"Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa pagtuturo, upang mahikayat niya sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo, at mapaamin sa sariling kasalanan ang mga nagsisisalansang." - Tito 1:9

The Church in Malabon

19 Liwayway St., Acacia, Malabon City
Tel. #287-2225 / 288-9231

Ika-25 ng Mayo, 2010

Minamahal na Sister Charing Garcia,

Magugunita mo na sa aming liham nuong ika-2 ng Mayo, 2010, may kasapatang nilinaw namin sa iyo na wala kaming kinikimkim na anumang personal na usapin laban sa iyo, at ang aming isinasaalang-alang ay pangunahing nakatuon sa tatlong mahahalagang bagay, gaya ng: (1) ang katotohanan kung saan ikaw ay lumihis, (2) ang iyong mga mapagbaha-bahaging paraan ng paggawa at ang ibang gawaing iyong naisagawa na walang kapanagutan sa Katawan at hindi kinukuha ang Katawan bilang ang namamahalang prinsipyo nito, at (3) ang iyong mga mapanirang aktibidad na laban hindi lamang sa mga matanda at mga nakikipag-ugnayang kapatid ng Cluster 2 ng Malabon, bagkus maging ang pagiging laban din sa ilang matanda sa Metro Manila, ilang kamanggagawa rito at mula sa Taiwan, at ilan sa mga “blending brothers” sa Estados Unidos.

Ang aming liham ay hindi humugot ng mga walang katibayang paratang mula sa hangin. Mabusisi naming inisa-isa ang mga aytem sa ilalim ng bawa’t isang punto ng pag-aalala, sa pag-asam na sa pamamagitan ng pagiging masaklaw sa aming paghahain, pagkakalooban ka ng ating laging maawaing Panginoon ng Kanyang pagliliwanag upang sa gayon ay maihatid ka sa pagkatanto sa katiwalian, rebelyon, at pagkamasuwayin na bumabalot sa iyong paggawi at pagkilos na nagdala ng malaking pinsala sa Katawan.

Gayunpaman, ang iyong tugon nuong ika-8 ng Mayo, 2010 sa aming liham ng babala ay malinaw na naghahayag ng kahina-hinayang na hindi pagkakita ng liwanag. Sa iyong tugon na yaon na sa kabuuan ay mapagbatikos at mapanuya, iniwasan mo ang maraming paksa ng talakayan na binigyang puwang sa aming liham sa pamamagitan ng iyong pangkalahatang pagtanggi at mga mapusok na paghamon, ang iyong pag-atake ay higit pang naging mabangis, ang iyong pamumula sa mga matanda ng ekklesia sa Malabon at sa iba pa ay lalong naging matindi, at ang iyong kawalan ng kontrol at pagpipigil sa sarili ay higit pang naging kapuna-puna.

Lalo pa kaming nanlumo sa iyong paulit-ulit na maling paggamit sa pangalan ni Brother Liu Chi Cheng upang patibayan ang iyong mga pagkilos at makakuha ng simpatiya sa mga di-nakatatalos na banal at sa parehong panahon ay nagpupukol ng mga pamimintas sa amin. Ang iyong kalakasang loob na walang pitagan na ipalaganap ang iyong sagot na liham na may petsang ika-7 ng Mayo, 2010 sa mga banal ay nagpapakita na napagpasiyahan mo nang tanggihan ang salamuha at pagsaway ng Katawan, na nagsanhi sa amin na mawalan ng pagpipilian maliban sa hayagang balaan ang mga ekklesia ukol sa iyong pagiging mapagba-bahagi sa aming liham nuong ika-18 ng Mayo, 2010.

Ilang ulit nang naipakita sa panahon ng kaguluhan na sinanhi ng paglaganap ng mikrobyo ng rebelyon at pagbabaha-bahagi na ang wastong tugon sa mga yaong minarkahan dahil sa pagiging mapagbaha-bahagi ay payak lamang na layuan sila at tumangging makinig sa kanilang mapagbaha-bahaging pagsasalita at huwag basahin ang kanilang mapagbaha-bahaging sulatin. Tinuruan tayo ni Apostol Pablo kung paano pakitunguhan ang mga taong mapagbaha-bahagi sa Roma 16:17: “Ngayon nga ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na maingat ninyong bantayan ang mga yaong gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa mga pagtuturo na inyong nangapag-aralan, at kayo ay magsilayo sa kanila.” Sinabi rin ni Pablo sa Tito 3:10: “Ang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, pagkatapos ng una at ikalawang pagsaway, ay tanggihan mo.”

Ang lumayo sa mga mapagbaha-bahagi at sa mga yaong gumagawa ng mga sanhi ng pagbagsak ay ang ihiwalay ang mga mapagbaha-bahaging ito. Kailanman may paglaganap ng nakahahawang sakit ng pagkakabaha-bahagi, dapat nating isagawa na ihiwalay ang mga mapagbaha-bahaging ito nang walang pagkiling sa personal na pagmamahal o katapatan. Ito ay ang pangalagaan kapwa ang Katawan at yaong mga may karamdaman mismo.

Malinaw na nahawahan mo ang ilang walang paghihinalang banal sa Malabon ng mikrobyo ng pagbabaha-bahagi, nguni’t nagpapasalamat kami sa Panginoon na ang sakit ng pagbabaha-bahagi mismo ay naampat sa paglaganap sa pamamagitan ng aming tuloy-tuloy na pagbabakuna at pamamahagi ng buhay at katotohanan. Maaring hindi ganito ang kaso sa ibang mga ekklesia. Banggitin natin ang halimbawa ng kaso ng ekklesia sa Makati: Kamakailan lamang, isang kapatid na babae mula sa lokalidad na yaon (Jecri Yabut) ang nagpadala ng isang liham sa ekklesia sa Malabon, na ang mga nilalaman ay isang litanya lamang ng mga maling paratang na ipinukol mo kay Brother William Bahandi. Sa kabila ng salamuha ng ekklesia ng Makati sa kanya na itigil na ang mapagbaha-babaging hapag sa kanyang tahanan mula pa nuong Pebrero ng nakaraang taon, ang kapatid na babaeng ito na isa mong tagasunod ay tumangging gawin ito. Malinaw na malinaw, ang kapatid na babaeng ito ay nagsanhi ng pinsala sa ekklesia sa Makati dahil sa matinding pagkahawa sa mga mikrobyo na walang habas mong pinalaganap sa pamamagitan ng pagsasalita, paglilimbag, at internet.

Lubusan kaming nalulungkot na dumating na sa punto na kailangan ka na naming ikuwarentenas (quarantine) kasama ang mga yaong may katigasan ang ulo na manikit at magpalaganap ng iyong mga lihis na pagtuturo, mapagbaha-bahaging paraan ng paggawa, at mapanirang aktibidad. Kapag hindi namin inihiwalay ikaw at ang iyong mga tagasunod, hindi namin ginagawa ang kalooban ng Diyos, sapagka’t ipapawalang-bisa namin ang patotoo ng kaisahan ng Katawan at hahayaan itong patuloy na mapinsala.

Bilang mga pastol ng kawan ng Diyos, kinakailangan naming dalhin sa pagsasagawa ang prinsipyo ng paghihiwalay na siyang naaayon sa Kasulatan na paraan upang mapanatili ang kalusugan ng Katawan at maiwasan ang mga ekklesia na magdusa ng karagdagang pinsala. Sang-ayon dito, ikinalulungkot naming ipaalam sa inyong lahat na habang nagpupumilit kayo sa inyong mapagbaha-bahaging paraan, at hanggang sa makita namin sa inyo ang isang tunay na pagbaling mula sa inyong paglihis kaalinsabay ng mga bunga ng pagsisisi, kayo ay hindi tatanggapin sa salamuha ng ekklesia. Hindi kayo papayagan na dumalo sa lahat ng pagpupulong ng ekklesia. Lalayuan namin kayo at tatangging makinig sa inyong mapagbaha-bahaging salita o basahin ang inyong mapagbaha-bahaging sulatin.

Nawa ay kahabagan tayong lahat ng Panginoon.

 

Ang mga kapatid mo sa Panginoon,

Ang mga matanda ng ekklesia sa Malabon
(May lagda sa orihinal na kopya)

 

JACINTO CHUA JOSE LIM THOMAS PE



FRED BONDOC JUN CRUZ BERT DE LEON