal gayundin para sa iyong mga personal na lakad.

Isang partikular na kaugnay na bagay na nadarama naming dapat mong malaman ay ang saloobin ng apat na brothers na naglilingkod bilang mga driver ng ekklesia. Nakalimutan mo silang tratuhin na mga kapatid una sa lahat bago mo sila tratuhin na mga drivers mo, na nagsanhi sa kanila na dumaing sa amin nang madalas tungkol sa masamang pagtrato mo sa nakalipas. Humiling ang apat na brothers sa amin ng isang panahon ng salamuha noong Enero 13, at sa pagpupulong na iyon, dalawa sa kanila ang humingi na palayain na sila sa obligasyon nilang magmaneho para sa iyo sapagka’t hindi na nila matagalan ang iyong mapagmaliit na salita at mga negatibong puna laban sa mga matanda at mga nakikipag-ugnayang mga kapatid na hindi sumusuporta sa iyong paraan ng paggawa. Noong nakaraang Abril 21, isa pa ang humiling na siya ay palayain na rin sa tungkulin niyang magmaneho para sa iyo. Ang iyong kakulangan ng pagtitimpi at pagpipigil sa sarili, at ang iyong paggawa sa kanila na mga “basurahan” ay hindi nagpapakita ng wastong pag-uugali na kailangan bilang manggagawa ng Panginoon. Ito ang nagsanhi sa amin na dumating sa isang desisyon na ang apat na brothers ay huwag nang magmaneho sa iyo at na hindi na ipagamit sa iyo ang mga gospel cars nang lubusan.

ANG IYONG LIHAM SA LIVING STREAM MINISTRY

Kinukuha rin namin ang pagkakataong ito upang buksan sa iyo ang tungkol sa e-mail na ipinadala mo sa mga brothers na nangangasiwa ng Living Stream Ministry na may pamagat na “That you may have a chance to right the wrong”(Upang magkaroon kayo ng pagkakataong itama ang mali) noong Marso 29 bilang tugon sa kanilang sulat noong Nobyembre 20 sa ilalim ng pamagat na ”The work on the Tagalog Old Testament Recovery Version” (Ang gawain hinggil sa Tagalog na Lumang Tipang Salin sa Pagbabawi) na nagsasaad na:

Nang nagdaang ilang buwan sumulat ka sa amin dito sa LSM na nagpapatulong sa amin hinggil sa software para sa inyong gawain sa pagsasalin ng Lumang Tipang Salin sa Pagbabawi sa Tagalog, at kami ay nagalak na bigyan ka ng tulong noon. Gayunpaman, batay sa higit pang pagsasaalang-alang sa proyektong ito, nadarama naming mga nangangasiwa ng LSM na dahil may ilang kaguluhan sa gawain diyan sa Malabon, dapat ka nang lubusang lumayo sa gawain ukol sa Lumang Tipan sa Tagalog. Nadarama namin na sa mga panahong ito dapat na alisin ng LSM mula sa iyo at sa kaninumang gumagawang kasama mo ang aming pahintulot na isalin ang Lumang Tipang Salin sa Pagbabawi ng LSM tungo sa Tagalog. Patuloy kaming makikipagsalamuha sa mga kamanggagawa na may kaugnayan sa Pilipinas hinggil sa situwasyon diyan, at kapag ang situwasyon ay nalinaw na, isasaalang-alang ng LSM kung paanong pinakamainam na pahintulutan ang gawain hinggil sa Tagalog na Lumang Tipan na Salin sa Pagbabawi na magsimula nang panibago.

Binibigyan namin ng kopya ng e-mail na ito ang ilang nangungunang kapatid na lalake sa Pilipinas, nang sa gayon ay malaman nila ang aming desisyong hilingin sa iyo at sa lahat ng iba pang may kinalaman dito na huwag nang gumawa sa Tagalog na Lumang Tipang Salin sa Pagbabawi.

Sa kasawiang-palad, lubusan mong hindi kinilala ang kamay ng Panginoon at hindi hinanap sa harapan Niya ang dahilan ng pagkatanggal sa iyo mula sa paglilingkod na ito. Sa halip na tanggapin ito bilang ang pagtutuos ng Panginoon, tahasan mong sinisi ang mga nangangasiwang kapatid na lalake, may hinanakit kang nagparatang sa kanila na “gumagawa ng masama” sa pagpapahinto sa iyong gawain ng pagsasalin. Sister Charing, gaano pang katagal na hindi ka magpapatalo sa Panginoon? Hindi mo ba nakikita kung gaanong nais Niyang basagin ang iyong panlabas na tao? Kahina-hinayang, ang walang pagtitimping liham na iyong isinulat sa kanila ay nagpapakita lamang ng kung gaano mong tinatanggihang dumaan sa pagtutuos ng krus at na mayroon kang labis na paniniwala at tiwala sa iyong sarili.

PAGLALAGAY NG TANDA (MARKING OUT) SA IYO BATAY SA ROMA 16:17 AT 2 TIMOTEO 2:25

Sa pagsunod sa paalala ni apostol Pablo sa Roma 16:17 kung saan sinabi niyang, “Ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na maingat ninyong bantayan ang mga yaong gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa mga pagtuturo na inyong nangapag-aralan, at kayo ay magsilayo sa kanila,“ at sa kanyang pag-aatas sa 2 Timoteo 2:25, “Na itinutuwid nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling sila ay pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi sa lubos na ikaaalam ng katotohanan,” napilitan kaming lagyan ka ng tanda bilang mapagbaha-bahagi at nakapipinsala sa kaisahan ng Katawan ni Kristo. Ang paglalagay na ito ng tanda ay ginawa bilang isang babala nang sa gayon ay malaman ng mga banal at maingat na bantayan ang iyong kalagayan, at gayundin ay protektahan ang kaisahan ng Katawan ni Kristo at ang mga nagtitiwalang banal mula sa iyong mapanirang gawain.

Ang lagyan ka ng tanda bilang isang taong mapagpangkat-pangkat upang sumalungat ay hindi nangangahulugan na ikaw ay pinuputol o binabawalang makipagsalamuha o hinihiwalay. Payak lamang ito na balaan ang mga banal na di-nasabihan at di-nakahanda na baka mahawa ng mga mikrobyo ng pagkakabaha-bahagi. Maaari kang magpatuloy sa pagdalo ng mga pagpupulong ng ekklesia katulad ng prayer meeting at pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Hinggil sa iyong pagbahagi sa hapag ng Panginoon, iniiwan namin sa iyo ang pagpapasiya kung babahagi ka ba o hindi sa ngayon. Kung nadarama mo na mayroon kang isang salita ng panustos, malaya ka pa ring magbahagi nito sa pagpupulong, subali’t tangi lamang yaong mabuti para sa kinakailangang pagtatayo. Kung ang iyong pagsasalamuha ay para sa pangwawasak at hindi para sa ikatitibay, hinihiling namin sa iyong pigilan mo ang iyong sarili, o bilang mga pastol kailangan naming gawin ang aming responsabilidad upang protektahan ang kawan sa pamamagitan ng pagpigil sa iyo.

Kaming nakapaglingkod na kasama mo at nakipagkoordina sa iyo sa loob ng mga dekada ay labis na nalungkot sa iyong kasalukuyang kalagayan at saloobin. Hindi kami nalulugod sa pagsulat ng liham ng babala na ito sa iyo. Ang desisyong gawin ito ay dumating lamang pagkatapos ng higit na pagsasaalang-alang sa harapan ng Panginoon at sa loob ng mahabang panahon ng pakikipagsalamuha sa mga kamanggagawa at mga matanda sa Metro Manila at Rehiyon I hanggang VI, maging sa ilang kamanggagawa mula sa Southern Philippines at Taiwan, at isinasaalang-alang din ang damdamin ng ilan sa mga blending brothers. Ang damdamin ng Katawan ay lubos na nagkakaisa na kailangan na naming lagyan ka ng tanda bilang mapagpangkat-pangkat upang sumalungat.

Bilang mga matanda at mga pastol ng ekklesia kung kanino ipinagkatiwala ng Panginoon ang Kanyang kawan, wala kaming inaangking kasakdalan o higit na kagalingan sa aming mga sarili. Gayunpaman, bagaman kami ay di-karapat-dapat, nagsusumikap kaming maging tapat sa pagsunod nang mahigpit sa pagtuturo ng mga apostol at ginagabayang sumulong ang ekklesia sa isang puso’t kaisipan sa direksyon ng pangkalahatang pangunguna sa pagbabawi ng Panginoon.

Sa kabila ng maraming pagpapaalaala na ginawa namin sa loob ng mga nakalipas na taon, nagpilit ka pa rin sa iyong mga pamamaraan, at ngayon ay lumilitaw na higit pang matapang kaysa sa dati sa panunulsol ng pagsuway at rebelyon sa pamamagitan ng iyong mga sulatin at pagsasalita. Hinihiling namin sa iyo na pag-isip-isipan mong mabuti ang mapanganib na kalikasan ng iyong kasalukuyang tinatahak at ang mapanganib na kahihinatnan ng gayong tahakin. Gaanong nakapanlulumo naman kung sa kabila ng iyong walang kapagurang pagpapagal para sa ebanghelyo ay iyong maiwawala ang Kaharian dahil sa katigasan ng iyong ulo.

Ipinananalangin namin at tapat na umaasa na dadalhin mo ang aming salamuha sa Panginoon at na pagkakalooban ka ng kaloob ng pagsisisi upang bumaling mula sa iyong mga mapagbaha-bahaging pamamaraan. Mayroon kang lubos na kalayaang sumulat sa amin, at kung gagawin mo ito sa isang paraan na nakapagtatayo sa Katawan ni Kristo, makaaasa kang babasahin namin ito at dadalhin ito sa Panginoon sa panalangin. Gayunpaman, kung susulat ka lamang ng mga pamimintas at mga negatibong bagay na pumapatay at nangwawasak, makatitiyak ka na isasaisantabi namin ang iyong liham.

Hinihintay naming makita sa iyo ang mga bunga ng pagsisisi (Luc. 3:8). Gayunpaman, kung magpapatuloy ka sa iyong mapangwasak na tahakin, mapipilitan kaming ipadala ang aming sulat ng babala sa mga ekklesia sa Pilipinas at sa ibang bansa bilang isang babala ng iyong pamamaraan ng pagpapangkat-pangkat upang sumalungat nang sa gayon ang Katawan ay mabalaan at maprotektahan.

 

Mga kapatid mo kay Kristo,

Mga matanda ng Ekklesia sa Malabon

 

Jacinto Chua Jose Lim Thomas Pe



Jun Cruz Bert de Leon Fred Bondoc